0

Ang Pinsan Kong Lumpo Subalit Buo ang Loob at Matibay ang Pag-ibig sa Asawang Nagkasala

Posted on Sunday, 3 April 2016

Ang Pinsan Kong Lumpo Subalit Buo ang Loob
at Matibay ang Pag-ibig sa Asawang Nagkasala
Ni Fernando  Sagenes

Lumpo ang pinsan kong si Soly (Soledad) dahil napinsala ang kanyang gulugod (spine) nang siya ay madaganan ng isang bahagi ng natumbang bahay nila noong bago pa lang silang nagsasama ni Caloy bilang mag-asawa. Sa kabila ng lahat, hindi siya pinanghinaan ng loob, bagkus ay nagsikap siya upang hindi umasa sa tulong naming mga kamag-anak niya. Nagbukas siya ng maliit na tindahan na masuwerte namang lumago kaya mula sa kita ay napaayos nila ang bahay nila sa Vasquez/Arevalo Compound sa Barangay Real 2.

Nakabili din sila noon ng sasakyan na ginagamit sa pamamakyaw ng paninda, pati isang  motorcycle na ginamit ni Caloy para sa mabilisang pamimili sa Imus at Zapote. Lalong higit, nakatulong din siya sa mga kapatid niya at iba pang kamag-anak na kinakapos, at ginagawa pa rin niya hanggang ngayon.

Sa kasamaang palad, nalihis noon ang landas ni Caloy nang makiapid siya sa ibang mga babae, at ang kasukdulan ay nang hiwalayan niya ang pinsan ko upang pumisan sa pinakahuling babaeng nakilala niya at tumira pa sila sa hindi kalayuan sa amin. Ang bawal na relasyon ay humantong sa paggawa ng hakbang ni Caloy na kamkamin ang bahagi ng conjugal property nila ng pinsan ko. Mabuti na lang at nagkaroon sila ng kasunduan at kasulatan sa Barangay na pumigil sa kanya upang huwag ituloy ang masama niyang balak.

Sa loob ng dalawang taon ay talagang nagtiis si Soly at pilit na pinalampas ang lahat ng nangyari, kaya tuloy lang siya sa pagsikap upang mamuhay na wala ang asawa na dapat sana ay umaalalay sa kanya dahil sa kanyang kalagayan. Nariringgan pa rin siya ng malulutong niyang pagtawa kaya bumilib sa kanya ang mga kaibigan at mga kapitbahay na nakakaalam ng mga pangyayari.

Subalit, talagang matalino ang Diyos dahil binigyan Niya ng dahilan si Caloy upang gumawa ng desisyon – ang bumalik sa piling ng pinsan ko. Si Caloy ay na-stroke na naging dahilan ng matagal niyang pagkaratay kaya napilitang bumalik sa piling ng pinsan ko. Pinagtiyagaan siyang alagaan nito hanggang siya ay makaraos at kahit papaano ay makatayo at makalakad kahit sa simula ay mahina ang kanyang pagkilos. Ngayon, maliban sa kanyang pagkaputla, malakas na si Caloy na halos hindi na halatang nakadanas ng stroke.

Samantala si Soly naman ay tuloy pa rin ang pagiging masayahin. Sa paggising sa umaga, pagkatapos niyang mag-ayos ng sarili ay pupuwesto na agad sa kanyang tindahan. Sa harap at kanang bahagi niya ay mga nakabiting paninda na halos abot-kamay lang niya, pati ang butas sa screen kung saan ay inaabot ang bayad sa kanya. Sa kaliwang bahagi naman ay ang kalan dahil gusto niyang siya pa rin ang magluto ng pagkain nila. Nang umagang mamasyal kami sa kanya, inabutan naming siyang nagpipirito ng talong at daing.

Sa unang reunion naming magkaklase sa Real Elementary School, pinagtiyagaan ko siyang kargahin upang makadalo. Sa kabila ng kanyang kalagayan hindi siya naghangad ng special na attention mula sa mga dumalong kaklase. Normal na normal ang pagtrato namin sa kanya dahil hindi namin siya itinuring na lumpo. Sa katuwaan namin dahil sa matagumpay na pagkikita, nagpasya kaming mag-reunion uli agad, pero sa bahay na niya gaganapin para hindi na siya mahirapan pa. Aayusin na lang namin ang maliit nilang garahe na dating pinaparadahan ng kanilang jeep at motorcycle.

Maliban sa pagmamahal ay malaki ang respeto ko sa aking pinsan dahil sa kabila ng kalagayan niya, noong tanungin ko kung mahal pa niya ang asawa niya kahit iniwan na siya nito, ay walang kagatul-gatol na sinabi niyang, “mahal ko pa rin siya kahit ano pa ang ginawa niya dahil asawa ko siya sa mata ng Diyos”. Pinatunayan niya ang matibay niyang pagmamahal nang alagaan niya ang kanyang asawa nang ito ay ma-stroke.








Discussion

Leave a response