Noong Panahong Nagsusuot ako ng Maong at Antique na Barong Tagalog sa Opisina
Posted on Wednesday, 27 July 2016
NOONG PANAHONG NAGSUSUOT AKO NG MAONG
AT ANTIQUE NA BARONG TAGALOG SA OPISINA
Ni Apolinario Villalobos
Ang maong ay ginawa para sa mga minero
noong unang panahon sa Amerika. Ang orihinal na kulay ng tela ay puti na siyang
kulay ng mga hiblang ginamit sa paghabi ng mga tela, at kinulayan lamang kapag
nabuo na ang tela o di kaya ay natahi nang kasuotan ng lalaki o babae bilang
pantalon, jacket o coverall. Nang magkaroon ng makabagong teknolohiya ay saka
lamang nagawang makulayan ang mga sinulid bago mahabi bilang tela na nang
matahi at mabuo bilang pantalon ay tinatawag sa Ingles na “denim” o “jeans”.
Nang mauso ang pagsuot ng maong,
napakamahal ang tela lalo na ang mga nayaring pantalon. Ang Ateneo ang
nagpa-uso sa pagsuot ng “blue jeans” dahil angkop sa kulay ng eskwelahan na
asul. Subalit dahil uso ay nawala rin kalaunan at napalitan ng kurduroy at
“wash and wear”. Ganoon pa man, marami pa rin ang nagsusuot…at isa na ako
diyan. Noong kapanahunan ko sa PAL, tuwing araw na pinapayagan ang pagsuot ng
“civilian attire”, maong ang sinusuot ko. At, dahil iisang araw sa isang linggo
ang pinapayagan sa pagsuot ng “civilian attire”, hindi halatang dadalawang
pares lang ang maong ko. Hindi ko makalimutan ang mga maong na yon na nabili ko
sa Bambang, ang lugar sa Maynila kung saan ay nagsimula ang negosyong
“ukay-ukay” o “relip” (“relief”, hango sa” relief goods” na donation mula sa
Amerika).
Sa probinsiya pa lang ako ay narinig ko na
ang Bambang sa pag-uusap ng mga magulang ko dahil nagnegosyo din sila ng ukay
noong maliit pa ako. Isang kasama ko sa boarding house sa Baclaran ang nagdala
sa akin sa Bambang at talagang na-love- at- first sight ako sa lugar na yon na
binalik-balikan ko na dahil doon na rin ako namili ng iba ko pang damit
pang-opisina, pati sinaunang sapatos na kung tawagin ay “charol” o yong ang nguso ay may kumbinasyong puti o
may design na butas-butas. Lalo akong natuwa nang madiskubre ko ang isang
puwestong may mga lumang barong tagalong na yari sa jusi, cotton, at seda. At,
ang lalong nagustuhan ko pa ay ang napakamurang presyo!
Tuwing “civilian attire day” sa opisina,
ang suot ko ay maong at barong tagalong na ang style ay yong bandang dibdib
lang ang may butones o bukasan. Tinutupi ko ang mga mahabang manggas kaya ang
resulta ay style na “three-fourth”, upang hindi ako magmukhang ibuburol. Ang
naka-shock sa nakakapuna sa akin ay ang sapatos na suot ko, kaya may mga hindi
nakatiis magtanong kung saan ko daw sila nabili. Sa simula, akala ko ay bilib
sila, yon pala ay mga pahiwatig na kantiyaw ang tanong. Ang mga suot kasi nila
ay bili sa mga department store at ang iba ay pumupunta pa sa Hongkong tuwing
weekends upang mamili lang. Pero kahit nalaman ko ito, ay hindi ko na lang
pinansin dahil masaya ako sa kasuutan ko. Ang pang-shock ko pa noon ay ang
pagsuot ng mga antique na kuwintas na pilak, singsing at bracelet na binili ko
naman sa Ermita. Bago nauso ang mga bracelet na yari sa stainless steel at
balat ng hayop, ay nagsusuot na ako ng mga nabanggit. At, ang pangtripleng
schocker ay ang hindi ko pagsuot ng medyas at paggamit ng kurbata sa regular na
barong tagalog (diretso ang bukasang may butones hanggang ibaba), pero naka-
tuck in naman. Ang mga kurbata ay sa Bambang ko rin binili at dahil mura ay
marami akong naipon. Ang mga pinagsawaan kong mga kurbata ay binigay ko sa mga
kaibigan kong magbubukid na ginamit bilang pantali sa balag na ginagapagangan
ng pananim nilang gulay at ang iba naman ay nagamit nilang sampayan sa loob ng
bahay.
Noong naka-ipon na ako, nadagdagan ang
pang-accent ko sa sinusuot kong pang-opisina ng mga relos na “de susi”, mga
antique na nabili ko naman sa Arranque. Kaya meron akong relos noon na ang
tatak ay “Hamilton”, “Lyric” at marami pang iba na gawa sa Switzerland pero
lahat ay de-susi. Mura ang pagkakabili dahil ang iba ay may halagang wala pang
isang daang piso. Mayroon pang napasingit sa mga nabili kong tunay na Rolex
pero de-susi rin. Laking pasalamat ko dahil nang magipit ako ay napakinabangan
ko sila.
Para mapasaya ang mga nangangantiyaw noon
sa akin, at dahil tanggap ko namang para sa kanila ay weird ang dating ko,
sinabihan ko rin sila na ang gusto kong mapangasawa ay hindi kailangang
“virgin”…pwedeng pinagsawaan din (hiwalay) o antique (matrona), sabay sabing “I
don’t give a damn sa inyo, basta masaya ako!, at tinutuldukan ko ng “mga litse
kayo”…na nagpapatigil sa kanila.
Discussion