Mahilig Magturuan ang mga Opisyal ng Pilipinas kung May Bulilyaso
Posted on Monday, 11 April 2016
Mahilig
Magturuan ang mga Opisyal ng Pilipinas
Kung
May Bulilyaso!
Ni Apolinario Villalobos
“Feng Shui” o Pungsoy daw ngayon ang
kailangan ng Manila International Airport Terminal 3. Kawawa naman ang
nanahimik na terminal na inaakusahang may kamalasan daw. Ang malinaw ay…. mga
taong namumuno ang malas dahil hindi nila ginagawa ang dapat nilang gawin! Walang
aalingasaw na mga palikuran kung maayos ang management. Walang babagsak na
kisame kung bago pinagamit ang terminal ay inayos muna. Hindi mawawalan ng kuryente
at ilaw kung maayos ang pamamalakad ng mga pasilidad na ginagamit sa terminal
tulad ng mga back-up generator at aircon units. Sino ang mga dapat na
responsable sa mga ito?…eh, di mga taong namumuno!!! Bakit isisisi sa mga
ispiritu ang mga kapabayaan ng mga tao?
Sa ibang bansa, ang mga namumuno kahit
hindi pa napatunayang nagkasala ay nagpapakamatay dahil sa hiya….dito sa
Pilipinas ang mga opisyal ay walang hiya!
Sa pagbanggit ng pungsoy ng mga
naghuhugas-kamay at kapalmuks na mga opisyal upang maitaboy daw ang malas…..
Ibig bang sabihin, dahil hanggang ngayon ay
wala pang love life ang presidente, malas ang pagtira niya sa Malakanyang at
pamumuno sa buong Pilipinas? Kailangan din bang ipungsoy ang Malakanyang at
buong bansa?
Ibig bang sabihin, dahil inuulan ng mga
reklamo ang DSW, dapat ding ipungsoy ito, pero ang sinasabi naman ng iba ay
baka malas daw ang buhok ng namumuno ng ahensiya dahil ang maliit na bahagi ng
buhok ay regular na pinapalitan ng kulay, kaya sabi ng iba ay nagmumukha siyang
squirrel? Bakit hindi siya hayaan kung statement niya ito? Wala namang masama
sa pagpa-improve ng likas na ganda!
Ibig bang sabihin, dapat ding ipungsoy ang
opisina ng DOTC, pati mga riles ng MRT at LRT dahil “minalas” ang mga namumuno,
dahil sa pagbato sa kanila ng mga sunud-sunod na katiwalian? Bakit hindi ituloy
ang pangako ng isang opisyal na magpapasagasa siya kung magkakaroon pa rin ng
problema ang MRT upang madiligan ng dugo niyang kulay itim ang mga riles?
Ang hirap sa Pilipinas, ang mga itinalaga
sa puwesto ng mga namili ng boto at nanalo ay mahilig magturuan. Kulang na lang
ay ituro kay Satanas ang mga nangyayari sa Pilipinas upang makapaghugas sila ng
kamay pagkatapos nilang humawak ng maruming perang ninakaw sa kaban ng bayan!
Discussion