0

Ang Matinding Kagutuman

Posted on Thursday, 7 April 2016

Ang Matinding Kagutuman
Ni Apolinario Villalobos

Ang mga taong hindi nakakaranas ng matinding gutom ay nagkikibit-balikat lamang kung makarinig ng balitang may pinatay o namatay dahil sa gutom. Ang mga taong hindi nakadanas nito ay yong nadanasan lamang ay hindi nabuo ang tatlong beses na pagkain sa isang araw o hindi nakapag-miryenda, o di kaya ay hindi nakatikim ng tsitserya, o hindi nakainom ng isang boteng soft drink sa buong maghapon.

Hindi nadanasan ng mga taong nabanggit kung paanong humilab ang tiyan dahil sa hindi pagkain sa loob ng dalawang araw o mahigit pa, o di kaya ay kung malamnan man ng masabing “pagkain” ay isang pirasong nilagang kamote o saging sa maghapon lamang, kaya upang makalimutan ang gutom ay idinadaan na lang sa pagtulog ng maaga. Subalit kalimitan ay mahirap ding gawin ito dahil talagang lumalatay sa kalamnan ang paghilab ng bitukang walang laman. Hindi nila nadanasang kumain ng talbos ng mga halamang gubat na hindi pa sigurado kung nakalalason o hindi. At lalong hindi nila nadanasang kumain ng mga itinapong pagkaing diretsong isinusubo mula sa basurahan!

Para sa iba, negative daw itong mga sinasabi ko. Bakit daw hindi masasaya at hindi depressing na mga blog ang gawin ko. Lalo pa at sinasabi din nila na wala naman daw silang magagawa sa mga taong nagugutom. Sana ay unawain ng mga nagsasabing negative at depressing daw ang ganitong uri ng blog, na lahat tayo, nagugutom man o hindi ay bahagi ng iisang lipunan. Hindi ba Pilipino ang mga nagugutom? Hayop na ba ang dapat ituring sa kanila dahil kumakain ng mga galing sa basura?

Kailangang pamukhaan ang mga nakakaluwag sa buhay ng mga nangyayaring kagutuaman sa paligid upang malaman nila na ang isang kutsarang kaning itinitira sa pinggan ay mali…na ang pagtapon ng tutong na kaning hindi naman panis ay mali….na ang pagtapon ng hindi naman bulok pero nalalanta lang na gulay ay mali…na ang pagi-spoil sa mga anak nila na pinalalamon nila ng junk foods sa almusal, tanghalian, at hapunan ay mali…na ang pagbibigay sa nagmamaktol ng anak na gustong mag-Jolibee araw-araw ay mali….na ang pagbibigay sa kagustuhan ng anak na gawing tubig ang softdrink ay mali…etc. Ang mga iyan ang layunin ko, hindi upang sila ay sabihang tumulong sa mga nagugutom.

Walang sinumang taong gustong magutom. Maliban na lang siguro sa mga may gustong maging santo kaya madalas mag-ayuno o mag-fasting. Ang mga nagugutom sa probinsiya ay nasadlak sa kagutuman dahil sa minanang kahirapan na nagsimula nang ang kanilang mga ninuno at magulang ay niloko ng mga mangangamkam ng lupa, at mga asyendero. Kaya ang iba ay lumuwas sa mga siyudad upang maghanap ng trabahong matino, kung saan ay niloko pa rin ng mga illegal recruiter at mga amo nila, at ang iba ay pinagmalupitan pa tulad ng pambubugbog at panggagahasa kaya pinili na lang nilang tumira sa bangketa at mga iskwater.


Ang mga nabanggit ang malinaw na katotohanan kaya kung maaari lang, yong mga nagbubulag-bulagan at makasarili ay tumigil na sa paghusga sa mga nagugutom sa pagsabing kasalanan nila dahil hindi sila nagsikap. Totoo na upang kumita ay kailangang magsikap, pero malinaw din ang katotohanan na ang iba ay yumaman dahil sa panloloko ng kapwa at pagnakaw sa kaban ng bayan!

Discussion

Leave a response