0

Ang Mabuhay sa Mundo

Posted on Friday, 30 October 2015

Ang Mabuhay sa Mundo
Ni Apolinario Villalobos


Sa dami ng mga pagsubok na kailangang harapin
Ang mabuhay sa mundo ay talagang napakahirap -
Sa nagdarahop man o mayaman, ito ay nangyayari
Dapat unawaing katotohanan na walang pinipili.

Lahat umaasam na marating, tugatog ng tagumpay
Ginagawa ang lahat sa kahi’t anong kaparaanan
Mayroong nagtagumpay, subali’t mayroong kapalit
Mga hagupit sa buhay na tinanggap, maski masakit.

Para sa iba, pera ang katumbas ng mithing tagumpay
Para sa iba, ang makilala sa isang laranga’y sapat na
Ang iba naman, mga kaibigan ang gustong mapadami
Kaya sa pakikipagharap, pinipilit nilang magkunwari.

Merong madaling malasing sa nakamtang tagumpay
Mga paa’y halos ayaw nang ibalik sa lupang niyapakan
Animo’y mga kulisap na sa paglipad ay sabik na sabik -
Sa pinagmulang kahirapan, ayaw tumingin at bumalik.

Meron namang sa perang nakamal animo ay nabaliw
Hindi malaman ang gawin kung ibangko ba o gastusin
Sa kasamaang palad, kadalasa’y mawawaldas lang pala
Sa isang iglap, pera’y naglaho, hindi binigyang halaga.

Ang masaklap sa buhay, palaging sa huli ang pagsisisi
Laging may dahilan kung bakit sa paghakba’y nagkamali
Kalimitan, ang lahat ng pangyayari ay hindi matanggap -
Na dahil sa katangahan, nawalang saysay, mga pagsisikap!



Discussion

Leave a response