0

Huwag Ipamayagpag o Ipagyabang ang Adbokasiya na Paglaban sa Droga

Posted on Thursday, 21 July 2016

HUWAG IPAMAYAGPAG O IPAGYABANG ANG ADBOKASIYA
NA PAGLABAN SA DROGA
Ni Apolinario Villalobos

Ito ay payo sa mga nagyayabang ng kanilang adbokasiya kuno bilang suporta sa bagong administrasyon sa pagsugpo sa pagkalat ng droga:

Hindi dapat isiping ang bagong matapang na hepe ng pulisya na si de la Rosa at ang lalong matapang na bagong presidenteng si Duterte ay 24/7 na nasa tabi natin at napapagsumbungan “agad” kung may problema. May mga hot lines pero gaano kabilis ang pag-aksyon sa mga problemang itatawag lalo pa at nasa bingit ng kamatayan ang mabibiktima? Mismong ang namumuno ng DILG ang nakadiskubre na hindi mabilis ang pag-responde ng hotline 117 nang tawagan niya ito. Ang LAHAT ba ng lokal na pulis ay mapagkakatiwalaan talaga? Bakit hinintay pa nila ang pag-upo ng bagong presidente at pagkaroon ng bagong hepe ang PNP bago umaksyon laban sa droga? Huwag magpadalus-dalos at maingay dahil pwede namang tumulong sa administrasyon sa tahimik at simpleng paraan….huwag magyabang!

Meron kasing mayayabang sa pagsabing miyembro daw sila ng “DDS” na ang ibig sabihin nito sa Metro Manila ay “Digong Duterte Supporters” pero sa Davao daw ang ibig sabihin ay “Duterte Death Squad”. Ngayon lang ako nakarinig ng ganyang grupo na palagay ko ay isa sa mga sisira sa bagong pangulo kung gagamitin lang sa kayabangan. Baka inaakala nilang pangingilagan at katatakutan sila ng mga kaibigan at kapitbahay dahil miyembro sila ng “DDS”. Kung lehitimong grupo ito na sumusuporta kay Duterte dapat ay i-check na mabuti ng mga namumuno ang mga miyembro dahil baka ang iba ay sumasakay lang sa isyu….silang mga kulang sa pansin. Sa pagkakaroon ng grupong may magandang layunin, ang tinitingnan ay “quality” ng mga miyembro, hindi ang dami kung karamihan naman ay hindi man lang alam kung anong grupo ang sinasalihan nila at sumali lang dahil popular ito.

Ang dapat pang ikabahala ay ang hindi siguradong pagkawala ng problema sa droga kahit may mga pinirmahan na ang mga durugista at nagtutulak. Ang iba ay hindi nakiayon sa operasyon “Tuk-Hang” at nasa paligid pa rin, pagala-gala lang. Pati ang mga pumirma ay baka bumalik din sa dating bisyo.

Dahil sa mga nabanggit, yong mga nuknukan ng kayabangan sa pagpapakita ng “tapang” ay mag-isip na mabuti kung sila ay may mga mga anak na maaaring madamay. Sa isang banda, kung gusto nilang ipagpatuloy ang kayabangan nila, dapat ay itanim sa kanilang utak na kung may mangyari man sa pamilya nila, huwag sisihin si Duterte, de la Rosa at ang mga pulis na hindi makakatulong agad kung sakali.

Sa isang banda, pwede naman kasing i-ayon ang kanilang adbokasiya sa iba pang mga layunin ni Duterte na maraming sinasaklaw. Ang pagbabago ay hindi lang naman sa isyu ng droga. Ang panawagan ni Duterte para sa pagbabago ay sumasaklaw din sa ugali, kaayusan ng trapiko, at kalinisan ng kapaligiran. Sa mga larangang ito sila magpakita ng gilas.

Simple lang naman ang ibig kong sabihin: Kahit maingay at matapang ang isang Pilipino tungkol sa isyu ng droga at hindi magkandaugaga sa pagsuporta kay de la Rosa at Duterte, pero nagtatapon pa rin ng basura kung saan-saan, mapanlamang pa rin sa kapwa at kung may sasakyan ay mayabang pa rin sa pag-drive…. mapagkunwaring dugyot pa rin siya! ….damak!...dupang!...baboy...ugaling pusali!

MAGPAKA-SIMPLE AT MAGPAKATOTOO SA PAGTULONG TUNGO SA PAGBABAGO! HUWAG SUMAKAY SA ISYU PARA MAPANSIN LANG!


Discussion

Leave a response