0

Bibili daw ang Pilipinas ng mga Barko...at may nanalo nang bidder, ang Japan

Posted on Tuesday, 21 April 2015



Bibili daw ang Pilipinas ng mga Barko
….at may nanalo nang bidder, ang Japan
Ni Apolinario Villalobos

Narinig ko ang balitang binabanggit sa titulo nitong blog habang kumakain ako ng almusal. May binanggit na bilang kung ilan, subalit nang banggitin na ang mga lugar kung saan ang mga ito ihihimpil ay muntik na akong mabulunan. Ang mga binanggit ay puro sa Luzon – Manila, La Union at Palawan. WALANG MAPUPUNTA SA VISAYAS AT MINDANAO!

Isa na namang kabobohan ng kung sinuman ang may ideya ng distribution ng mga barko na ang mga gamit daw ay para sa search and rescue, at relief operations. Sa Luzon lang ba may dapat ma-rescue at gumawa ng relief operations? Ang Mindanao, lalo na ang bandang southern part ay piniperhuwisyo ng Abu Sayyaf kidnappers na gumagamit ng kumpit…bakit hindi ito tapatan ng Coast Guard at Philippine Navy? Mahina ang control sa southern entrance/exit kaya dito dumadaan ang mga tumatakas sa batas, at paboritong lusutan ng mga kontrabando. Ang Visayas naman ay binubuo ng mga isla – malalaki at maliliit, kaya kailangan ding mayroong nakatalagang mga barko sa mga istratehikong daungan.

Natataranta ngayon ang pamahalaan dahil sa nangyayari sa West Philippine Sea na dapat siguro ay ibalik na lang sa tawag na South China Sea, malinaw na rin lang na walang magagawa ang Pilipinas sa kaswapangan ng mga lider ng Tsina. Bakit ngayon lang sila natataranta? Saan napunta ang perang galing sa pinagbentahan ng Fort Bonifacio noon pa man, na dapat sana ay para sa modernisasyon ng hukbong sandatahan ng Pilipinas? Sapat na ba ang biniling second hand na mga helicopter at mga armas, ganoong bilyones ang dapat na napunta sa proyektong ito?

Ang Pilipinas ay binubuo ng mga isla kaya ang kailangan ay mga sasakyang pandagat at panghimpapawid tulad ng helicopter man lang at mga modernong barko para sa Coast Guard at Philippine Navy. Hindi kailangan ng Pilipinas ang fighter planes dahil wala rin namang mapapala sa harap ng mga naghihigantihang ginagamit ng mga karatig-bansa lalo na ng Tsina. Ang inaasahan kasi ng Pilipinas ay ang iniiwang mga bulok na gamit-pandigma ng mga Amerikano pagkatapos ng “Balikatan exercises” taon-taon!

Nakakahiya ang Pilipinas.... dahil halos wala nang mukhang maiharap sa buong mundo lalo pa sa panahon ngayong tadtad ito ng mga problema na gawa mismo ng mga tiwaling opisyal sa pamahalaan!...at ang pinakakawawa ay ang mga Pilipino!

Magtataka pa ba tayo kung bakit gustong ihiwalay ng BIFF ang isang bahagi ng Mindanao mula sa Pilipinas? At hindi malayong mag-isip din ng ganito ang mga taga-Visayas – magkaroon man lang ng self-governing na rehiyon tulad ng nasa Cordillera at ang umiiral sa ngayon na ARMM, na kung matutuloy ay papalitan ng Bangsamoro. Pero, paano na ang sinasabi ngayon ng MNLF na gusto rin nila ng sariling rehiyon?

Discussion

Leave a response