0

Ang "Isla" sa West Philippine Sea

Posted on Saturday, 16 July 2016

ANG “ISLA” SA WEST PHILIPPINE SEA
Ni Apolinario Villalobos

Sa isyu ng West Philippine Sea, ang tanging layunin ng Pilipinas kaya dumulog ito sa UN Arbitral Tribunal ay upang matukoy ang tunay na hangganang karagatan ng bansa. Nagkataon lang na mayroong bahura o reef sa lugar na yon kaya atat na atat ang China na sakupin ito. Upang malubos ang kanilang layunin, ang bahura na hindi angkop na tirhan ng tao ay tinambakan ng mga dinurog na korales mula sa paligid kaya tuluyang tumaas at naging “isla”. Ngayon ay may mga pasilidad na pang-military… mga gamit pandigma, kasama na ang mahabang paliparan.

Seryoso ang usapin. Noon pa binanggit kong dahil sa pagpupursige ng China na makamkam ang bahaging ito ng karagatan ay siguradong hindi ito papayag na basta-basta na lang patatalo lalo na sa pipitsuging bansa tulad ng Pilipinas. Sa kamalasan naman ng China, dahil sa desisyon ang UN tribunal tungkol sa naaangkop na pagturing sa karagatang yon hindi lang Pilipinas kundi buong mundo ang kalaban niya ngayon. Solohin ba naman ang karagatang yon na ang turing ng buong mundo ay “maritime highway”. Para siyang nagbakod ng isang right of way kaya walang madaan ang mga taong naapektuhan at nakulong!

Para walang gulo, pabor ang Pilipinas sa pakikipag-usap ng maayos upang kahit papaano ay umabot sa “sharing agreement”. Sa ganitong punto, wala nang pinakamagandang paraan kundi gawin itong” open trading post” ng China at Pilipinas. Hindi puwedeng mag-refund ang Pilipinas kahit sa maliit na bahagi ng ginastos ng China dahil noon pa man ay sinabihan na silang itigil ang ginagawa nilang reclamation. Kung magkaroon ng oil exploration dapat ay “sharing” din ang usapan.

Sa isang televised interview kay Duterte, sabi niya gusto niyang ipadala si dating presidenteng Ramos sa China upang masimulan ang pakikipag-usap sa kinauukulan. Marami ang nagtaas ng kilay dahil noong kapanahunan yata niya nang magkaroon ng bentahan ng military base na ngayon ay naging tinatawag na “Global City”, ang sabi ay gagamitin daw sa military modernization ang mapagbentahan. Marami ang nagtatanong kung anong nangyari sa pangako dahil hanggang ngayon ay “antique” pa rin ang mga gamit ng military.

Nitong bandang huli nga, dahil sa isyu ng West Philipppine Sea, ay tila naalimpungatan ang gobyerno dahil nakita ang kawalan pala ng maaayos na barko ang Philippine Navy at Philippine Coast Guard. Kailangan pa naman ang mga ito dahil ang bansa ay maraming isla kaya napakahaba ng coastline nito. Hindi nga maeskortan ang mga gustong mangisda sa West Philippine Sea at hindi nga mapatrulyahan ang karagatang dinadadaan ng Abu Sayyaf tuwing maghakot sila ng kidnap victims mula sa karating bansa upang dalhin sa Sulu, Basilan, at Tawi-tawi. Paano na daw kung si Ramos ang makikipag-usap sa China tungkol sa isang maayos kuno na “sharing agreement”?


Sa ambush interview kay Ramos pagkatapos ng miting, sinabi yata niyang hindi siya interesado…..mabuti naman. Mabuti pa siguro ipadala si Lucio Tan at Henry Sy at siguradong hindi sila patatalo sa usapin kung paano pagkitaan ng Pilipinas ang artipisyal na isla dahil siguradong patatayuan ito ng airport ng PAL at Air Philippines at napakalaking Shoemart mall ....isama na rin pala ang PAGCOR para ang hindi ma-accommodate na mga casino sa Manila ay doon na lang itayo. Kung kulang pa ang artipisyal na isla, gumawa ng mga submerged casino – first in the whole world yan! 

Discussion

Leave a response