Isang Suhestiyon upang Mabawasan o Tuluyang Mawala ang mga Basura, at Kikita pa ang mga Mahihirap
Posted on Monday, 27 April 2015
Isang Suhestiyon
Upang Mabawasan o Tuluyang Mawala
Ang mga Basura, at
Kikita pa ang mga Mahihirap
Ni Apolinario Villalobos
Lubusang mabibigyan ng magandang kahulugan ang kasabihang
“may pera sa basura”, kung bibilhin ng pamahalaan ang basura. Kapag magkaroon
ng ganitong programa ang pamahalaan, siguradong wala nang makikitang maski
plastic ng ice candy sa paligid dahil magkakanya-kanya ng ipon ang mga tao,
lalo na ang mga bata.
Ito ang suggested na paraan:
1.
Ang mga barangay ang bibili ng mga basura mula sa
kanilang nasasakupan. Dapat ang basura ay maayos sa pagkabalot batay sa
alituntunin na paghiwalay ng mga hindi nabubulok sa mga nabubulok. Ang mga
mari-recycle tulad ng bakal, bote, at iba pa na binibili na ng mga junk shop ay
hindi bibilhin upang may kita pa rin ang mga ito. Ang hindi maayos sa
pagkakabalot ay hindi bibilhin.
2.
Por kilo ang bilihan, halimbawa ay Php2.00 bawat
kilo para sa nabubulok at Php3.00 kada kilo naman sa hindi nabubulok. Kasama sa
mga bibilhin ay mga dahon, tuyong sanga na pinagputul-putol upang magkasya sa
sisidlan. Hindi bibilhin ang mga basurang nangangamoy upang matuto ang mga tao
sa pagdispatsa nito ng maayos tulad ng pagbabaon sa lupa, o paggamit bilang
abuno ng tanim. Dapat ispreyhan ng barangay ang mga nabiling basura na maiimbak
kahit nakabalot ang mga ito ng maayos upang mabawasan ang posibilidad ng
pagkalat ng mikrobyo sa paligid ng imbakan.
3.
Ang mga barangay ay dapat “pautangin” ng DSW ng
revolving fund na dapat ding ibalik sa itatakdang panahon na nakasaad sa
kontrata o Memorandum of Agreement, at ito ay isasailalim sa COA audit kaya
sagutin ng barangay kung ito ay mawawaldas. Kasama sa Memorandum of Agreement
ang munisipyo o city government bilang saksi. Kailangang tulungan ng munisipyo
o city hall ang DSW sa pamamagitan ng regular na pag-check kung maayos na
naipapatupad ang programa.
Sa laki ng pondong ibinibigay sa DSW, dapat may bahagi
nitong nakalaan sa mga proyektong nakikita ang resulta o yong tinatawag na
tangible. Marami ang nagdududa sa DSW kung ang pondo na binibigay dito ay
nagagamit ng maayos sa kabila ng magandang layunin nitong makatulong sa
mahihirap na pamilyang may mga batang pinag-aaral. Dapat lang na ma-involve ang
ahensiyang ito dahil ang programa ay tungkol sa pagpapaunlad ng buhay ng mga
taong mahirap. Ito na ang pagkakataon
upang makapagpakita ng katapatan ang DSW sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin.
Kung ang basura ay bibilhin, siguradong pag-aagawa na ito ng
mga tao. Magkakanya-kanya na rin sila ng paglibot sa kanilang komunidad upang
makaipon ng basura. Maliban sa kalinisan na layunin ng programa, sigurado na
ring kikita ang mga mahihirap.
Discussion