Ang Paghahambing
Posted on Wednesday, 13 July 2016
Ang Paghahambing
ni Apolinario Villalobos
Ang paghahambing ng mga bagay ay ginagawa
ng isang tao upang malaman kung ano ang “pinaka”, subalit hindi rin maiiwasan
na siya ay magiging biased o may kinikilingan o may inaasahang resulta. Hindi
siya dapat sisihin kung sabihin niya halimbawa na si “A” ay mas magaling
kumanta kesa kay “B”. Ito naman ay maaaring hindi sasang-ayunan ng iba na mas
gusto si “B” kesa kay “A”. Ganoon pa man, upang magkaroon man lang kahit
papaano ng “pagkakaisa” at maiwasan ang gulo, kailangang sundin ang mga
itinatalagang “batayan” na pinapalagay na aakma sa kagustuhan ng nakararami. Sa
English, “majority wins”. Subalit hindi pa rin maiiwasang ang “batayan” o
“standards” ay subjective pa rin, o may
bahid ng pagkamakasarili ng mga gumawa. Kaya, upang maiwasan ang gulo, dapat ay
pairalin na lang ang pang-unawa at pagbibigayan.
Hindi dapat pinag-aawayan ang paghahambing.
Kung walang magustuhan sa isang bagay, pumili na lang ng iba, at sa pagpili,
wala nang maraming kiyaw-kiyaw o sinasabi pa. Okey lang ang mag-criticize ng isang bagay
pero dapat ay huwag magbabanggit ng iba, upang lumabas na ang ginawang pag-criticise
ay pansariling pananaw at hindi dahil may pinaghambingan. Da best ang pagpigil
sa sarili na huwag maghambing dahil kung minsan ay halos nakaka-alipusta na sa
dehado o nalamangan ang walang kapararakang paghambing. Halimbawa naman, sa mga
blogs, kung ayaw ng mambabasa ang isang isinulat batay sa title pa lang, huwag
na lang kumibo at huwag nang tumuloy sa pagbasa. Kung may isa-suggest upang
mapabuti ang blog, gumawa ng comment, kahit kumukontra sa nabasa. Mahalaga ito
upang maipakita ang dalawang mukha ng isyu para na rin sa kapakanan ng iba.
Nakakatulong pa nga ito upang hindi lumabas na one-sided ang sumulat ng blog.
Sa isang banda naman, dahil sa kakitiran ng
isip ng iba at panatisismo (fanaticism), nagkakaroon ng gulo…wala kasing
gustong matalo. Ito ang dahilan ng mga patayan tuwing panahon ng eleksiyon
dahil ang mga taga-sunod na panatiko ng mga pulitiko ay nagbabangayan, ganoong
hindi naman sila inuutusan ng mga sinusupurtahan nila na makipagtalo sila sa
isa’t isa. Subalit kung ang pag-uusapan ay serbisyo hindi maiiwasang magkaroon
ng hambingan. At, pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos, dapat ay
iwasan ang paghahambing, na ginagawa sa panahon ngayong ng mga relihiyon at
sekta.
Sa paghahambing pa rin, lumalabas kung sa
aling administrasyon nagkaroon ng makabuluhang proyekto para sa mga Pilipino…ng
pagyabong ng korapsyon….ng paglala ng nakawan sa gobyerno…ng pagtindi ng
problema sa droga….etc. At, batay sa mga nabanggit, ang ginagawang paghusga ng
bayan ay idinadaan sa nakatalagang eleksiyon. Ang masaklap lang ay kung umiral
ang pamimili at bentahan ng boto tuwing panahon ng kampanyahan na
nagpapawalang-bisa sa “banal” na layunin ng eleksiyon. Ang lalong masaklap pa
ay kung nanalo ang mga walang karapatan sa puwesto dahil lang sa pinairal ng
kapangyarihan ng pera. Dahil diyan,
marami ang kampanteng nakaupo sa Senado at Kongreso, pati sa ibang
puwesto ng gobyerno at abot-tenga ang ngising-demonyo!
Samantala, ipagdasal na lang natin ang
pagtagumpay ni Duterte at pinili niyang mga aalalay sa kanya….huwag na siyang
ihambing sa ibang nakaraang namuno…sabayan natin siya sa pag-abot ng inaasam na
pagbabago!
Discussion