Ang Matinding Kagutuman
Posted on Monday, 11 April 2016
Ang
Matinding Kagutuman
Ni Apolinario Villalobos
Ang mga taong hindi nakakaranas ng
matinding gutom ay nagkikibit-balikat lamang kung makarinig ng balitang may
pinatay o namatay dahil sa gutom. Ang mga taong hindi nakadanas nito ay yong
nadanasan lamang ay hindi nabuong tatlong beses na pagkain sa isang araw o
hindi nakapag-miryenda, o di kaya ay hindi nakatikim ng tsitserya, o hindi
nakainom ng isang boteng soft drink sa buong maghapon.
Hindi nadanasan ng mga taong nabanggit kung
paanong humilab ang tiyan dahil sa hindi pagkain sa loob ng dalawang araw o
mahigit pa, o di kaya ay kung malamnan man ng masabing “pagkain” ay isang
pirasong nilagang kamote o saging sa maghapon lamang, kaya upang makalimutan
ang gutom ay idinadaan na lang sa pagtulog ng maaga. Subalit kalimitan ay
mahirap ding gawin ito dahil talagang lumalatay sa kalamnan ang paghilab ng
bitukang walang laman. Hindi nila nadanasang kumain ng talbos ng mga halamang
gubat na hindi pa sigurado kung nakalalason o hindi. At lalong hindi nila
nadanasang kumain ng mga itinapong pagkaing diretsong isinusubo mula sa
basurahan!
Para sa iba, negative daw itong mga
sinasabi ko. Bakit daw hindi masasaya at hindi depressing na mga blog ang gawin
ko. Lalo pa at sinasabi din nila na wala naman daw silang magagawa sa mga taong
nagugutom. Sana ay unawain ng mga nagsasabing negative at depressing daw ang
ganitong uri ng blog, na lahat tayo, nagugutom man o hindi ay bahagi ng iisang
lipunan. Hindi ba Pilipino ang mga nagugutom? Hayop na ba ang dapat ituring sa
kanila dahil kumakain ng mga galing sa basura?
Kailangang pamukhaan ang mga nakakaluwag sa
buhay ng mga nangyayaring kagutuaman sa paligid upang malaman nila na ang isang
kutsarang kaning itinitira sa pinggan ay mali…na ang pagtapon ng tutong na
kaning hindi naman panis ay mali….na ang pagtapon ng hindi naman bulok pero
nalalanta lang na gulay ay mali…na ang pagi-spoil sa mga anak nila na
pinalalamon nila ng junk foods sa almusal, tanghalian, at hapunan ay mali…na
ang pagbibigay sa nagmamaktol ng anak na gustong mag-Jolibee araw-araw ay
mali….na ang pagbibigay sa kagustuhan ng anak na gawing tubig ang softdrink ay
mali…etc. Ang mga iyan ang layunin ko, hindi upang sila ay sabihang tumulong sa
mga nagugutom.
Walang sinumang taong gustong magutom. Maliban
na lang siguro sa mga may gustong maging santo kaya madalas mag-ayuno o
mag-fasting. Ang mga nagugutom sa probinsiya ay nasadlak sa kagutuman dahil sa
minanang kahirapan na nagsimula nang ang kanilang mga ninuno at magulang ay
niloko ng mga mangangamkam ng lupa, at mga asyendero. Kaya ang iba ay lumuwas
sa mga siyudad upang maghanap ng trabahong matino, kung saan ay niloko pa rin
ng mga illegal recruiter at mga amo nila, at ang iba ay pinagmalupitan pa tulad
ng pambubugbog at panggagahasa kaya pinili na lang nilang tumira sa bangketa at
mga iskwater.
Ang mga nabanggit ang malinaw na
katotohanan kaya kung maaari lang, yong mga nagbubulag-bulagan at makasarili ay
tumigil na sa paghusga sa mga nagugutom sa pagsabing kasalanan nila dahil hindi
sila nagsikap. Totoo na upang kumita ay kailangang magsikap, pero malinaw din
ang katotohanan na ang iba ay yumaman dahil sa panloloko ng kapwa at pagnakaw
sa kaban ng bayan!
Discussion