Fernando Sagenes: Walang Hadlang ang Kagustuhan Niyang Madagdagan ang Kaalaman
Posted on Sunday, 3 April 2016
Fernando
Sagenes: Walang Hadlang
Ang
Kagustuhan Niyang Madagdagan ang Kaalaman
Ni Apolinario Villalobos
Bago ko nakilala si Fernan ay nakilala ko
muna ang kanyang tatay. Ang unang nakatawag sa akin ng pansin nang makilala ko
ito, ay ang pagiging tahimik niya. Kilala ang tatay niya sa palayaw na
“Adring”, may kaliitan subalit matindi ang pagrespeto sa kanya. Noong iisa pa
lang ang barangay Real at nasasakop pa ng Imus, isa ang tatay niya sa mga
konsehal. Ngayon, hiwalay na ang barangay namin na naging barangay Real Dos na
itinalaga sa teritoryo ng Bacoor, samantalang ang orihinal na Real ay naging
Real Uno at sakop pa rin ng Imus.
Sa kanilang magkakapatid, pansinin si
Fernan dahil sa kanyang salamin kahit noong tin-edyer pa lang siya. Ang
impresson tuloy sa kanya ay mukhang may itinatagong talino, at napatunayan kong
meron nga nang mabisto kong mahilig palang magbasa. Palagi itong may dalang
babasahin, magasin man o maliit na libro na binubuklat niya habang naghihintay
ng pasahero sa pilahan ng mga traysikel. Ang pinagkikitaan niya ay
pagta-traysikel kahit noong wala pa siyang asawa. Minsan ay nakatuwaan kong
tingnan kung ano ang binabasa niya nang maging pasahero niya ako, at nalaman
kong lumang kopya pala ng Reader’s Digest.
High School graduate si Fernan, subalit
pinipilit niyang “habulin” ang mga dapat sana ay natutunan pa niya kung siya ay
umabot sa kolehiyo, na hindi nangyari. Sa simpleng paraan na pagbabasa hangga’t
may pagkakataon at kung ano man ang mahagilap niya ay pinipilit niyang
madugtungan ang naputol niyang pagpupunyagi sa larangan ng kaalaman. Natutuwa
siya kapag nakakahiram ng mga aklat lalo na ang mga tungkol sa mga talambuhay,
relihiyon at pulitka.
Dahil sa kaalaman ni Fernan, siya ay
nahirang noon ng barangay bilang Executive Officer nang panahong ang Barangay
Chairman ay si Vill Alcantara, at ngayon sa ilalim naman ng bagong Chairman na
is BJ Aganus, siya ay nahirang namang Kagawad. Mapagmahal si Fernan sa asawa
niyang si Myrna at anak na si Abby na ngayon ay 7 taong gulang at tulad niya ay
mahilig ding magbasa.
Noon ay natawag niya ang pansin ni Mayor
Strike Revilla at Congresswoman Lani Mercado nang lakarin niya ang 8
kilometrong layo mula sa sentro ng Tagaytay hanggang Talisay na nasa
dalampasigan na ng lawa ng Taal upang dumalo sa isang mahalagang seminar. Nanggaling pa siya sa Alfonso kung saan ay may
trabaho siya. Dahil madalang ang mga sasakyan, nagdesisyon siyang lakarin ang 8
kilometrong kalsada na puno pa ng mga nakahambalang ng mga nabuwal na puno
dahil katatapos lang noon ng bagyo.
Nang dumating siya sa pinagdausan ng
seminar ay halos nanlilimahid siya sa pagkadikit ng damit sa katawan dahil sa
pagtagaktak ng pawis. Ganoon pa man ay lakas-loob siyang pumasok kaya nakaagaw
siya ng pansin ng iba pang dumalo sa seminar. Nang tinawag siya sa harap ng
mismong mayor ng Bacoor na Strike Revilla upang pagpaliwanagin kung bakit siya
na-late sa pagdating, sinabi niya ang totoo kaya buong pagmamalaki siyang pinuri
ng mayor sa harap ng iba. Nandoon din ang Congresswoman ng distrito na si Lani
Mercado-Revilla na pumuri din sa kanya. Binanggit din ni Fernan na hindi niya
naisip na umupa ng sasakyang maghahatid sa kanya kahit hindi niya kabisado ang
Talisay, dahil ang laman ng bulsa niya ay Php200 lang. At hindi rin siya
nakapag-abiso na mali-late dahil wala siyang cellphone. Sa tuwa ni Mayor Strike
Revilla ay ibinigay nito sa kanya ang isa niyang cellphone at dumukot pa ito ng
sa bulsa ng sariling pera upang ipandagdag sa Php200 niya.
Ipinakita ni Fernan ang pagiging seryoso
niya bilang kagawad ng Real Dos kaya kahit anong mangyari ay pinilit niyang
matunton ang pinagdausan ng seminar sa Talisay. Alam niya na mahalaga ang
makakalap niyang kaalaman na inaasahang ipamamahagi niya sa mga kasama niyang
mga opisyal ng barangay.
Samantala, ang cellphone na N89 (Nokia) na
bigay ni Mayor Strike Revilla ay pinagtitiyagaang ginagamit ni Fernan sa
pagbukas ng internet. Maliliit ang mga titik na lumalabas dahil maliit lang din
ang screen nito, kaya halos idikit na niya ang kanyang mukha sa screen. Ganoon
pa man, dahil sa cellphone ay nadagdagan ang pagkakataong madagdagan ang mga
kaalaman ni Fernan tungkol sa mga pangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo at
iba pang mga bagay na may kinalaman sa buhay ng tao.
Discussion