0

Sa Pagsalpukan ng Iresponsableng Magulang at Suwail na Anak...

Posted on Monday, 27 April 2015



Sa Pagsalpukan ng Iresponsableng  Magulang
At Suwail na Anak….
Ni Apolinario Villalobos

Pangalawang beses na itong pagsabi ko na swertihan ang pagkakaroon ng mapagmahal at responsableng magulang, o anak na mabait at hindi makasarili, ibig sabihin ay uliran at hindi suwail. Hindi na kailangang magtaas ng kilay ang mga magulang at anak sa pagbasa ng titulo dahil talaga din namang hindi lahat ng magulang ay 100% na responsable, ganoon din ang mga anak na hindi lahat 100% ay uliran. Ang blog na ito ay tungkol sa Pilipinong pamilya lamang.

Batay sa kultura ng Pilipino ang mga magulang ay inaasahang mapagmahal at responsable upang maging matatag ang tahanan. Ang mga anak naman ay inaasahang maging huwaran sa pagsunod sa magulang, kaya dapat ay mabait at hindi makasarili.

Subali’t sa panahon ngayon, hindi na ito kadalasang nangyayari dahil sa dami ng impluwensiyang nasasagap ng pamilyang Pilipino. May nababasang balita tungkol sa magulang na nagbubugaw ng anak o nagsasalang dito sa sex video upang pagkitaan. May mga kuwento rin tungkol sa mga anak na sa murang gulang ay sumasagot sa magulang o di naman kaya ay nagmumura pa. May mga magulang na nagtatapon ng anak sa basurahan o nagpa-flush ng bago pa lamang panganak o fetus, sa inuduro. Meron ding mga anak na nang magkaroon ng sariling pamilya, ang sariling magulang ay hinayaan na lang na lumaboy sa kalye at mamulot ng basura upang mabuhay.

May mga responsableng magulang na kahit anong gawin upang mahubog sa kabutihan ang anak, talagang walang kinahihinatnan ang pagod dahil malakas ang pagkontra sa kanila. Kung lumaki na ang mga anak na suwail ay halos sipain pa sila ng mga ito palabas ng bahay. Sa ganitong sitwasyon, ang magulang na hindi nakakatiis ay nagiging kawawa kapag matanda na dahil hindi makakaasang aalagaan sila ng kanilang anak. May mga nakausap akong matatandang namumulot ng basura upang mabuhay dahil sa kamalasan nilang pagkaroon ng mga anak na suwail, kaya nagtitiis na lamang sila sa pagtira sa bangketa.

May mga anak din na uliran sa kabaitan, subali’t ang mga magulang naman ay iresponsable at gumon sa mga bisyo, kaya pati sila ay naipapahamak. Sa pamilyang ito nagkakaroon ng bugawan ng anak upang kumita ang magulang. Sa mga ganitong sitwasyon, kadalasan, ang mga anak na hindi makatiis ay naglalayas na lamang at nakikisasama sa ibang bata na may kahalintulad na kuwento ng buhay. Sila ang mga nagugumon sa pagsinghot ng rugby, at kalaunan ay natututong magbenta ng sarili o magnakaw upang mabuhay.

Ang matinding sitwasyon ay kung parehong may mga kasalanan ang mga magulang at anak tulad ng nakita ko sa isang pamilya sa isang barangay na madalas kong pasyalan. Ang mga anak ay puro batugan. Paggising, ay cellphone agad ang inaatupag. Nagsilakihan silang ni hindi nakahawak ng walis nang may kusa, dahil kailangang utusan pa ng magulang, at sumunod man ay animo nilamukos ang mukha dahil sa pagsimangot.  Ang mga magulang naman ay masosyal at ayaw patalo sa mga kapitbahay pagdating sa mga kagamitan, dahil ayaw paawat sa pagbili ng mga gamit, kahit hindi kailangan. Dahil sa pagsalpukan ng hindi kagandahang ugali ng pamilya, umaga pa lang ay nabubulahaw na ang malalapit na kapitbahay dahil sa kanilang pagsasagutan.

Ang basag na relasyon ng magulang at anak ang isa sa mga dahilan kung bakit ang lipunan ay tuluy-tuloy sa pagbulusok, habang nawawalan ng kabuluhan. Hindi lahat ng Pilipino ay may iisang pananaw at panuntunan sa buhay. Ang iba, kahit walang laman ang tiyan ay okey na, makapagsamba man lang. Subalit may iba ring dahil sa gutom ay nawawala sa sarili kaya hindi lang pamilya ang nabubulyawan, kundi pati na ang Diyos ay pinagdududahan na rin. Idagdag pa dito ang mga impluwensiya ng teknologhiya at ibang kultura, at lalo na ang kapabayaan ng pamahalaan, kaya kung wawariin ay halos wala nang masusulingan ang Pilipino.

Sa puntong ito dapat ipasok ang pakikialam sa ating kapwa nang may kabuluhan. Ang pakikialam ay hindi lamang pagpayo kung ano ang tama, kundi ang pagpapakita sa pamamagitan ng kinikilos natin na maaaring tularan. Ang isa pa ay ang pakikialam sa pamamagitan ng tulong na abot-kaya. Huwag nang hangaring makatulong ng malaki kung ang kaya ay para sa isa, dalawa o tatlo lang…dahil kabawasan din sila kahit papaano, sa hanay ng mga nangangailangan.


Discussion

Leave a response