0

Dapat May Seminar ag Baguhang Presidente

Posted on Friday, 24 April 2015



Dapat May Seminar ang Baguhang Presidente
ni Apolinario Villalobos

Dahil sa mga nangyayari ngayon sa Pilipinas na tila ba ay hindi nagpapagabag sa pangulo, sa personal kong pananaw, dapat lang na sa susunod, ang bagong halal na presidente ay isailalim sa seminar tungkol sa epektibong pamamahala ng gobyerno.

Ang seminar para sa presidente ay dapat malawak na kapapalooban ng values and attitude, development of courage, word of honor, clean and healthy habits, honesty in words and deeds, better understanding of friendship, at ang sense of urgency.

Kailangang maituro ang katapangan upang maka-relate siya sa mga ginawa ng mga ninuno ng Pilipino na nagbuwis ng buhay upang matamo ang respeto ng ibang lahi at mapanatili ang kabuuhan ng bansa na kinapapalooban ng mga isla at bahura. Kaya dapat maisalaksak sa isip niya na kung may dayuhang sumisira ng likas na yaman tulad ng bahura, ito ay isang pagyurak sa dangal ng bansa, na hindi dapat ipagsawalang-kibo ng matagal at magkukumahog lamang sa panahong wala na siyang magagawa pa sa nangyayaring paglalapastangan.

Kailangang maituro ang tungkol sa word of honor upang maunawaan niya na itong prinsipyo ay hindi laruan o ginagamit sa mga tsismisan. Dapat isipin niya na kung magsalita siya sa harap ng mga Pilipino, siya ay hindi nakikipagtsismisan. Kailangang malaman niya na kung may ipinangako siya habang nangangampanya, dapat ay tuparin niya, upang hindi lumabas na kaya niyang paglaruan ang kabaitan at tiwala ng mga Pilipino.

Ang tungkol sa clean and healthy habits, kailangang maipamukha sa kanya, at kung puwede lang iduldol sa mga mata niya kung lumalabo na ang mga ito, ang mga epekto ng bisyo tulad ng sigarilyo, alak, at pagpupuyat dahil sa walang humpay na paglaro ng video games. Makakatulong din ito upang maunawaan niya na mali ang pagpatay ng cellphone upang makapag-concentrate sa paglaro, at upang hindi siya maistorbo sa pagtulog, kaya bubuksan lang niya ito kung ala- siyete na paggising niya. Dapat isampal sa kanya ang katotohanan na kung ang bisyo niya halimbawa ay paninigarilyo at hindi niya maiwaksi, siya mismong presidente ang sisira sa kampanya laban sa bisyong ito. Ganoon lang kasimple at maski batang sa kinder pa lang ay alam ito. Puwera lang kung hindi alam ng taong bayan na abnormal pala ang ibinoto nila!

Ang honesty in words and deeds ay napakaimportante upang hindi magmukhang tanga ang presidente sa pagreport sa bayan ng mga proyektong minana lang niya kung meron man, mula sa nakalipas na administrasyon. Kailangan din ito upang hindi siya mapahiya sa pag-ako ng mga proyektong ginawa ng mga NGOs halimbawa, para sa mga sinalanta ng bagyo. Ang isa pang sitwasyon ay sa pag-modernisa halimbawa ng hukbong sandatahan ng bansa, na hindi naman totoo, kaya dapat siyang matuto,  upang hindi siya magmukhang sirang plaka o taong wala sa katinuan tuwing magbabanggit nito sa mga party na kanyang dadaluhan, at lalong upang hindi niya isipin na siya lang ang bright at ang iba ay tanga na kaya niyang lokohin.

Ang tungkol sa better understanding of friendship, ay module tungkol sa pag-unawa na ang presidente ay dapat kumalas na muna sa mga dating kasama niya sa mga hobbies tulad ng shooting at iba pa, di kaya ay mga dating barkada at kaklase. Ito ang magpapaunawa sa kanya na dapat niyang ibaling muna ang kanyang friendship sa kabuuhan ng populasyon ng bansa, sino man sila – pulubi, SAF commandos, transgender, driver, tindera, pari, madre, o kung sino pa, upang may mamatay man o ma-ospital at kaya rin lang niyang bumisita ay magawa niya kahit hindi niya kilala….dapat i-presume niya na ibinoto siya ng mga ito.  Ito rin ang magtuturo na ang mga dating kaklase, kabarkada, katagayan, kabarilan at ano pang kaek-ekang friends ay hindi dapat nilalagay basta na lang sa mga puwesto sa ilalim ng kanyang administrasyon. Kung may hindi matanggihan, dapat tanggalin agad kung nakitaan ng ugaling corrupt o katangahan sa pagpatupad ng responsibilidad, huwag silang magdikitan upang hindi siya pagdudahang may “kakaibang” personalidad.

At ang pinakamahalaga, ay ang pag-develop ng sense of urgency. Bilang presidente, dapat isalaksak sa kanyang diwa na iba ang buhay bilang lider ng isang bansa, sa buhay binata, kung binata man siya o de-pamilya. Dapat isiksik sa utak niya na buong bansa ang pinangangasiwaan niya, hindi isang bahay o isang pamilya o isang opisina. Kung may problemang kinakaharap ang bansa halimbawa tungkol sa teritoryo, dapat matuto siyang magkonsulta agad sa mga may karanasan nang naging presidente ng bansa na mga kasapi sa National Security Council, hindi yong siya ay kokonsulta sa animo ay Student Council na ang mga miyembro ay  kakapa-kapa sa dilim at nabubulol maski sa pagsasalita at kahit hindi nila sure kung tama ang sinasabi nila ay taas noo pa rin.  Itong module ang magtuturo sa kanya na dapat ay anticipatory ang kanyang mga aksiyon, hindi reactionary, upang hindi siya ituring na lampa o malamya o malambot o walang buto o utak ipis o maikli ang pananaw dahil malabo ang mata.

Para sa 2016 eleksiyon, tingnan ang kulay ng pagkatao ng tatakbo kung ito ay busilak o may mantsa ng hindi kaaya-ayang mga kasong hindi tugma sa good manners and right conduct. Huwag piliin ang mahilig maghugas ng kamay na turo ng turo sa iba na masama kuno, upang lumabas na siya lang ang malinis, ganoong sa pagtuturo niya ng isang daliri sa iba, ang tatlo pa niyang daliri ay nagtuturo naman sa kanya!

Discussion

Leave a response