Sino ang Pipiliin Mo?...ang berdugo ng mga kriminal? ...o berdugo ng mga nagugutom na Pilipino!
Posted on Sunday, 17 April 2016
Sino
ang Pipiliin Mo?
…ang
berdugo ng mga kriminal?
o
berdugo ng mga nagugutom na Pilipino!
Ni Apolinario Villalobos
Ang namumukod-tangi na sinasabi ng mga
kalaban niya, si Duterte daw ay “berdugo” dahil sa mga lumutang na kuwento
tungkol sa mga pinapatay niya, subalit hindi naman nila tinutukoy kung anong
uri ng mga tao ang mga pinapatay niya…na mga salot ng lipunan - mga kriminal, drug pusher, rapist,
magnanakaw. Hindi sa ayaw ko ng “fair judgment” kaya lahat ng kaso ay dapat
isampa sa korte. Subalit ilang kaso nang may mga mabigat na ebidensiya laban sa
mayayamang kriminal ang nabalewala dahil sa mga binayarang huwes? Ilang
mayayaman, kasama na diyan ang mga big time drug pusher na nakakulong nga
subalit parang nagbabakasyon lang sa loob pa mismo ng bilibid sa Muntinglupa?
Ilang mga kriminal ang nakakulong na subalit nakakalabas dahil ginagamit na
bayarang mamamatay-tao?
Bakit hindi natin buksan ang ating isip na
ang ginagawang pagnanakaw ng mga nasa gobyerno ay masahol pa sa diretsahang
pagpatay ng tao dahil unti-unti nilang pinapatay sa gutom ang mga mahihirap.
Ilan sa mga kandidato bilang presidente ang may mga kaso ng pagnanakaw?...ng
kapabayaan sa trabaho noong nasa poder, sa harap ng kalamidad na sumalanta ng
mga buhay at kabuhayan?...ng kapabayaan sa mga kasong pagnanakaw ng mga
donasyong pera at pagkain na dapat ay pantulong sa mga biktima ng mga
kalamidad?
Ang pagpatay ng tao ay pwedeng gawin sa
dalawang paraan: diretsahan at unti-unti. Sa pangalawang paraan ay kailangan
pang maghirap ng pinapatay. At, ang pinakamahalagang unawain ay ang dahilan ng
pagpatay. May pinapatay dahil talagang litaw
na litaw ang mga ebidensiya at ang layunin ay hindi pansarili kundi
upang hindi na pamarisan ng iba. May pagpatay na resulta naman ng pagkagutom
dahil sa ginawa ng taong may MAKASARILING LAYUNIN…at ito ay pagnanakaw sa kaban
ng bayan. Sa diretsahang pagpatay na may mabigat na dahilan, ang pinatay ay mga
kriminal na umamin at ang iba ay huli sa akto. Samantalang ang mga pinapatay
naman ng mga may makasariling layunin ay marami…mga naghihirap nang mga
mamamayang inosente, na ang tanging kasalanan ay pagiging mahirap…dukha!
Ang mga nabanggit na gawain ay parehong
masama dahil tungkol sila sa pagkitil ng buhay, na ayon sa mga maka-diyos ay
masama. Pero alin sa sa dalawang pumapatay ang pipiliin mo?....ang pumapatay ng
mga kriminal?...o ang pumapatay ng halos buong sambayanan dahil sa ginagawang
pagnanakaw na naging sanhi ng matinding kagutuman…o di kaya ay pagiging inutil
at walang pakialam sa mga problema ng taong bayan?
Discussion