Ang Isyu ng Pederalism
Posted on Monday, 4 July 2016
Ang Isyu ng
Pederalismo
Ni Apolinario Villalobos
Una, sana (lang naman) ang isyu sa
Pederalismo ay matuldukan na sa loob ng kapanahunan ni Presidente Duterte
bilang presidente ng Pilipinas. Ibig sabihin ng matuldukan ay sana matapos na –
matupad man o hindi. Taliwas sa paniniwala ng karamihan, si Duterte ay
naniniwala sa due process kaya kung ano man ang resulta ng due process tungkol
sa pamimili ng taong bayan sa isyung ito ay siguradong susundin niya. Kung
sakaling matuloy sa pederalismo ang Pilipinas, inaasahang ito ay magkakaroon ng
bisa pagkalipas ng administrasyon ni Duterte upang maiwasan ang pagdududa na
interesado siyang manatili sa puwesto kaya pinaglalaban niya ang nasabing
sistema. At sa tingin ko ay angkop ang “political will” ni Duterte sa pagpapatupad
ng resulta ng plebisito para dito.
Sana ang babalangkas sa Saligang Batas,
sakaling magkaroon ng linaw sa isyu ay mga taong pipiliin ng mga Pilipino sa
pamamagitan ng eleksiyon upang maging miyembro ng “Constitutional Convention”
(Con-Con). Hindi nararapat ang mga nakaupong inihalal na mga kongresista dahil
ang iba sa kanila ay nakakaduda ang pagkapanalo. Kaya kung sila pa rin ang
babalangkas ng Saligang Batas bilang miyembro ng “Constitutional Assembly”
(Con-Ass), asahan ang hindi patas na mga probisyon dahil siguradong mananaig
ang pansarili nilang layunin na sa simpleng katawagan ay “kasuwapangan”.
Huwag din sanang mangopya ng sistema ng
ibang bansang pederal dahil iba ang ating kultura na yumaman dahil sa iba’t
ibang “sub-cultures”. Ang isang dahilan pa ay ang nakakaibang kalagayan ng
ating bansa na binubuo ng mga kalat-kalat na isla.
Ang isa pang isyu ay tungkol sa pananalig o
relihiyon. Ang Pilipinas ay hindi naman talagang buong Katoliko, kundi
karamihan lang ng mga Pilipino ay Kristiyano, yon nga lang ay watak-watak pa
rin dahil sa pagsulputan ng iba’t iba namang sekta. Hindi dapat balewalain ang
dami ng mga Pilipinong Muslim na hindi lang sa Cental at Southern Mindanao
matatagpuan kundi pati na rin sa iba pang probinsiya sa Visayas at Luzon dahil
sa kanilang pagnenegosyo. At lalong hindi dapat kalimutan ang mga Lumad na
sapul pa noong umalis ang mga Kastila at pinalitan ng mga Amerikano ay hindi
nabigyan ng pagkakataong marinig. Magaganda ang mga “Commission” at mga “batas”
para sa kanila sa kasalukuyan, subalit hanggang doon lang, dahil ampaw pa rin
ang pagkilos ng mga ahensiya at pagpapatupad ng mga batas para sa kanila. Kung
sa salitang kanto, hanggang drowing lang ang nangyayari na sa kabuuhan ay
siyang imahe ng sistema ng gobyerno…may magagandang batas nga pero inaamag lang
sa mga filing cabinet. Hindi kuno nai-implement dahil kuno sa kakulangan ng
pondo at tao.
Sa ilalim ng sistemang pederalismo,
maraming “kanto” (corners) ang mawawala sa mga proseso na may kinalaman ang gobyerno.
Dahil sa liit ng mga rehiyon o estadong magiging miyembro ng sistemang pederal,
mapapabilis ang aksiyon para sa mga pangangailangan ng mga Pilipino. Ito ay
dahil ang mga sentro ng operasyon ay malilipat mismo sa kalagitnaan ng mga
miyembrong estado. Ang mga iyan ang pangkalahatang personal kong pananaw sa
ilalim ng sistemang pederalismo.
Subalit, ang
pinakamahalagang gawin ay ang pagtuon sa isyu ng political dynasty, dahil kung
hindi ito matitigil, ay para lang inilipat sa mga rehiyong lokal mula sa kongreso
at senado ang mga opisyal na magkakapareho ang apelyido. Ibig sabihin, wa epek
pa rin ang pederalismo dahil hindi pa rin matitigil ang pamamayagpag ng iilang
pamilyang gustong komontrol sa Pilipinas at magpayaman sa pinaghirapan ng mga
Pilipino, at silang mga nag-aakala na sila lang ang may talino at galing, at
ang ibang Pilipino ay bobo!
Discussion