0

Ang Mga Karahasan, Kalamidad at ang Kapangahasan ng Tao

Posted on Sunday, 24 April 2016

Ang Mga Karahasan, Kalamidad
At ang Kapangahasan ng Tao
Ni Apolinario Villalobos

Dahil sa paghihirap at kamatayang dulot sa sangkatauhan at mundo sa kabuuhan, ang mga karahasan at kalamidad ay itinuturing na mga parusa ng Manlilikha sa tao. Kung tutuusin, tama rin dahil kung hindi umabuso ang tao sa paggamit ng biyayang bigay ng kalikasan at hindi naging mapag-imbot ay naiwasan sanang masira ang kapaligiran at ang mga tao ay hindi nagpapatayan.

Sa isang banda naman, kung hihintayin lang ang itinakdang gulang kung kaylan mamatay ang mga tao… ibig sabihin ay walang sakit, walang epidemya, walang disgrasya, walang giyera, at iba pang sanhi ng maagang kamatayan, malamang ay wala na halos natirang lupang titirhan sa panahong ito dahil sa dami ng mga tao. Ganoon din ang mangyayari kung naging halos paraiso ang mundo dahil walang gubat na nakakalbo, walang mga hayop na magpapatayan, malinis ang karagatan, malinis ang hangin….siguradong aapaw na rin ang mga hayop sa kagubatan at gagala na sa mga bahaging tinitirhan ng mga tao.

Hindi sa hinihingi kong magkaroon palagi ng karahasan at kalamidad upang makontrol ang pagdami ng mga tao sa mundo. Subali’t kung ating papansinin, malaki din ang naitutulong ng siyensiya sa pagpahaba ng buhay ng tao dahil sa mga naiimbentong makabagong gamot at paraan sa pag-opera ng katawan, at pagpapaigsi naman dahil sa mga makabagong gamit pandigma. Ibig sabihin, kung may likas na pangkontrol sa buhay ng tao tulad ng mga kalamidad, nasasabayan ito ngayon ng mga kayang gawin ng tao sa pamamagitan ng kanyang karunungan.

Dahil sa mga nabanggit, kung may mga mangyayari man sa ating buhay, huwag nating isisi lahat sa Diyos, dahil ang tao ngayon ay “kumikilos at nag-iisip” na rin na parang Diyos kaya pati ang “pagbuo” (cloning) ng isa pang tao gamit lang ang kapirasong bahagi ng isang katawan ay kaya na rin niyang gawin. Ang ibang hindi magandang pangyayari sa mundo ay dapat  ding isisi sa taong may sakim na pagnanasang malampasan pa ang Manlilikha!



Discussion

Leave a response