0

Respetuhin at Bigyan ng Halaga ang Buhay

Posted on Thursday, 16 April 2015



Respetuhin at Bigyan ng Halaga ang Buhay
Ni Apolinario Villalobos

May mga taong masabi lang na hindi sila napapag-iwanan ng kanilang kapwa ay nakikigaya, tulad ng pag-alaga ng hayop. Kung ang kapitbahay nila halimbawa ay may mamahaling lahi ng aso o pusa, bibili din sila kahit hindi naman talaga sila mahilig sa mga ito at walang alam sa pag-alaga.  Ang nangyayari tuloy ay umaalingasaw sa sama ng amoy ang kanilang bakuran at nadadamay din ang mga kapitbahay dahil hindi napapaliguan ang mga alaga at hindi rin nalilinisan ang tirahan ng mga ito.  Hindi rin napapakain sa tamang paraan, kaya kawawa ang mga asong may lahi na pinapakain ng tinik ng isda. Ang resulta: nagkakasakit ang mga hayop hanggang sa mamatay.

May kaibigan ako noon na ang gustong alagaan ay mga hindi pangkaraniwang hayop dahil gusto daw niyang mapag-usapan, kaya kahit mahal, nangungutang ng pambili. At dahil maliit lang din ang bakuran niya, nagsisiksikan ang mga hayop. Meron siyang dalawang sawa na ang isa ay kulay dilaw , at ang isa ay kulay puti. Meron din siyang dwarf na usa, giant na kuneho, unggoy na galing Cambodia na nang makawala ay nagdulot ng kaguluhan sa kalye nila, baby crocodile na pinagkasya sa isang batya, talking mynah na galing sa Palawan, tarsier galing sa Bohol na hindi ko alam kung paano niyang naipuslit, dalawang iguana na nakalagay sa kristal na kulungan, at ang pinakahuli ay maliit na king cobra na nabili daw niya sa Bulacan. Sa kayabangan, at dahil pinag-usapan nga ng mga kapitbahay, isinumbong siya sa ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa pagprotekta ng mga hayop lalo na ang mga hindi pangkaraniwan.  Nang hulihin siya at makulong ng ilang buwan at pinagmulta pa ng malaking halaga, ay lalo pa siyang pinag-usapan…nakamit rin niya ang pangarap na katanyagan!

May kumare ako na akala ko ay mahilig sa mga tanim, subali’t gumagaya lang pala sa mga kaibigan na mahilig dito. Dahil ayaw patalbog, kung anu-anong orchids ang binibili, na hindi naman alam ang pangalan….basta orchids, okey na sa kanya. Sa umpisa lang malusog ang mga pinamili, dahil kinalaunan ay nagkakalantaan…. kung hindi nao-overdose sa “gamot” na hinahalo sa tubig na pandilig, ay sa talagang “mainit” niyang mga kamay na hindi angkop sa pagtatanim. Yong isa pang mahilig manggaya, halos punuin ang kanyang bakuran ng mga tanim para lang masabi ng mga kaibigan niya na mahilig siya sa nature…kinopya lang pala ang bakuran ng kaibigan na nakatira sa Tagaytay, kaya kung anu-anong mamahaling tanim ang pinagbibili. Subalit dahil talagang walang hilig sa tanim, halos walang natira sa mga tanim na kalaunan ay isa-isang nalanta…pati mga anak kasi ay tamad ding magdilig.

Dapat isaalang-alang na ang mga hayop at tanim ay ginawa din ng Diyos – at binigyan ng buhay. Hindi man sila nagsasalita, mayroon naman silang pakiramdam, kaya nasasaktan at nagdurusa. Tulad ng tao, may karapatan din silang bigyang halaga, dahil kung hindi natin gagawin ito, para na rin nating binalewala ang ginawa ng Diyos na pagbigay ng buhay sa kanila. Hindi natin sila dapat isangkalang para ipagyabang ang ating kapritso. Kung hindi kayang mag-alaga, maging tapat sa ganitong kakulangan.

Ang pagrespeto sa buhay ay lalong dapat gawin sa tao. Kung hindi kayang mag-alaga ng maraming anak…dapat ay mag-family planning….ganoon lang! Kalabisan nang  banggitin ang ginagawa ng ibang mag-asawa na sa kagustuhang mairaos ang makamundong kalibugan ay nagkakaroon ng maraming anak na hindi nila kayang pakainin at alagaan upang lumaki ng maayos kaya naging suliranin ng pamahalaan at perhuwisyo ng lipunan.

Kailangan ding respetuhin ang kapwa na hindi gaanong nabiyayaan ng mga materyal na bagay kaya naghihikahos sa buhay. Hindi siguro ikagugutom ng isang may labis na biyaya kung makibahagi siya ng maliit na halaga o pagkain upang madugtungan ang buhay ng kanyang kapwa.

Huwag gayahin ang ibang tao na sa kagustuhang yumaman at makapagtampisaw sa kapangyarihan ay ginagawang legal ang ganitong layunin na gusto nilang maisakatuparan sa anumang paraan kaya pumapasok sa pulitika, na pinakamadaling paraan sa pamamagitan ng pagnakaw sa kaban ng bayan!


Discussion

Leave a response