Ang Demokrasya ng Pilipinas ay Masusubukan sa Eleksiyon 2016
Posted on Wednesday, 13 April 2016
Ang
Demokrasya ng Pilipinas ay
Masusubukan
sa Eleksiyon 2016
Ni Apolinario Villalobos
Sa darating na eleksiyon 2016, lumutang ang
iba’t-ibang pagkatao ng mga kandidato para maging presidente. Mayroong
“malambot” na nakasandal sa boss niyang presidente sa kasalukuyan; may
sinasabing yumaman dahil sa pangungurakot daw sa loob ng ilang taon dahil
bahagi ng kanyang “long-ranged” planning mula pa noong mayor siya; mayroong
bagito raw at wala pang karanasan kaya walang karapatan para umako ng
napakabigat na responsibilidad; at mayroong hindi pa man ay nagpapakita na ng
“kamay na bakal” kaya ang iba ay nababahala na baka raw maging diktador, dahil
nga naman sa kabila ng pag-upo ng kung ilang presidente pagkalipas ng Martial
Law ay walang nangyaring mabuti para sa mga Pilipino.
Nakagisnan na natin ang “demokrasya” dahil
ang ating Saligang Batas ay halaw o kinopya sa Saligang Batas ng Amerika na
ninuno ng ganitong uri ng pamamahala ng bansa. Sa pagmamadali ng mga naunang
pulitiko na makatikim ng “demokrasya” hindi nila naisip o pinalampas na lang
ang maraming probisyon ng Saligang Batas na nagtatali pa rin ng bansa sa
Amerika. Kaya, malinaw na mula’t sapul ay talagang hindi naging malaya ang
bansa mula sa pagkakasakal ng Amerika. Sa kabila ng ilang beses na pagbago ng
Saligang Batas, lalo lamang itong naging ampaw dahil sa dami ng mga butas.
Ngayon, bilang kunsuwelo, lumulutang ang
pang-uri ng demokrasya ng mga Pilipino na isang “Philippine style” o angkop sa
kultura daw. Batay diyan, demokrasya bang matatawag….
·
…ang walang humpay na pangungurakot
ng mga opisyal at ilang halal na opisyal sa kaban ng bayan?
·
…ang paglipat ng poder ng bayan
mula sa tatay o nanay sa anak, kapatid, pinsan, o iba pang kamag-anak, dahil
ang mga pamilyang ito ay may kakayahang gumastos ng malaki tuwing eleksiyon?
·
…ang pagbalik sa bansa ng
pamilyang dating nangurakot kaya ngayon, lahat
ng miyembro ay may mga poder sa gobyerno?
·
…ang pagtalaga ng mga bobo
upang mamuno ng mga ahensiya?
·
…ang pagtuklap ng mga maaayos
pang aspalto o semento sa mga highway upang palitan ng mahihinang tinimplang
aspalto o semento upang may kitaing komisyon?
·
…ang patuloy na pagdausdos ng
kalidad ng edukasyon dahil ang sistema ay ginawang negosyo ng mga tiwaling
opisyal ng ahensiyang nakatalaga dito, kasabwat ang mga negosyante?
·
…ang pagsasapribado ng mga
ospital?
·
…ang pagsasapribado ng mga
pamilihang bayan?
·
…ang hindi pagbigay ng pansin
sa mga gusaling bayan na hinayaan na lang masira sa halip na ayusin upang
magamit pa at upang maiwasan ang pag-upa
ng mga ahensiya ng mga pribadong gusali?
·
…ang pagbubulag-bulagan sa
ginagawa ng mga dayuhan sa pagmimina ng likas na yaman ng bansa?
·
…ang pagpapabaya ng mga ilang
namumuno ng ahensiya?
·
…ang pamimili at pagbenta ng
boto?
Ang kapalaran ng isang tao ay nakasaad daw sa mga nakaguhit na mga
linya sa kanyang palad… yan ay kung paniniwalaan ang astrolohiya. Subalit ang
tao ay may utak na dapat ay gumagabay sa kanya kung ano ang nararapat niyang
gawin. Kaya sana, sa darating na eleksiyon ay ito ang pairalin…iboto ang
nararapat!
Discussion