0

Sa Pilipinas lang Nagkakaroon ng Kahulugan ang Katagang "Nakakahiya"

Posted on Monday, 25 April 2016

Sa Pilipinas lang nagkakaroon
ng kahulugan ang katagang  “nakakahiya”
Ni  Apolinario Villalobos

Totoong hindi lang sa Pilipinas may problema sa korapsyon, pero ang matindi ay dito lang ang abot-langit na pag-deny ng mga korap mismo. Wala sa bokabularyo nila ang katagang “hiya”…kaya sa paningin ng iba, sila ay mga Pilipino na talagang nakakahiya!

Sa  international airport pa lamang na sana ay nagsisilbing “pinto”, “bukana”, o “gateway” ng mga dumarating lalo na ng mga banyaga, ay umaalingasaw na ang nakakasulasok na bah. Nandiyan ang mga mababaho at baradong palikuran, nagbabagsakang kisame at salamin, init dahil sa palyadong mga aircon unit, at paglabas naman sa terminal ay mga mandurugas na taxi driver.

Sa international airport lang ng Maynila ay may mga empleyado nang walang puso at damdamin dahil pati matandang uugud-ugod ay binibiktima sa raket na tanim-bala. Dito rin makikita ang mga namumuno na bantad sa kahihiyan dahil sa kabila ng mga bulilyasong nangyayari ay hindi pa rin umaalis sa puwesto….suportado kasi ng mahal nilang presidente. Sa Pilipinas lang din may mga walang patawad na mga mandurugas na una nang nabanggit kaya  pati paalis nang dayuhan ay tinatamnan pa ng bala, kaya ayon, hindi daw pala totoong “It’s More Fun in the Philippines”!

Sa pagbagtas ng dumating na pasahero sa mga kalsada mula sa airport, buhul-buhol at halos hindi makausad na trapik naman ang madadanasang mala-impyernong pahirap. Walang kalsadang exempted sa dusang ito – Tramo palabas ng EDSA, EDSA mismo, Buendia extension, EDSA extension, at mga kalyeng nasa pusod ng Maynila at Quezon City, lalo na ang papuntang Antipolo.

Sa Maynila rin makikita ang mga tren na nakaangat mula sa lupa – ang LRT at MRT na ang nagpapatakbo ay mga taong may balat yata sa puwet dahil sa mga malimit na  pagkasira kaya ang dulot sa mga mananakay lalo na ang mga nagmamadali ay mala-impiyerno pa ring dusa. Kapag inabot ng aberya sa kalagitnaan ng mahabang riles, ang mga kawawang pasahero ay ibinababa upang mapilitang mag-hiking patungo sa terminal …sa ilalim ng tirik na tirik na araw! Kawawa ang mga matatanda, bata, sanggol, at mga nakadamit pang-opisina, lalo na ang mga may bagaheng ang laman ay pinamili sa Baclaran na mga damit at sapatos. Nakita ko yan dahil kasama ako ng mga animo ay nag-aalay lakad sa katanghaliang tapat!

Mula sa airport hanggang Maynila at Makati, ang makikita ay masasakit sa matang tanawin – mga nakatira sa bangketa, mga iskwater sa tabi ng ilog, makapal na basura sa mga ilog lalo na sa panig ng Baclaran at Pasay. Sa kabila ng mga ito, pinagyayabang pa ng Department of Tourism na “maganda” daw ang Pilipinas. Sinabi siguro ito ng Department of Tourism dahil sa mga nagtataasang commercial building na may casino at mga condo sa dating dagat na tinambakan kaya ang resulta – sumabay lang sa ulan ang mga aso at pusa sa pag-ihi ay lubog na ang intersection ng MIA Road, Pasay at mismong airport Terminal 4…pati mga drainage, banyo at palikuran.  Paanong hindi magkaganoon ay mistulang “sinakal” ng reclamation ang mga labasan ng mga drainage papuntang dagat. May mga kuwento pang pinagkitaan daw ang bentahan ng mga hiniwa-hiwang  lupa…sana ay hindi totoo.

Sa Maynila rin makakakita ng mga ilog na kumapal ang latak mula sa mga nabulok na basura kaya bumabaw ang mga ito. Sa katagalan ng paglutang ng mga basura ay hindi sila pinansin ng ni isang ahensiya o LGU upang  matanggal kaya mula sa malayo, ang mga ilog ay animo mahabang “landfill”.  Sa ibang animo “landfill” na ilog, makikita na ang mga batang naglalakad  sa ibabaw nila upang mamulot ng plastic at iba pang mabebenta sa junk shop.

Sa Pilipinas rin makakakita ng mga opisyal ng gobyerno na walang kibo at pakialam sa mga problema ng mga mamayan…kanya-kanya pang papuri sa isa’t isa at takipan ng mga pagkakamali.

Sa Pilipinas din makakakita ng mga napakamababang uri ng mga materyales na panggawa ng bahay, tulad ng yero na pwedeng tupiin ng maski matanda dahil sa kanipisan na animo ay karton.  

Karamihan din sa mga Pilipino ay nakalimot na sa lasa ng mga katutubong gulay dahil hinayaan ng gobyernong bahain ng mga gulay galing Tsina at ibang bansa ang mga pamilihan….at mura pa! Sa Pilipinas din nangyayaring sinasabayan ng gobyerno sa pag-angkat ng bigas ang mga smuggler, sa halip na sila ay pigilan, hulihin, kasuhan, at ikulong.


At ang pinakamatindi, sa Pilipinas lang makakakita ng mga taong gutom na sa halip na bigas ang ibigay ay bala ang pinangraratrat!...at ang mga nabuhay ay kinakasuhan pa dahil kasabwat daw ng NPA!

Kapag nakatira ka sa Pilipinas at ayaw mong mamatay agad sa high blood dahil sa galit at inis…mag- WOW! ka na lang!!!!


Kung magmura ka, huwag mong iparinig sa iba dahil baka may makarinig na taga-CHR (Commission on Human Rights) o kapisanan ng mga mayuyumi kunong kababaehan (Pweh!) at malamang ay kakasuhan ka pa!!!

Discussion

Leave a response