Huwag Ikahiya ang Kaalaman sa mga Salitang Pilipino, lalo na ang Pambansang Wika
Posted on Wednesday, 8 April 2015
Huwag Ikahiya ang
Kaalaman
Sa mga Salitang
Pilipino, lalo na ang Pambansang Wika
Ni Apolinario Villalobos
Hindi ko maintindihan kung bakit may mga magulang na pilit
pinagsasalita ng English lang ang maliliit anak sa loob ng kanilang bahay. Okey
lang sana na kahit na pinagsasalita sa English, ay pagsalitain pa rin sila ng
sariling wika o salita ng kanilang probinsiya. Tuwang-tuwa ang mga magulang na
itong marinig na nagsasalita lang sa English ang mga anak, ganoong ang punto o
accent ay Pilipino naman dahil silang mga magulang mismo ay limitado lang din
ang kaalaman sa nasabing banyagang wika. Ang maling akala nila ay mas madaling
makahanap ng trabaho ang taong Inglesira o Inglesiro. Ang hindi nila alam ay
mas gusto ng mga kumpanya sa panahon ngayon ang mga aplikante na maraming alam
na salita.
May isa akong kumpare na nagsisisi kung bakit pinilit niya
ang English sa kanyang anak na humantong sa pagiging bulol nito sa mismong
sarili nating wika na Pilipino. Nang dalhin niya sa Amerika ang kanyang anak
upang doon pag-aralin, pinagtawanan daw ito ng mga kaklase nang malaman na
bulol sa sariling wika, at kinutya pa, samantalang ang ibang mga kaklase ay
natutuwang makipag-usap sa isa’t isa gamit ang Mandarin, Thai, o Tagalog na
natutunan nila sa kanilang mga yaya.
May mga galing naman sa probinsiya na ikinahihiya ang
sariling salita o dialect, pero kung mag-Tagalog naman ay lutang na lutang ang
punto ng sarili nilang salita. May isang babaeng broadcaster na tungkol sa
trapik ang nirereport, ang kahit
nagta-Tagalog na ay nagpupuntong English pa rin, lalo na kung magsambit ng mga
salitang may letrang “R”, na “pinapalambot” upang may kayabangang ipahiwatig na
dahil sa kagalingan niya sa English ay lumalabas na natural ang “parang”
nai-English na Tagalog kung gamitin na niya…ibig sabihin, gusto niyang
palabasin na nananaig o nasasapawan ng English ang Tagalog niya! Nang minsang
may kumausap sa kanya on air, nadulas siya sa kanyang pagsalita kaya nabistong
siya pala ay Ilongga! Ikinahihiya yata niya ito, ganoong kilala ang Hiligaynon
o Ilonggo bilang malambing na dialect kaya marami ang nakakagusto.
Nakakabilib malamang maraming banyaga ang gustong matuto ng
Tagalog o iba pang provincial dialect ng Pilipinas. Ang mga ito ay mga exchange
students o nagtatrabaho sa mga multi-national companies. Dahil itinuturing na
pangalawang wika ang English sa bansa, kahit hindi na sana sila mag-aral ng
Tagalog ay maaari, subalit pinipilit pa rin nilang matuto. Sa mga ganitong tao
dapat mag-ingat ang mga kababayan nating mahilig manlibak ng kapwa na hindi
nila type ang kulay ng balat o hitsura.
Sa isang jeepney na nasakyan ko noon, may dalawang babae na
nangutya sa isang pasaherong maitim ang balat. Sa porma ng nililibak, ay
mukhang estudyante ito. Dahil marunong ako ng Cebuano, naintindihan ko ang ang usapan
ng dalawang babae na mga Bisayang Cebuano pala. Ang isa ay nagsabi na mukhang
unggoy daw ang maitim na pasaherong kaharap nila. Nang iabot ng maitim na
pasahero ang pamasahe niya sa drayber, sabi niya: “kuya…ito po ang bayad ng
unggoy”. Sa hiya, biglang nagpapara ang dalawang babae at bumaba!
Discussion