0

Weird daw ako....awww, c'mon!...unique at kamangha-mangha siguro, pwede pa!

Posted on Sunday, 5 April 2015



Weird daw ako….awww, c’mon!
…unique at kamangha-mangha siguro, pwede pa!
Ni Apolinario Villalobos


Nang minsang may sinamahan akong mga kaibigan upang kumain sa isang karinderya pero hindi ko nagustuhan ang mga naka-display na ulam, humingi na lang ako ng sardinas na nakita ko sa shelf. Humingi din ako ng maraming siling labuyo na sinabay ko sa pagsubo ng pagkain.  Sabi ng isa naming kasama, weird daw ako. Noong isang beses naman na kumain ako sa karinderyang magsasara na, dahil wala nang ulam akong inabutan at pati ang kanin ay tutong na lang, inorder ko na lang din ang tutong at humingi ng catsup para pang-ulam. Tanong ng anak ng may-ari ng karinderya… “ano yan?”

Gusto ko sanang sabihin noon sa kaibigan ko na, “kung hindi mo kayang kumain ng sardinas at sili, ako kaya ko, kaya bumilib ka na lang”. Pati yong anak ng may-ari ng karinderya na ayaw maniwalang kinain ko ang tira nilang tutong na karaniwan na nila sigurong tinatapon ay gusto ko sanang barahin ng tanong na, “mayaman ba kayo?”, pero nagpigil na lang ako, dahil kapag pinagsalitaan ko sila baka talagang lalabas ang tunay na pagka-“weird” ko!

Paano na lang kung malaman nilang ang saging na hinog ay sinasawsaw ko sa toyo?…ang abukado ay winiwisikan ko ng suka at sinasabayan ko ng sibuyas kung kainin , sa halip na lamasin sa asukal, gatas, at lalagyan pa ng yelo?...at ang piniritong sunny side up na itlog ay winiwisikan ko ng patis o sukang maanghang?...at wala akong ganang kumain kung walang sili na talagang pinanggigigilan kung nguyain upang sumarap ang sinusubo kong pagkain?...ang kape ay nilalagyan ko ng kending maanghang na “snow bear”, pulbong sili, cinnamon, at luyang dilaw…o di naman kaya ay dinurog na nilagang kamote? Baka himatayin sila!

Sa isyu ng sandwich, ang ibang Pilipino, kung sa bahay ay ayaw kumain ng tinapay na pinapalamanan ng gulay. Pero, bakit sa Jollibee at MacDo, kumakain sila ng tinapay na may kamatis, sibuyas at letsugas? Siguradong ang reaksyon dito ng mga nagpipilit na class sila ay ang pagsabi na tinatabi nila ang mga gulay. Sino ngayon ang “weird”? Di ba yan ay isang weird na kaipokrituhan? Paano na kaya kung ang ipapalaman sa tinapay ay tortang talong o ginisang kamatis at sibuyas o ginataang kalabasa o beko?...o di kaya ay catsup lang? …sigurado, may sisigaw ng, “yuck!!!”

Sa isyu naman ng ispageti, ang alam lang na sarsa ng ibang Pilipino ay yong may karne. Para sa kanila kung hindi karne ang sauce, hindi ito ispageti. At kapag tomato sauce lang o sariwang kamatis at sibuyas o laman- dagat tulad ng hinimay na piniritong galunggong, sea shells o sea weeds, o di kaya ay hinaluan ng pinakbet, o ginisang sardinas, lalo na ng hinimay na piniritong tuyo, o di kaya ay giniling na talbos ng kamote at malunggay na isang uri ng pesto sauce, o di kaya ay winisikan ng ginisang bagoong isda….siguradong magiging weird na itong pagkaing Italyano para sa kanila! Ang noodles na ispageti ay parang kanin, kaya pwedeng sabayan ng kahit na anong ulam, pwede nga kahit brown sugar o molasses lang. Ang ibang Pilipino nga naman, nanggaya lang ng pagkaing banyaga na akala nila ay class…palpak pa!
Kung mimili sa ukay-ukay o department store, ang una kong pinupuntahan ay ang section ng mga naka-sale at kung wala akong magustuhan, saka ako pumupunta sa regular section. Weird daw ako dahil may pera naman na magagastos, bakit ko pipigilan ang sarili ko? Yong kaibigan kong unang nagsabi nito ay madalas umutang sa akin dahil wala sa ayos kung magbadyet. Binara ko siya ng simpleng payo lang naman na: “kung ako ikaw, titingnan ko muna ang kakayahan ko sa paggastos bago mamili, at hindi yong makapamili lang ay uutang dahil hindi kaya ng bulsa”.  Sa awa ng Diyos, hindi pa rin nagbago…manhid yata!...yan ang “weird!

Minsan pa rin, may naisama akong kaibigan sa Baseco Compound (Tondo). Bago kami pumasok sa mga iskenita, winarningan ko siya na huwag niya akong tawagin sa tunay kong pangalan  dahil iba ang ginagamit ko sa lugar na yon. Nandilat ang mga mata niya, sabay tanong ng bakit daw, may dugtong pang “ang weird mo…wanted ka ba?”. Nang ipaliwanag ko na pulitiko at artista lang ang nagbo-brodkast ng pangalan sa ibang tao for obvious reason, hindi niya ako naintindihan. Nang dinagdagan ko ng, “ hindi kailangang malaman ng tinulungan kung sino ang tumulong”, lalo siyang nahilo. Mula noon hindi ko na siya isinama, at baka lalong mahilo sa mga kutos ko dahil pasaway lang!

Maraming bagay na ginagawa ang iba, na hindi ginagawa o hindi kayang gawin ng iba. Subali’t hindi nangangahulugang sila ay “weird”, na tulad ng tawag sa akin ng kaibigan ko. Negative kasi ang dating ng salitang “weird”. Puwede pa sigurong sabihin na “naiiba, unique” o “nakakamangha” dahil ang dating ng mga salitang yan ay may kaakibat na pagkabilib.

Sa buhay naman ng tao, kung mahirap siya at may kakaibang gawi, tinatawag na “weird”, pero kung mayaman, ay sinasabing  may sariling “statement”. Para bang, kapag mahirap ang isang taong hindi diretso ang tingin, tawag sa kanya ay duling o sulimpat, pero kung mayaman, ang tawag ay banlag at ini-Ingles pa na “slanting eyes”. Kung mahirap na tao ang may galis, ang tawag sa kanya ay galisin, pero kung mayaman, siya ay may “allergy” lang, kahit para nang mapa ang eczema at nagnanaknak na ang balat sa kapal ng galis. Sa isa pa ring sakit sa balat ng mahirap, ang nagsusugat at nagnanana na, kung tawagin ay bakukang, pero kung sa mayaman, ang tawag ay “skin eruption”!

Kung mahirap ang tao, ang tawag sa mabaho niyang hininga ay mabahong hininga talaga o bad breath, kung mayaman, ini-Ingles sa mahirap intindihin na “halitosis”, kaya sa mga hindi alam ang meaning, bago nila malaman, halos himatayin na sila kung nabugahan na ng toxic breath ng mayamang kaibigan. Ang tawag sa taong mahirap na may maitim na balat ay “ulekba” o “negro”, pero kung mayaman, ang tawag ay “sun tanned” o “golden brown”. Ang taong  mahirap na maputla ang kulay ay tinatawag na kulay-patay o sakitin, pero kung mayaman, tinatawag na “kulay porselana” (porcelain). At, kung payat ang mahirap, tawag sa kanya ay “tisiko” o my TB, di kaya ay “bangkay”, pero kung mayaman, tawag sa kanya ay sexy o slim!   

Sino ngayon ang “weird”…na ayaw magpakatotoo?

Discussion

Leave a response