Ang Pagkakamali ay Hindi Maibabaon sa Limot
Posted on Monday, 4 April 2016
Ang
Pagkakamali ay Hindi
Maibabaon
sa Limot
Ni Apolinario Villalobos
Kalokohang sabihin na naibabaon sa limot
ang isang pagkakamali. Maaaring hindi na ito banggitin at ang mga taong
naapektuhan ay hindi na lang kikibo. Kung baga sa isang nabasag na baso, nabuo
uli ito subalit may lamat pa rin. Ang
kabutihang nagagawa ng isang pagkakamali ay nagagamit na itong batayan sa mga
gagawing pagkilos upang hindi na maulit ang mga pangyayari…kaya malaking tulong
sa mga nakakaalam ng pagkakamali kahit pa sabihing naging eskandalo ito.
Kung tanggap naman ng taong nagkamali ang
ginawa niya dapat ay hindi sumama ang kanyang loob kung ito ay maungkat o
mabanggit sa mga sitwasyong nangangailangan ng pagbanggit, lalo na kung
gagamitin itong leksyon para sa iba. Kapag ganito ang mangyayari, nakatulong pa
ang taong nagkamali upang mapaalalahanan ang iba, at hindi nangangahulugang
binanggit upang laitin siya.
Lahat ng tao ay nagkakamali kahit pa ang
mga sinasabing mga “tauhan” ng Diyos sa mundo tulad ng mga pari, pastor, Obispo,
pati santo papa, mga di-hamak na mga taong tituladong nagtapos sa mga kilalang
universidada, mga president ng kumpanya, etc……ordinaryong mamamayan pa kaya?
Nagkakaiba lang ang uri ng nagagawang pagkakamali ng bawat tao, at ang antas o
bigat ng ginawa na batay naman sa katayuan nila sa lipunan.
Hindi dapat libakin ang taong nagkamali,
halimbawa, na nagmura dahil si Hesus mismo ay nagmura nang walang mapitas na
bunga sa isang puno noong panahong nagugutom siya. Ayon sa alamat ng “creation” sa Bibliya,
ilang beses ding nagkamali ang Diyos sa paggawa Niya ng tao, bago Niya nagawa
ang uri na talagang gusto niya. At, hindi pa rin dapat libakin, halimbawa, ang
mga babaeng nagkaanak sa pagkadalaga kaya naging “single mom”, dahil tanggap na
ang ganyan sa kasalukuyang panahon. Sa panahon ngayon, marami na ring mga
dahilan ng pagkakamali ang katanggap-tanggap sa iba’t ibang lipunan, subalit
hindi pa rin nangangahulugang kinukunsinti ang kanilang ginawa.
Ang taong hindi marunong tumanggap ng
pagkakamali ay ipokrito, tulad ng mga naglipanang mga pulitiko at mga opisyal
ng gobyerno na kahit hantad na ang mga ginawang pagkakamali ay todo pa rin sa
pagkakaila. Ito ang mga taong nag-aakalang sila lang ang may utak sa ulo dahil
ang turing nila sa iba lalo na ang mga biktima nila ay mga mangmang o
bobo….pag-aakalang napakamaling pagkakamali dahil nagbunga ng matinding nakawan
sa kaban ng bayan at kagutuman sa panig ng taong bayan! Maitatala ang mga
nakakasukang pagkakamaling yan sa mga pahina ng kasaysayan ng Pilipinas kaya
hindi makakalimutan ng kahit kahuli-hulihang Pilipinong mabubuhay sa mundo!
Discussion