Hindi Dapat Binabalewala ang mga "Maliliit" na Bagay
Posted on Thursday, 28 July 2016
Hindi Dapat
Binabalewala ang mga “Maliliit” na Bagay
ni Apolinario Villalobos
Sa panahon ngayon, marami ang nababalewalang
mga bagay na akala natin ay katiting lang ang kabuluhan. Marami rin ang nakakalimot
tungkol dito pagdating sa kaperahan, ganoong ang piso ay nagsisimula sa isang
sentimo. Ang mga sumusunod ay ilan lang sa mga hindi masyadong nabibigyan ng pansin dahil sa hi-tech na
pag-unlad ng mundo…at, ang pagpapaalala ay idinaan ko sa tanong:
Paano kaya kung hindi naimbento ang aspile,
perdible , sinulid, karayom, zipper, butones, tela…may mga maaayos kayang damit
ang tao? Subali’t mapapansin ang walang pakundangang pagtapon ng mga bagay na
ito. Idagdag pa diyan ang mga lumang damit na ang mga hindi naido-donate ay
basta na lang itinatapon sa basurahan o ginagawang basahan o trapo kahit maayos
pa. Sana bago gawing basahan ang pantalon, tanggalin ang zipper nito upang
magamit pa, ganoon din ang mga butones sa mga damit upang hindi na bumili kung
isa o dalawa lang naman ang kailangan. Sa patahian, ang bayad sa pagpapalit ng
zipper ay hindi bababa sa singkuwenta pesos.
Paano kaya kung hindi naimbento ang
garapon, bote, at iba pang lagayan ng maliliit na bagay, gawa man sila sa
plastic, bubog o kristal? Sa halip na ang mga basyo ay pahalagahan at i-recycle,
itinatapon na lang sila kaya nakakadagdag sa mga bara ng imburnal at kanal.
Pero, kapag nangailangan na ng kahit isang garapon, nagkakatarantahan na sa
paghanap.
Paano kung hindi naimbento ang besagra,
pako, turnilyo…maayos pa rin kaya ang mga bahay sa kasalukuyang panahon? Walang
pakundangan din ang pagtapon ng mga itinuturing na sobra o di kaya ay makitaan
kahit kaunting kalawang lang, sa halip na ipunin at gamitin uli. May mga pagkakataong nangangailangan tayo ng
kahit isa o dalawang pako lang na pwedeng gamiting sabitan, pero dahil wala
naitatabi, kailangang bumilit pa sa hardware.
Paano kung hindi naimbento ang tissue
paper, toothpaste, sabon? Marami sa mga mayayabag ay walang pakundangan kung
gumamit ng tissue paper na dahil hindi nari-recycle ay lalong dapat tipirin.
Dapat ding alalahanin na galing sila sa kahoy, kaya kung balahura ang
gumagamit, kailangang gumawa ng maraming ganito at dahil diyan ay marami ring
kahoy ang puputulin na magiging dahilan naman sa mabilis na pagkakalbo ng mga
gubat. Ang iba namang balahura, kahit may natitira pang toothpaste sa tube ay
itinatapon na ito. Ang sabon naman, kahit hindi masyadong lusaw ay itinatapon
na dahil mahirap daw hawakan kung maliit.
Paano kaya kung hindi naimbento ang lapis
at papel? Siguro hanggang ngayon ay sa dahon, kahoy, basag na palayok, at
kawayan pa sumusulat ang mga tao. Subalit, maraming pasaway na mga batang
nag-aaral na kinukunsinti rin ng mga pasaway na mga magulang sa kanilang
kabulagsakan sa paggamit ng mga nabanggit na bagay. Ang mga lumang notebook na
may natitira pang mga malinis na pahina ay itinatapon na, pati mga lapis na
nangangalahati pa lang ang pagkapudpod dahil sa katamarang magtasa. Ang
nakakalungkot, para sa mga batang kapos subalit nagpupursigeng mag-aral, ang
mga ito ay itinuturing na “kayamanan”. Sa mga liblib na lugar, halos ayaw idiin
ng mga mag-aaral ang lapis nila upang hindi mapudpod agad. Ang mga papel naman
ay sinisinop upang ang likod na hindi nasulatan ay magamit pa.
Ang ginagawa kong pagpapaalala ay maaaaring
ituturing ng walang halaga dahil tungkol sila maliit na bagay din. Ang dahilan
nila ay….”kung may magagastos naman, bakit kailangan pang magpakahirap sa pagtipid?”.
Subali’t ang pinakamalahalagang
tanong…hindi ba ang tao ay galing sa dalawang maliliit na “bagay” na pinag-isa
ng kalikasan upang magkaroon ng buhay?
Discussion