0

Ang Pagnenegosyo

Posted on Wednesday, 27 July 2016

ANG PAGNENEGOSYO
Ni Apolinario Villalobos

Mula noong unang panahon ay uso na ang pagnenegosyo na ginagawa sa iba’t-ibang paraan. Mayroong naglalakbay ng ilang daang milya sa disyerto upang makapagbenta ng ilang blokeng asin sa mga bahagi ng kontinente ng Africa. Mayroong tumatawid ng karagatan upang makipagkalakalan kahit sa pamamagitan ng senyas sa halip na wika. Ang isa sa mga kinilalang  pakikipagkalakalan ay gumamit ng tinawag na “Silk Road” at namayagpag din ang mga Portuguese dahil sa kanilang “Galleon Trade”. Nabanggit sa Bibliya na ang nakapaligid na pader sa templo ng Herusalem ay mga gate na itinalaga sa iba’t ibang uri ng kalakal tulad ng tupa, isda at ibang pagkain, balat ng hayop, etc. Subalit ang pinakamatandang “negosyo” ay ang bentahan ng laman o “flesh trade” na ang puhunan ay katawan.

Sa pakikipagkalakalan, ang unang ginamit na paraan ay sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng mga itinitinda o “barter”, at napalitan ng paggamit ng mga pinirasong ginto, pilak at tanso, hanggang ang mga ito ay tuluyang ginawang pera na may iba’t ibang katumbas o halaga.  Naglimbag rin ng mga papel na pera at tseke. Ang pinakahuling sistema sa pagbayad ay sa pamamagitan ng credit card, charging sa mga deposito sa bangko gamit pa rin ang credit card, at swiping ng cellphone na may impormasyon tungkol sa halaga ng perang laman nito.

Hindi maiwasang magkaroon ng lokohan o lamangan sa pagnenegosyo. Nangyayari yan ngayon sa pagitan ng mga bansa na may mga kasunduan sa larangan ng negosyo, at umiiral din sa pagitan ng malalaki at maliliit na negosyante. Hindi rin nawawala ang competition o tagisan sa pagitan ng mga negosyante sa pamamagitan ng iba’t ibang media at ang tawag sa hakbang na ito ay “advertisement”.

Ang pinakamatinding elemento ng pagnenegosyo ay may kinalaman sa “inggit”. Sa panahon ngayon, mapapansin ang pagsulputan ng mga magkaparehong negosyo sa iisang lugar. Sa simula ay iisang puwesto ang nakita kaya nagkaroon ng maraming mamimili kaya lumago. Okey lang sana kung ang lugar ay palengke at hindi bukana halimbawa ng isang maliit na subdivision o barangay.  Ang paglago ay nakita ng iba, nagkaroon ng ideya at maski pa i-deny, malinaw ang umiral na inggit. Pwedeng sabihin ng nainggit na pinairal nila ang karapatan sa pagbenta na tama naman, pero ang inggit ay nasa damdamin pa rin nila. Kung hindi sila nainggit, dapat ay nag-isip sila ng ibang mapagkikitaan at hindi pinairal ang masamang panuntunang, “sila lang ba ang may karapatang kumita?” bilang pamimilosopo. Dahil nakigaya lang at biglang dumami, siyempre humina ang kita hanggang sa magkalugian kaya sa kagustuhan nilang ipagpatuloy ang “negosyo” ay umutang at kumagat sa malaking porsiyento.

Hindi dahil may nakikita tayong umasenso sa negosyo ay iisipin na natin na pwedeng mangyari din sa atin. Hindi lahat ng tao ay may pagkatao o personalidad na angkop sa pagnegosyo. Ang iba ay talagang walang hilig sa pagnegosyo, at nakisakay lang sa uso o nainggit. Ang hirap kasi sa iba, masabi lang na “negosyante” ay pinapairal ang kayabangan at inggit. Sa halip din na personal na asikasuhin ang negosyo kahit maliit lang, ay pinapaubaya sa mga taong sinisuwelduhan kaya ang kakarampot na kita ay pumupunta lang sa pangsuweldo at kung minalas ay nakukupitan pa ng kita, kaya doble ang lugi!

Marami akong alam na nagkandalitse-litse ang buhay dahil sa ganitong pangyayari. Ang iba ay nagbenta o nagsanla ng mga ari-arian hanggang sa tuluyang mawala. May iba kasing nakikinig din sa pangbubuyo o sulsol ng mga kaibigan na ang hangad ay makibahagi sa pera ng sinulsulan at hindi sa kikitain ng negosyo kaya sa pagtulong kuno ay okey na sa kanilang bigyan ng  “allowance”, hindi sweldo dahil pangit ang dating…what are friends for nga naman. Dahil diyan, walang pakialam ang nanulsol kung malugi man ang negosyo pagdating ng panahon. Sa sistemang ito, karamihan sa mga nautong “biktima” ay ang mga may-asawang kumikita ng malaki sa abroad, na ang tingin ng iba ay mayaman dahil na rin sa kanilang pagyayabang. Yong ibang asawa ay hindi kini-clear sa kanilang asawa sa abroad ang gagawin. Yong iba namang nagtatapat sa asawa, ay pinipilit ang plano kaya walang magawa ang asawa kundi pumayag. Kapag nalugi ang negosyo, ang susunod ay sisihan at kung malasin ay nagtatapos sa hiwalayan!



Discussion

Leave a response