Ang Genetically Modified Organism (GMO) at ang Buhay
Posted on Thursday, 28 July 2016
ANG GENETICALLY MODIFIED ORGANISM (GMO)
AT ANG BUHAY
Ni Apolinario Villalobos
Malinaw ang sinasabing alamat sa Bibiliya
na pinaniniwalaan naman ng marami na kung ilang beses ang pagsubok na ginawa ng
Diyos bago tuluyang nakagawa siya ng tao ayon sa mga gusto niyang katangian
nito. Sa ganang ito, ang hindi napansin ng mga taong may adbokasiya sa
kalikasan ay ang katotohanang noon pa man ay ginagawa na ang mga pagbabago sa
mga halaman na ang bunga ay pinapakinabangan ng tao hanggang ngayon. Ang
hitsura ng mais noon ay hindi katulad ng mais ngayon dahil noon ito ay may
iilang butil lang at maliit pa, samantalang ngayon, ito ay malalaki at puno ng
butil. Ang mga kahoy na dating namumunga ng maliliit, mapakla o maasim, ay
nagawang ma-modify upang lumaki, maging mabango
at matamis. Ang pakwan noon, bukod sa maliit ay malaki rin ang guwang o espasyo
sa gitna at maraming buto, pero ngayon mayroon nang seedless. Ang kamote at
patatas noon ay maliit at maraming hibla o fibers, pero ngayon ay malalaki na
at halos walang hibla. Etc.
Dahil sa mga peste at pagbago ng panahon na
hindi na umaayon sa dating cycle nito, maraming pananim ang nasisira at mga
hayop na namamatay. Kung hindi man masalanta ng balang (locust), virus, at iba
pa, marami rin ang nanguluntoy nang itanim sa nakagawiang panahon pero dahil sa
sinasabing hindi inaasahang “climate change”, sa halip na ulan ang dumating ay
matinding init ang nagpatigang sa lupa. At, dahil diyan ay nadanasan ang gutom
sa lahat ng panig ng mundo.
Upang malabanan ang epekto ng “climate
change” at upang lalong maging kapaki-pakinabang ang mga punong kahoy at hayop
na pinanggagalingan ng pagkain ay gumagawa ng paraan ang mga siyentipiko na
nilalabanan naman ng mga maka-kalikasan kuno. Ang sabi nila, baka daw ang mga
gagamiting elemento o gamot sa pag-modify ng mga gulay, prutas at hayop ay
makakasama sa tao. Ang tinutukoy nila ay ang pagbago kuno ng ugali ng tao dahil
sa paghalo sa dugo nito ng mga katangiang galing sa hayop at halaman. At, dahil
diyan ay magkakaroon kuno ng ugaling hayop ang tao. Hindi man lang inisip ng
mga taong ito na noong unang panahon pa man ay iniinom na ng tao ang gatas ng
mga hayop at ang ibang tribu ay umiinom din ng dugo ng alaga nilang hayop upang
may panlaban sila sa sakit at maibsan ang gutom at uhaw! Kung sa Pilipinas ang
pagkaing “dinuguan” ay galing sa dugo ng kinatay na hayop, sa ibang bansa naman
ang pinanghahalo sa lugaw na trigo ay galing sa buhay pang hayop na alaga nila,
na pinakakawalan pagkatapos masipsipan ng dugo.
Bakit ngayon lang umaalma ang grupong
maka-kalikasan kuno? Bakit hindi sila mag-picket sa mga pagawaan ng plastic
dahil ang produktong ito ang isa sa mga dahilan ng pinsala sa mundo, lalo’t
hindi sila nalulusaw? Sa halip na kung anu-anong kabalbalan ang ginagawa nila,
dapat ay isulong na lang nila ang tama at napapanahong pagputol ng kahoy man
lang upang hindi agad nakakalbo ang mga kagubatan. Dapat isulong nila ang
adbokasiya sa pagtatanim ng kahoy sa mga nakalbong kabundukan. Dapat unawain
nila na ang tanging layunin ng mga siyentipiko ay patibayin ang panlaban ng mga
halaman at hayop sa mga peste, sobrang init ng panahon at matagal na
pagkalublob sa tubig tuwing panahon ng baha…isang layunin para sa kapakanan
naman ng sangkatauhan.
May nagawa na ba ang grupong ito upang
maiwasan ang mga kamatayang sanhi ng gutom ng mga tao na bahagi rin ng
kalikasan? Sa kakitiran ng kanilang pag-iisip, akala nila ang kalikasan ay
sumasaklaw lang sa gubat, dagat, ilog, kalawakan, kahanginan,
kahayupan….nakalimutan nila ang tao na may karapatan ding mabuhay at
napakalaking bahagi ng kalikasan.
Ang mga pagbabago sa ibabaw ng mundo ay
hindi mapipigilan at ang tanging magagawa lamang para sa kapakanan ng
pangkalahatang kabutihan ay pagpapalumanay ng epekto ng mga pagbabagong ito sa
sangkatauhan at kapaligiran…at higit sa lahat ay dapat bigyan ng bigat ang
layunin para sa nakararami, at hindi ang kapakanan ng iilan lang na mga
maka-kalikasan kuno!
Discussion