Nang Mapahiya ang isang "Donor"
Posted on Monday, 19 October 2015
Nang
Mapahiya ang isang “Donor”
Ni Apolinario Villalobos
Ngayong Oktubre 2015, naalala ko ang isang
“donor” na ipinakilala sa akin ng isang kaibigan na regular donor para sa mga
project ng maliit naming grupo. Nangyari ito noong nakaraang taon. Akala ko ay
ang kaibigan ko lang ang madadatnan ko sa restoran na tipanan namin sa
Greenbelt area ng Makati Business Center, na malapit lang sa office ng kaibigan
ko. Dahil ang pinag-uusapan ay tungkol sa fund-raising para sa pasko 2014,
nakisali ang kaibigan ng kaibigan ko, at nagsabi na magdo-donate din daw.
Subalit nagulat ako nang tanungin niya kung saan daw ang “office” namin. Sabi
ko, “wala, at apat lang kami sa grupo”. Dagdag pa niya ay kung pwede daw ba
siyang humingi ng resebo para magamit niya sa tax deduction. Muntik na akong
mabulunan ng mainit na kape sa tanong niya. Sa umpisa medyo nairita ako pero
nagpaliwanag pa rin ako na hindi kami rehistrado sa SEC. Naisipan kong sakyan na lang siya. Binigyan
ko siya ng address kung saan siya puwedeng maghatid ng donation na mga de lata
daw.
Four days ang nakalipas, habang kasagsagan
ng pag-repack namin ng mga items, dumating ang “donor”, may dalang isang kahon
ng sardinas. Natuwa kami, pero ang “donor” ay hindi, dahil ang dinatnan niya ay
isang lumang garahe ng kaibigan ko at amoy-tuyo pa, dahil kasama ang tuyo sa
nire-repack para sa mga plastic bag… akala siguro niya ay big time kami. Kahit
amoy pawis kaming apat, ininterteyn pa rin namin siya, hindi nga lang namin
nabigyan ng kape dahil ayaw naming bawasan ang mga donasyong kape na
naka-sachet.
Halata ang disappointment niya. Wala yatang
konsiyensiya, nagtanong pa kung bakit wala man lang kaming t-shirt na isinusuot
tulad nang ginagawa ng ibang Foundation. Inulit ko sa kanyang hindi kami
Foundation. Patanong na sabi ko, pangalan nga namin ay hindi namin ibinibigay, bakit
pa kami magpapa-obvious pa sa pagsuot ng t-shirt? Ang dagdag paliwanag namin,
dis-oras kami namimigay para walang makapansin.
Ang isang kasama ko ay hindi nakatiis, nag-“excuse
me” at pumunta sa labas…akala ko ay galit. Nang sundan ko, nadatnan ko siyang
namimilipit sa pagtawang pilit pinipigil. Tumigil lamang siya sa pagtawa nang
tanungin niya ako kung saan ko na-meet ang “donor”. Hindi ko na sinagot ang
tanong niya, basta ang sabi ko na lang ay, “hayaan mo na….may donation naman”.
Pagbalik namin sa loob, inabot naming nagkokodakan ang dalawa pa naming kasama
at ang “donor”. Nag-group picture kami, pa-selfie.
Maya-maya tumawag sa cellphone ang “donor” at
ang kausap yata ay driver niya dahil ang sinabi ay,” Hoy, ang kotse ihanda mo
na at lalabas na ako diyan, buksan mo na ang aircon…yong pinabalot kong pansit
na natira sa restoran pala ipasok mo rito sa loob”. Maya-maya pumasok uli ang
lalakeng naka-short- sleeved barong tagalong na nagdala ng kahon ng sardinas,
may dalang supot na malamang, ang laman ay ang tirang pansit. Nagpasalamat kami
sa dalaw ng “donor” at sa kanyang donation….at pansit. Nang ihatid ko siya sa
labas ng gate, nakita kong Porsche ang kotse niya. Nag-alala lang ako dahil ang
ibinigay niyang pansit ay baka para sa driver o kasambahay…kawawa naman sila.
Familiar pala sa isa kong kasama ang
babaeng “donor”, kabit daw ng isang milyonaryong negosyante ng itlog at manok,
at may palaisdaan pa na taga-Bulacan. Ang kasama naming nagsabi ay taga-Bulacan
din, subalit tuwing Oktubre lang umuuwi mula sa Amerika at ang bakasyon niya ay
hanggang Enero. Umuuwi siya para lang makibahagi sa fund-raising tuwing Oktubre
at pamamahagi ng Christmas bags tuwing last week ng November. Akala siguro ng starlet
ay may mga taga- media siyang madadatnan sa “repacking center” namin tulad nang
nangyayari sa mga Foundation center ng mga kilalang TV stations. Makakatiyempo
nga naman siya ng libreng mileage kung sakali at baka may makapansin upang
makabalik siya sa pelikula. Bold starlet siya dati, at maganda pa rin hanggang
ngayon…suki siguro siya ni Dra. Belo.
Ngayong taon, ingat na ingat na kami sa
pagtanggap ng mga donasyon para sa pasko 2015, at baka makatiyempo kami ng mas
matinding personalidad na gustong mag-“donate”.
Lalong masama kung makatiyempo kami ng pulitiko, panahon pa naman ng
kampanyahan para sa election 2016.
Discussion