Tayo Ba Ito?
Posted on Thursday, 30 April 2015
Tayo Ba Ito?
Ni Apolinario Villalobos
Lahat tayo ay may kakulangan at hindi magandang katangian.
Ang mga kakulangan ay hindi dapat ikahiya pero dapat ay bukas ang ating isip
upang matanggap natin kung ano man ang dapat na pampuno. Ang hindi magandang
katangian natin ay hindi natin nakikita kung minsan, kaya kailangan natin ng
ibang tao upang magsilbing salamin na siyang magpapamukha sa atin kung ano ang
mga ito, at kung mangyari man, dapat ay handa rin nating tanggapin ang
katotohanan.
May ibang nagpipilit na sila ay tama kahit na saan mang
anggulo tingnan ang kanilang ginawa, ay talagang mali. Kadalasan ay epekto ito
ng hangin ng kayabangang nagpapalobo sa kanilang ulo dahil umasenso halimbawa,
sa trabaho kaya nadagdagan ang kita. Tingin nila sa sarili nila, sila ay nasa
pedestal na, nakatingin sa ibang tao sa ibaba. Dahil sa kanilang mataas na
puwesto, umiral ang tinatawag na superiority complex. Sila ang mga taong ayaw
magpatalo.
Hindi masama ang maging maingat sa pamimili sa palengke
upang makapag-uwi ng talagang sariwang pagkain, at kung susuwertihin naman, ay
mura pa. Subali’t ang iba ay walang pakundangan o konsiderasyon dahil kahit
maseselang prutas o gulay ay hindi pinapatawad sa kanilang pagpisil na
nagpapalamog sa mga ito, kaya kawawa ang tindera. Meron namang iba na hindi
nagkasya sa pagpisil lang, dahil dinadagdagan pa ng pamimintas sa mga kalakal,
ganoong wala naman palang intensiyong bumili. Tulad ng isang babae na nakarma
dahil sa ugali niyang nabanggit ko. Ang dalawang abokadong hinog na kanyang
pinisil ay hindi niya binili at lumipat siya sa bunton ng mga lansones at doon
ay pumisil uli, at hindi pa nagkasya, sininghot ang isang bungkos…na hindi niya
alam ay may mga langgam kaya shoot na shoot ang ilan sa kanyang ilong! Umalis
na lang ako sa tabi niya dahil halos pumutok ang dibdib ko sa pagpigil ng
halakhak!
Kung kumain ang iba sa restaurant ay nagtitira ng iisang
kutsarang kanin at ganoon din sa ulam na kung minsan ay inaayos pa ng maige sa
isang tabi ng pinggan, sabay tingin sa paligid kung may nakakita. Para bang
ipinagmamalaki pa na mayaman sila kaya ugali na nilang magtira ng pagkain sa
pinggan, dahil kaya naman nila. May iba naman, oorder ng pagkain at pagkatapos
tikman ay hindi na gagalawin – ugaling mayaman pa rin. Bakit kaya may mga taong
ganito kayabang? May kasama ako noon sa opisina na ganito ang ugali. Nang
minsang isinama niya ako sa kanila, nalaman kong sa isang kwartong maliit lang
pala nakatira ang kanyang pamilya, sa lugar ng mga iskwater. Dahil kaibigan ko
naman, pinayuhan ko siya na magbago ng ugali, na ibig sabihin ay huwag
magyabang sa pag-aksaya ng pagkain dahil kinakapos din pala sila…..nagpasalamat
ako dahil nakinig naman.
Kasama sa ating kultura ay ang tinatawag na “Filipino time”
na hindi maganda ang epekto sa ating imahe dahil tungkol ito sa kawalan ng
respeto sa oras. Ang isang halimbawa ay hindi pagtupad sa itinakdang usapan
dahil dumating nang sobrang late. Ang lumipas na oras ay hindi na naibabalik,
dahil ang pag-usad ng panahon na kinapapalooban nito ay diretso, walang
balikan. Kahit anong talino ng tao, kung hindi naman siya maagap dahil makupad
sa pagkilos, ay matatalo ng taong palaging nauuna sa oras. Ilang beses na itong
napatunayan lalo na sa paghanap ng trabaho. Ang isa pang sitwasyon ay ang
pagpunta sa airport, na dahil sa tiwala ng ibang walang sagabal sa pagpunta sa
airport ay nakalimutan ang mga hindi inaasahang trapik o disgrasya sa lansangan
na maaaring magresulta sa pagka-miss nila ng flight….kaya habang nakanganga sa
harap ng saradong check-in counter ay abut-abot ang pagsisisi.
Ito naman ang madalas mapuna sa mga taong religious daw.
Kapag nagkikita sa lugar ng sambahan kung Linggo, nagpapa-istaran sila sa ganda
ng damit na suot at burluloy sa mga braso, leeg at tenga, kulay ng kuko, pati
sapin sa mga paa. Ibig sabihin, una sa kanilang intensiyon sa pagpunta sa
sambahan ay upang mapuna ang ayos nila, at ang pagsamba sa Diyos na nagiging
pangalawa na lamang.
Ang isa sa mga ugali na hindi nakakapagdulot ng maganda sa
pamilya ay ang ugali mismo ng ibang mga magulang na ayaw “mamaluktot kahit
maiksi ang kumot”. Sila ang mga taong, kahit naghihikahos na ay mas gusto pa
rin ang mga mamahaling bagay kaysa mga mura na kaya nila. Ang ganitong ugali ay
nakikita at nagagaya ng mga anak. Para sa kanila ay hindi na baleng malubog
sila sa utang, huwag lang makita ng kapitbahay na naghihirap sila. Ang hindi
nila naiisip ay dinadamay nila sa kanilang problema ang mga taong nagpapautang
sa kanila, dahil wala silang pakialam kung sa itinakdang panahon ay wala silang
pambayad, kaya ang kawawang nagpautang ay naiwang naghihinagpis dahil walang
masingil!
Sa panahon ngayon hindi na talaga maiwasang may makahalubilo
tayong mga taong taliwas sa inaasahang kabutihan ang mga asal. Guilty rin ako,
pero, kung may natumbok din akong iba, please lang, huwag nang
magmaang-mangan…magbago na tayo!
Discussion