0

Ang Panggagaya ng Pilipino...nasobrahan, kaya naging masagwa

Posted on Wednesday, 1 April 2015



Ang Panggagaya ng Pilipino
…nasobrahan, kaya naging masagwa
Ni Apolinario Villalobos

Nakakapagpayaman sa isang kultura ang makibahagi ng mga banyagang kultura, subalit ang kalabisan ay hindi na nakakatuwa, nagiging masagwa. Ganyan ang nagyari sa mga Pilipino na walang pinalalampas na impluwensiya ng ibang lahi pati sa panggagaya kay Kristo.

Ang isang halimbawa ay ang paggaya sa Haloween, kaya pagsapit ng araw na pagdaos nito, naglipana na rin ang mga pekeng “pumpkin” na may mga butas para sa mga mata, ilong at bunganga, may mga “witches” costume at “broomstick” din. May “zombies” pa! Nagkalat din ang mga binebentang nakakatakot na maskara, at costumes. Inaakit ng mga ito ang mga bata na nagpapatalbugan sa pinakanakakatakot na costume na may kaakibat na pagkamahal-mahal na halaga! Pati, mga bags kunwari ng goodies para sa trick or treat ay kalat na kalat sa mga mall. Kaylan nagkaroon ng Haloween ang Pilipinas? Ang meron sa Pilipinas ay paggunita ng Araw ng Patay – ang pinakanakakatakot nating araw sa kalendaryo….at hindi ginagawa ang pananakot kung gunitain ito. Nagsisindi ang mga Pilipino ng kandila sa puntod ng mga namayapang mahal nila sa buhay…at pag-uwi ay nagsasalu-salo sa nilutong simpleng kakanin o kalamay…yon lang!

Kung Banal na Linggo, okey lang gunitain ang Easter Sunday o Pasko ng Pagkabuhay, pero, bakit may egg hunting pa? Ang mga hotel, at mall ay nagpapaligsahan sa pagdaos ng ganitong activity upang makaakit ng mga customer. Alam kasi nila na kapag mga bata na ang nagpumilit, walang magagawa ang mga magulang kaya sugod na lang sila sa mga venue at magrehistro na may kasamang mahal na bayad. Subalit may mga magulang na ring pasimuno, na mismong nagtatanim ng ganitong okasyon sa isip ng kanilang anak upang maging “in” daw sa uso!

Kung pasko, may mga Christimas tree na pilit binabalot ng nilamukos na puting papel de hapon na kunwari ay nyebe o “snow, o di kaya ay ng binating sabon na mas mukhang “snow”. Kaylan nagkaroon ng snow sa PIlipinas? Ang paggamit ng evergreen na puno ay ugaling pagano, pati ang paggamit ng garland na mistletoe. Kung ang ginugunita ay kapanganakan ni Hesus, kabaligtaran ang mga ginagawa ng mga Kristiyano. Si Hesus ay ipinanganak sa isang hamak at simpleng lugar na kung hindi sa kuweba ay sa kuwadra ng mga hayop, kaya kadalasan ay ipinapakita ang imahe niya na nakahiga sa sabsaban. Walang Christmas tree sa tabi niya at wala ding snow. Ayon pa sa mga mananaliksik, nang ipinanganak siya ay tag-init, buwan ng Abril, hindi tag-lamig na buwan ng Disyembre.

Ang mga angkop na angkop lang sa paggunita ng kapanganakan ni Hesus ay ang bituin na kung tawagin ay “Star of Bethlehem”, mga tupa at mga pastol. Pati ang mga sinasabing “tatlong hari” ay hindi rin talagang mga hari ayon sa mga mananaliksik at pinatunayan ito ng mga nadiskubreng ebidensiya. Sila ang mga tinatawag na mga “magi” (singular ay “magus”) at sa  Ingles ay “magician” at miyembro ng isang tribu na kilala sa panghuhula at pagbasa ng mga palatandaan sa kalawakan, lalo na ang mga bagay tungkol sa mga bituin, at ang tawag ngayon sa trabahong yan ay fortune telling. Kaya nila pinilit na tuntunin ang lugar na “itinuturo” ng bituin na siyang palatandaan ng pagsilang ng isang hari, hanggang makarating sila sa Bethlehem, ay upang magbigay pugay dito.  Bakit hindi ito ang ituro sa mga Kristiyano? Kaya tuloy, sa kagagaya ng mga Pilipino, pati mali ay nagagaya na rin!

Sa aking pananaw ay hindi naman masama ang panggagaya. Subalit, sa halip na gayahin ang mga walang kuwentang nakagawian ng ibang bansa na kailangang gastusan upang maidaos lang, bakit hindi gayahin ang disiplina na maayos nilang pinapatupad? Ang mga Pilipinong nakarating sa Singapore, halimbawa, ay manghang-mangha sa kalinisan ng paligid nito at disiplina ng mga tao…bakit hanggang paghanga lang?...bakit hindi gayahin?..at bakit hindi ipatupad ng gobyerno ng Pilipinas?

Yong ibang magulang naman, sa kagustuhan na magaya ng mga anak nila ang pag-English ng mga Amerikano, pinipilit ang mga ito na pati sa bahay ay mag-English, bawal ang sariling salita.  Nabulol tuloy ang mga ito kung magsalita na ng sariling wikang Pilipino at naging katawa-tawa! Kaya pagdating ng panahong mag-aaplay sa trabaho, talo ng ibang aplikante na magaling na sa English ay magaling pa rin sa Pilipino at ibang salita na gamit sa ibang probinsiya.

Ang pinakamasagwang panggagaya ay ang pagiging Kristo daw kaya may namimigay ng pagkain, damit, etc.  na may nakatutok na kamera at may nakaabang na reporter na mag-iinterbyu. At, ang pinaka-super na ginagaya kay Kristo na sobra-sobra ang pagkasagwa ay ang pagpapako sa krus. Hindi nagpapako si Kristo…siya ay ipinako ng mga kalaban niyang kapwa Hudyo! Ang mga Pilipino naman, magpapapako lang pala sa krus ay bakit hindi pa gawin na lang sa loob ng bakuran nila? Bakit kailangang i-broadcast pa, ganoong iilang pirasong tao lang naman ang nakakakilala sa kanila na talamak ang kasalanan na paulit-ulit ginagawa kahit siguro matadtad na ng tusok ng pako ang mga palad. Gusto lang ng mga hangal na mga huwad na Kristiyanong ito ang makunan ng retrato upang mailagay sa facebook o magazine o diyaryo! Ano kaya kung tamaan sila ng kidlat sa oras na sila ay maipako na? Siguradong maraming pagpapa-convert sa Kristiyanismo dahil ituturing itong himala!

Kaylan kaya mabubuksan ang ating mga mata sa katotohanang ang lahi natin ay may sariling kultura na mayaman at kayang ipagmalaki sa buong mundo? At, sa pagiging Kristiyano ang kailangan ay mga gawaing makatotohanan at walang bahid ng pagkukunwari?

Ang pagmamalabis sa anumang bagay ay masama, gaya ng labis na paggamit ng asukal na nagreresulta sa diabetes – isang sakit na walang gamot! Ang bansa natin ay ganyan…naturuan ng mga Amerikano ng demokrasya, subalit nasobrahan sa paggamit kaya inabuso…ngayon, ang korapsyon sa Pilipinas ay animo kanser na hindi na yata gagaling! At, sa ibang Kristiyano, malabo na rin yatang matanggal ang makapal na nakulapol na pagkukunwari sa kanilang pagkatao…sila, na ang “pagbabago” ay inaasa na lang sa taunang tradisyon na paggunita…ibig sabihin ang “pagbabago” nila ay RENEWABLE!


Discussion

Leave a response