0

Ang Walang Katapusang Pagbungkal ng Kalsada sa Kalakhang Maynila at mga Karatig-Lunsod

Posted on Friday, 8 July 2016

Ang Walang Katapusang Pagbungkal
Ng Kalsada sa Kalakhang Maynila
At mga Karatig-Lunsod
Ni Apolinario Villalobos


Nanggagalaiti sa galit ang mga nakatira sa Maynila at karatig-lunsod na apektado ng walang patumanggang pagbungkal ng mga kalsada upang ayusin daw, o di kaya ay para mapalitan daw ang mga culvert o drainage o tamburong na daluyan ng maruming tubig (sewage). At ang lalong nagpasama ay kung kaylan tag-ulan na, saka pa ginawa ang katarantaduhang ito na nagbigay ng hindi maisalarawang perhuwisyo lalo na sa mga commuters.

Sa puntong lalakihan daw ang mga tamburong na dadaluyan ng maruming tubig (sewage), ito daw ay para hindi na bumaha. Ang dahilang ito ng ahensiya, kung DPWH man o local government ay parang fairy tale na kinukuwento sa isang bata. Una, paanong maniniwala ang taong bayan na hindi babaha, ganoong ang lebel ng taas ng dagat kung high tide na humaharang sa labasan ng tubig mula sa mga tubong ito kung tag-ulan ay hindi nagbabago at lalo pa ngang tumataas, kaya maliit man o malaki ang tubo, may baha pa rin? Maski si Juan na nagtitinda ng sigarilyo ay alam yan. Hindi rin nadadaragdagan ang mga pumping station na dapat sana ay nakakalat sa kalakhang Maynila upang mapabilis ang pagpapalabas ng tubig-baha sa dagat. Nasaan ang pondo para sa mga ito? Pangalawa, ang mga hindi pa tapos na mga proyekto ay hinahayaang nakatiwangwang kaya natatambakan ng basura, bato, lupa at kung anu-ano pang bagay,kaya by the time na isasara na ay wala nang silbi ang mga tamburong.

Sa sistema ng gobyerno para sa mga proyekto, ibang contractor ang nagbubungkal at iba naman ang nagsasara o nag-aayos ng kalsadang binungkal. Kaya dahil sa kabagalan ng mga contractor,  perhuwisyo ang dulot sa mga tao kapag nagkaroon ng baha! Nakakatipid daw kapag magkahiwalay ang contractor. Talaga? Hindi tanga ang mga Pilipino para maunawaan na batay sa simpleng computation ay dapat nakakatipid kung iisa lang ang contractor para sa dalawang nabanggit na trabaho….yon nga lang, iisa lang ang “mapagkikitaan”, kung totoo ang hinala…na sana naman ay hindi.

Maraming binungkal na maaayos at bagong gawang kalsadang aspaltado ang pinalitan ng konkreto na dahil sa malabnaw na timpla, ilang ulan lang ang bumagsak ay naglitawan na ang mga graba. Hindi din yata naisip ng mga “engineer” kuno ng mga ahensiyang gumagawa nito na mas malaki ang bentaha ng aspaltadong kalsada lalo na pagdating sa maintenance. Kung may mga crack ang aspaltadong kalsada, bubuhusan lang ng panibagong latag o layer at ilang oras lang ay pwede nang gamitin. Pero kung konkreto naman, ang gangga-buhok na crack ay kailangang palakihin pa upang “madikitan” ng semento, pero hindi rin naman tumatagal, at bibilang ng araw bago madaanan uli. Ang sa aspalto, habang tinatapalan ng bagong timplang pang-repair, ito ay kumakapal at lalong tumitibay, at ang tunay na gastos ay MALIIT kaya nakakatipid ang gobyerno. Ang sa konkreto, dahil sa malakihang pagbungkal, ang nakakadudang “gastos” ay MALAKI!


Hindi masama ang maghinala dahil kasama ito sa talinong ibinigay ng Diyos sa tao….ibig sabihin gumagana ang utak.  Ang hindi naghihinala at basta na lang umaayon o di kaya ay walang reaksiyon man lang ay may diperensiya sa utak o di kaya ay robot!

Discussion

Leave a response