Rederson: Kahit Hirap sa Pagkontrol ng Ulo sa Pag-iling, Tuloy pa rin sa Pagtraysikad
Posted on Wednesday, 13 April 2016
Rederson:
Kahit Hirap sa Pagkontrol ng Ulo sa Pag-iling
Tuloy
pa rin sa Pagta-traysikad
Ni Apolinario Villalobos
Halos tin-edyer pa lang si “Red”, palayaw
ni Rederson Rivera, subalit hindi ito naging hadlang upang siya ay magsikap, at
lalong hindi naging hadlang ang kanyang sakit na palsy kaya hirap siya sa
pagkontrol ng pag-iling ng kanyang ulo. Nang unang sumakay ako sa kanya, muntik
pa akong mainis nang sabihan ko siya ng direksiyon tungo sa pupuntahan ko dahil
napansin kong panay ang iling niya habang nakangiti…akala ko ay niloloko niya
ako.
Nang umagang yon na sumakay ako sa kanya sa
kanto ng Baltao Drive sa Pasay City, hindi pa raw siya nakakapag-almusal dahil
medyo madilim pa lang ay pumila na siya. Nag-aabang daw siya ng maski dalawang
pasahero para may pambili siya ng almusal. Nagkukuwento siya ng pautal habang
nagsisikad kaya may kasamang hingal ang kanyang mga salita. Hiwalay daw ang
kanyang mga magulang, at siya ay napunta sa kanyang tatay pero wala naman daw
itong trabaho dahil mahina ang katawan, kaya lumalabas na siya pa ang
sumusuporta dito. Dahil naging interesado ako sa kanyang kuwento, tumigil muna
kami sa isang kainan sa tabi ng kalsada upang maibili ko siya ng almusal.
Pinagbalot ko na rin siya ng pagkain para sa tatay niya.
Sinubukan daw niyang mag-aral pero
nahirapan siya dahil sa kanyang kalagayan palagi daw siyang tinutukso kaya nang
magkaroon ng pagkakataong makapagtraysikad ay sinunggaban na niya. Sa simula ay
wala pa daw tiwala sa kanya ang may-ari ng traysikad dahil maliban sa kaliitan
ng katawan niya ay may sakit siyang palsy, kaya baka daw hindi niya makontrol
ang direksiyon ng traysikel. Subalit, sa kapipilit ay pinagbigyan din siya,
lalo pa at alam din ng may-ari ng traysikad ang kuwento ng buhay niya. Todo kayod
daw siya dahil nag-iipon siya upang makabili ng mga bagay na gusto niya tulad
ng cellphone, maliban pa sa mga gamot ng tatay niya, at pagkain nila sa
araw-araw.
Nang mga sumunod na pagbalik ko ay hindi ko
siya natataymingan, kaya nagtanong ako sa ibang nagtatraysikad din tungkol sa
kanya at sinabi nilang bilib nga daw sila dito. Ang problema nga lang ay may
mga kaibigan daw itong nang-uuto sa kanya kaya nababawasan ang ipon niya o kung
minsan ay nawawalan pa siya ng pera.
Pero isang beses ay inabot ko si Red na
bumibili din ng malunggay pan de sal na binibili ko para sa kaibigan kong
pinapasyalan sa lugar na yon. Nasa likuran niya ako kaya hindi niya ako
napansin, pero pansing-pansin ko naman ang walang tigil na pag-iling ng ulo
niya. Pagkatapos niyang magbayad ay saka niya ako napansin kaya nakita ko na
naman ang kanyang ngiti na may kasamang kagat ng labi. Kahit alam niyang bibili
ako ng pan de sal ay inalok pa rin niya ako ng kanyang nabili. Mabuti na lang
at nagkita kami kaya nagkaroon ako ng pagkakataong iabot sa kanya ang
ipinangako ko noon pa na palagi kong dala kung pupunta ako sa Baltao.
Nang makilala ko si Red, naalala ko ang
anak ng kaibigan ko. Matanda lang siguro ito ng ilang taon kay Red, pero siya
ay malusog, at sa kabila nito ay nagbabayad pa ng oras sa gym upang magbuhat ng
barbell kaya lumaki ang katawan. Araw-araw, ang oras ng gising ng mapalad na
taong ito ay alas nuwebe o alas diyes ng umaga dahil napupuyat sa kai-intenet.
Samantala, si Red na payatot ay gumigising ng alas singko upang mag-abang ng
pasahero at upang may pambili ng almusal nilang mag-ama ay kailangang
makapaghatid ng dalawang pashero man lang.
Discussion