0

Si Gerry....nagpipilit mabago ang buhay sa kabila ng kakapusan

Posted on Friday, 22 July 2016

Si Gerry…nagpipilit mabago ang buhay
sa kabila ng kakapusan
Ni Apolinario Villalobos

Nakita ko siyang nagkukumpuni ng payong sa ilalim ng tikatik o ambon na unti-unting namumuong ulan sa Roxas boulevard. Ako naman ay taranta sa paghabol sa nagbebenta ng trapal na pambigay sa mga vendor na wala man lang payong. Nang dumaan uli ako ay tinitiklop na niya ang payong na naayos na at naisipan kong bilhin dalhin kailangan ko rin, at para naman sa kanya ay upang magkaroon siya ng kita. Kahit halatang hindi pa siya nag-aalmusal ay tinanggihan niya ang alok ko na ibili siya ng sandwich, kaya pareho na lang kaming nagkape.

Habang nagkakape kami ay nakita ko kung paano niyang ipunin ang mga tirang sinulid at iba pang gamit na nakakalat at ipinasok sa maliit niyang bag. Hindi nawawala ang ngiti sa kanyang mukha habang nakikipag-usap sa akin kaya napanatag ang loob ko dahil nang una ko siyang makita ay medyo nabahala ako dahil sa ayos niyang may mahabang buhok na nakapungos, manipis na bigote at ilang tattoo sa nakalantad na bahagi ng kanyang katawan.

Siya ang nagsimula ng usapan tungkol kay Duterte at ang paglaban nito sa droga. Hindi siya nahiyang magtapat na minsan din siyang gumamit ng droga at kung minsan ay naaakit pa rin subalit pinipigilan niya ang kanyang sarili. May tatlo siyang anak sa Bulacan na inuuwian niya tuwing weekend upang hatiran ng pera at makakayang pasalubong. Dahil mahina ang kita sa Bulacan, sa Maynila niya naisipang maglibot upang magkumpuni ng mga payong. Ang tinutulugan niya noon ay Luneta subalit nang ipagbawal na, nakakita siya ng puwesto sa kahabaan ng Roxas boulevard kung saan siya nagsisiksik upang makaiwas sa mga gumagalang may masamang balak.

Bandang huli ay inamin din niya na kahit maliit siya ay kaya daw niyang makipagsabayan ng patayan kung kinakailangan para sa kanyang kaligtasan. Habang nagkukuwento ay hindi ko siya nakitaan ng kawalan ng pag-asa. Sanayan lang naman daw ang pagharap at pagsuong sa kahirapan. Ang sinabi niya ay kapareho ng aking pananaw na inamin ko sa kanya kaya tuwang-tuwa siyang nakipag-high five sa akin. Nagsisikap naman daw siya upang makakita ng mas maayos na trabaho, lalo pa at naging salesman na rin daw siya noon. Sa ngayon daw ay dobleng ipon ang ginagawa niya upang makabili din siya ng mga sariling gamit lalo na mga damit. Ayaw daw niyang nangangamoy kung sakaling siya ay may aaplayan.

Isinabay ko na siya sa sinakyan kong jeep papuntang Maynila dahil pupunta din daw siya sa Luneta upang bumili ng trapal na pambenta. Pandagdag daw ang ibinayad ko sa payong sa pambili niya ng trapal. Inabutan ko siya ng pera ni “Perla” na laan sa mga taong tulad niya at upang tanggapin ay sinabi kong “pampasuwerte” ito. Bumaba siya sa bukana ng Luneta papunta sa rebulto ni Lapu-lapu, ako naman ay nagpatuloy sa biyahe papuntang Divisoria. Sa ibang araw magkikit pa kami dahil marami pa raw siyang “ibubunyag” tungkol sa buhay-kalye.











Discussion

Leave a response