0

Mag-ingat sa Paggamit ng Salitang English Bilang Pang-uri (Adjective) ng Ugali

Posted on Thursday, 14 April 2016

Mag-ingat sa Paggamit ng Salitang English
Bilang Pang-uri (Adjective) ng Ugali
Ni Apolinario Villalobos

Sa kakakulit minsan ng isa kong kaibigan tungkol sa  ginagawa ko sa Tondo at Divisoria at kung bakit ako nakikipagkaibigan sa mga taong nakatira sa bangketa at kariton, pati sa mga namumulot ng basura, sinabihan ko siya ng mga detalya. Dahil hindi siya halos makapaniwala na pwede palang gawin ang mga binanggit ko, sinabi niyang  “weird” daw ako. Nabigla ako dahil edukado pa naman siya at dapat ay alam niya ang ibig sabihin ng “weird” na isang salitang negatibo – hindi maganda ang dating. Nagpaliwanag uli ako ng buong matiwasay at sinabihan ko siya na ang makipagkaibigan upang makatulong sa kapwa ay hindi pagpapakita ng pagiging “weird”. Ipinilit kong “normal” ang ugaling ito,  dahil isa ito sa mga inaasahang ginagawa ng isang tao sa kanyang kapwa. Dagdag ko pa, ang hindi “normal” ay ang pagbabalewala sa kapwa….kaya  ito ang ugaling “weird”.

Inaasahan ang tao na dapat ay may ugaling “maka-tao”…ito ang normal na ugali.  Ang wala nitong ugali ay siyempre, “maka-hayop”…at ito ang ugaling “weird”.  Para sa akin, ang mga  “weird” ay yaong maramot, mapang-api, gahaman, kurakot, at lalong-lalo na – mapagkunwari…dahil lihis sila sa mga inaasahang ugali ng tao. Ngayon, dapat bang pagtakhan o ituring na mali ang ginagawa ng isang taong gustong tumulong sa kanyang kapwa?

Mag-ingat sa paggamit ng mga salitang English dahil maski mga guro ng wikang ito ay umaaming marami pa rin silang dapat matutunan. Kahit ang mga nagkaroon ng Masters at Doctorate ay nagbabayad pa ng “editor” para ma-check kung tama ang mga sinulat nila sa wikang English. Iwasan dapat ang magkunwari, lalo na ang mga nagpapaka-Amerikano na sa kagustuhang magpa-impress na bihasa sila sa Ingles ay nagwe-wers wers ng “accent” at mayroon pang “you know…”. Pero kung pakikinggan ang mga sinasabi nila marami din namang mali dahil kahit nga mga simpleng verbs ay hindi nila nako-conjugate nang maayos. Ang hindi pa maganda sa ugali ng mga taong tinutukoy, kahit kinakausap na sila sa wikang Filipino, tuloy pa rin ang pagsalita nila gamit ang kanilang sariling Ingles-imburnal!

Samantala, ang kaibigan kong tumawag sa akin na “weird”, ay sinabihan kong sana ay gumamit na lang siya ng salitang Tagalog na “bukod-tangi”, halimbawa, sa halip na “weird”. Paliwanag ko sa kanya, kung hindi kayang gawin ng iba ang mga ginagawa ko, ibig sabihin ay “namumukod-tangi” ako sa paggawa ng mga ito. At, dahil prangka ako, diretsahang sinabi ko na sa birthday niya ay bibigyan ko siya ng dictionary na English-Filipino....isang bukod-tanging regalo para sa taong may Master’s Degree, pero ang thesis ay ako ang nag-edit.

Sigurado kong kapag nabasa ito ng kaibigan ko ay mababawasan na naman ang mga “friends” ko….kuno. Pero di baleng nawawala ang mga tinatamaan ng bato mula sa langit, basta quality friends naman ang natitira…..hindi yong may ugaling “puwera gab”!


Notes:
  • puwera gab - salitang Cebuano na walang literal na equivalent sa anumang wika o dialect, pero sinasabi ito upang mauna sa mga iisipin o sasabihing hindi maganda ng isang tao kapag siya ay may pupunahin

  • Ingles-imburnal – mabahong uri ng English o “murdered English” na ginagamit ng mayayabang at trying hard na mga Pilipino


  • Imburnal- sewer, drain, cesspit, open drain, gutter or canal

Discussion

Leave a response