Ang Kidapawan Massacre at Komento ng mga taga-Gobyerno
Posted on Wednesday, 6 April 2016
Ang
Kidapawan Massacre
At
Komento ng Mga taga- Gobyerno
Ni Apolinario Villalobos
Kung ibinigay lang ng gobyerno ang
pinangakong bigas para sa mga magsasaka noon pang Enero ng taong ito, hindi
sana umabot sa massacre ang pagreklamo nila. Sinasabi ng ibang mga sumali sa
rally na pilit silang “hinawi” ng mga pulis upang padaanin ang isang grupo ng
nagkamkampanya para sa eleksiyon 2016, kahit may madadaanan naman daw sila, kaya
umabot sa karahasan ang dapat sanay ay tahimik na rally. Kaya obvious na
ginamit ang “obstruction” upang sila ay gamitan ng dahas.
Sinabi ni Alcala, kalihim ng Department of
Agriculture na hindi siya naniniwalang naghihirap ang mga magsasaka dahil mura
naman daw ang bentahan ng bigas sa Kidapawan. At, sana daw ang ginastos sa
paghakot ng mga magsasaka ay ginamit na lang sa pagbili ng bigas. Sa mga sinabi
niya ay masusukat ang “katalinuhan” ng mga tao ni Pnoy sa gobyerno. Ito ang mga
sagot sa mga sinabi niya:
·
Kahit mura ang mga presyo ng
bigas sa Kidapawan ay WALA RING PAMBILI ANG MGA MAGSASAKA DAHIL HINDI NGA SILA
NAKAPAGTANIM, KAYA WALA SILANG PERA, NA NAGRESULTA SA KANILANG PAGKAGUTOM! May
mga balitang marami nang namatay sa bahaging yon ng bansa dahil sa gutom na ang
dahilan ay sobrang tag-tuyo….hindi pa ba sapat ang mga ito?
·
Bakit pabibilhin ng bigas ang
mga naghakot ng mga tao papunta sa rally GANOONG MAY BIGAS NAMAN NA DAPAT AY
IBIBIGAY SA KANILA AT KAYA NGA HINAKOT SILA DOON AY UPANG KALAMPAGIN AT
PAALALAHANAN ANG GOBYERNO NA NAGBINGI-BINGIHAN!
·
Ang sitwasyon sa Kidapawan ay kaiba
sa sitwasyon sa Maynila. Ang mga magsasaka doon ay nakatira sa paanan o gilid ng mga kabundukan na kung ilang
kilometro ang layo mula sa bayan, at ang iba ay tatawid pa sa mga ilog bago
makarating sa bayan. Sa Maynila, ang mga taong hinahakot sa rally ay galing
lang sa mga depressed areas o slum na pwedeng maglakad patungo sa pagdadausan
ng rally.
“Infiltrated”
o nahaluan daw ng maka-kaliwa ang rally sa Kidapawan. Ang mga sagot:
·
Maski hindi nahaluan ng
maka-kaliwa ang rally ng mga magsasaka, hindi pa rin mawawala ang dahilan ng
kanilang rally na pagpapaalala sa gobyerno na ibigay ang ipinangakong bigas.
·
Tatlong panig ang kinatatayuan
ng mga Pilipino: sa “kanan” na maka-gobyerno; sa “gitna” kung saan ang mga
nakatayong Pilipino ay nanonood lang at handang lumipat sa “kanan” o “kaliwa”,
na kung tawagin sa Ingles ay “fence sitter”; at ang “kaliwa” na kitatayuan ng
mga lumalaban sa masamang ginagawa ng gobyerno at tumutulong sa mga inaapi.
HINDI MALAPITAN NG MGA INAAPI ANG MGA NASA “GITNA” DAHIL AYAW NILANG MAKIALAM.
LALONG HINDI MALAPITAN ANG MGA NASA “KANAN” DAHIL SILA ANG NANG-AAPI. KAYA, ANG
NATIRANG PWEDENG LAPITAN AY ANG MGA NASA “KALIWA”.
Ang problema sa Pilipinas ay hinihintay pa
munang magkaroon ng dahilan ang mga Pilipino upang kusang tulungan ng mga
taga-kaliwa, o lumapit ang mga nasabing
inaapi sa mga taga-kaliwa dahil sa kapabayaan ng mga ibinoto at itinalagang mga
opisyal. Mangangamkam ang mga opisyal ng mga dapat ay para sa kapakinabangan ng
mga Pilipino at kung pumalag at tinulungan ng mga maka-kaliwa ay
pagbibintangang mga komunista. Ang mga Pilipinong nangangailangan ay kailangan
pang magpakahirap sa rally na umaabot sa massacre upang paalalahanan ang
gobyerno sa mga kakulangan nito, pero kung para sa mga kawatang nakapuwesto,
ang kaban ng bayan ay open na open - nakatiwangwang!
Sa ngayon, dahil eleksiyon, upang ipakita
na may ginagawa ang gobyerno sa mga kawatan, hinalungkat ang baul ng mga record
ng mga “small time” na mga kasong noon pa dapat nabigyan ng desisyon at biglang
“dinesisyunan” at inanunsiyo sa buong mundo. Ang mga pinakabago at mga “big
time” na mga kaso naman ng mga taga-administrasyon, lalo na sa pork barrel ay
hinahayaan. Nasaaan ang hustisyang sinasabi ng gobyerno?
Mga massacre sa Hacienda Luisita (Tarlac-Luzon),
Mendiola Massacre (Manila-Luzon) at ngayon, Kidapawan Massacre (North Cotabato-
Mindanao)…lahat nang yan ay nangyari sa kapanahunan ng “President Aquino” (Cory
at Benigno III). Magkakaroon kaya ng massacre sa Visayas upang makumpleto ang
pagdurusa ni “LuzViMinda”?
Discussion