0

Ang Mga "Devil's Advocate"

Posted on Friday, 8 July 2016

Ang Mga “Devil’s Advocate”
Ni Apolinario Villalobos


Ang mundo ay pinatatakbo ng dalawang puwersa, mabuti at masama. Ito yong tinutukoy ng mga Intsik na “Ying” at “Yang”…negative at positive. Nakasanayan nating basta masama ay inihahalintulad agad sa demonyo, kay Satanas, o kay Lucifer.  At, ang kabutihan ay sinasabing gawain ng mga maka-Diyos. Marami ang hindi nakakaalam na si Lucifer ay dating anghel at ang pangalan niyang “Lucifer” ay may kahulugang “bearer of light” o taga-tangan o hawak ng ilaw. Ang kanyang pagbasak ay sanhi ng kanyang pagkontra sa mga kagustuhan ng Diyos kuno. Ibig sabihin siya ay isang rebeldeng anghel kuno.

Sa panahon ngayon ay palasak ang tinatawag na “devil’s advocate” o taga-sunod ng demonyo. Ang ilan sa kanila ay mga matatalino, nagtapos sa mga mamahaling unibersidad, naging abogado, pero dinadaan sa pamimilosopo ang kanilang mga kaalaman. Ang iba sa kanila ay gustong maging abogado upang mapag-aralan kung paanong lusutan ang mga batas  na tadtad ng butas. Lahat na lang ay kinukuwestiyon nila. Ang malungkot nga lang ay, kahit saan mang anggulo tingnan ang isang ginagawa o bagay na talaga din namang  para sa kabutihan ng nakararami, ay kinukuwestiyon pa. Ang sabi  pa rin ng ilan sa kanila, mabuti na daw yong may nagtatanong kaysa naman wala. Ang masama pa rin, ang mga pagtatanong, kadalasan ay nagsasanhi ng pagkaantala sa pagpapatupad ng mga may mabuting layunin.

Ang iba namang “devil’s advocate” ay talagang bobo na pamasid-masid sa paligid upang maka-tiyempo ng masasakyang mga mabibigat na isyu, sa ano mang paraan. Maraming ganitong uring mambabatas na binoboto ang mga Pilipino…nanalo lang dahil sa pera, o di kaya ay mga miyembro ng mga political dynasty at hindi dahil sila ay may talino. Sila yong mga nagsasayang ng mahalagang oras sa kongreso at senado ng Pilipinas….oras na binabayaran ng pera ng mga Pilipino, dahil gusto nila, lahat ng isyu ay dapat magkaroon ng hearing sa kongreso o senado.

Ang iba sa kanilang nakaupo sa dalawang bulwagan ng Batas ay nagsimula sa mas mababang puwesto at upang makakuha ng milya-milyang exposure sa media ay nag-iingay na parang mga gutom na pusa at pato…miyaw ng miyaw at kwak ng kwak. May mga nagpapakita ng kasipagan kuno, tahimik, at pagdating ng eleksiyon ay biglang bibitaw sa puwesto kaya nabitin ang mga mahahalagang dapat gawin na dati nilang hawak….kaya ang mga umaasang Pilipino ay naiwang nakanganga sa kawalan!


Upang hindi ako kutusan ng mga “human rights” advocate kuno, nakikiusap ako na ang mga “devil’s advocate” na ito ay unawain na lang ng mga Pilipino. Lawakan pa natin ang ating pang-unawa sa kanilang pagka-bobo at pagkagahaman sa kapangyarihan, na ang mga ambisyon ay lumago dahil walang humpay nilang diniligan ng panloloko at paninipsip sa ilalim ng ilang administrasyon dahil sa pagpalit-palit ng kulay – mga hunyango kasi. Alalahanin natin na sila ay nilalang din ng Diyos!...no choice tayo dahil nandiyan na sila na nakatanghod sa atin…silang parang mg buwitre!!!!!

Discussion

Leave a response