0

Ang Pagmamalasakit ay Hindi lang Dapat Para sa Tao

Posted on Thursday, 22 October 2015

Ang Pagmamalasakit
ay Hindi Lang Dapat Para sa Tao
Ni Apolinario Villalobos

Ang sabi ni Francis, ang santo papa ng mga Katoliko, dapat magmalasakit ang tao sa kanyang kapwa….maging compassionate. Sa opinion ko naman, hindi lang sa kanyang kapwa dapat magmalasakit ang isang tao. Lahat ng nilalang ng Diyos na may buhay, kahit nga ang mga walang buhay tulad ng kalupaan, kabundukan, karagatan, at mga ilog ay dapat pagmalasikatan. Kung ang may buhay ang pag-uusapan, dapat kasama ang mga halaman at mga hayop na malaking bahagi na ng buhay ng tao. Samantala, ang mga hayop na sinasabing nananakit o mababangis ay hindi papalag kung hindi sila pinapakialaman ng tao.

May mga taong mahilig mag-alaga ng mga “laruang” hayop o pet, lalo na yong may lahi,  hindi lang upang makaaliw sa kanila kundi upang maging palamuti din sa bahay. At, dahil mamahalin, ginagamit din silang palatandaan ng karangyaan ng isang tao. Nagagamit na rin sila ngayon bilang therapies o pampagaling ng sakit, lalo na ang mga psychological. Sa mga taong talagang taos sa puso ang pag-alaga, okey ito. Ang hindi tama ay ang ginagawa ng mga taong nanggagaya lamang dahil sa inggit sa ibang meron ng mga ito. Bibili sila ng mga nabanggit, subalit dahil likas na walang hilig talaga, ay napapabayaan kaya nagkakasakit hanggang mamatay.

Ang kapalaran ng mga halamang pampalamuti ay hindi nalalayo sa nabanggit na mga hayop na binili ng mga naiinggit sa kapitbahay, kaya napabayaan hanggang mamatay. May mga tao kasing dahil naiinggit sa malagong halamanan ng kapitbahay ay nagtatanim din ng mga ito sa bakuran upang mapantayan o malampasan pa ang nakikita sa kapitbahay. Subalit dahil wala rin talagang hilig sa tanim kundi naiinggit lang, ni hindi nila pinapansin ang mga halamang nagkakandalanta dahil hindi nila nadidiligan.

Ang mga kahayupan sa gubat at kalawakan ay ginagamit na target ng mga mangangaso, pampalipas ng oras lang nila, kaya maraming endangered species ang nawala na talaga. Bandang huli ay nagtuturuan ang mga NGO at pamahalaan kung saan nagkaroon ng diperensiya sa pagpapatupad ng alituntunin.

Ang ibang mga nature lovers kuno, tulad ng mga scuba divers, snorkelers, trekkers at mountaineers ay nagmamalaking mahal nila ang kalikasan. Subalit kung umakyat ng bundok ay nag-iiwan ng basura nila sa camping sites. Hindi man lang nila naisip na magbaon ng trash bags upang lagyan ng basura upang mahakot pagbaba nila, kaya maraming kabundukan sa Pilipinas, na ang mga trails ay maraming candy at biscuit wrappers, aluminum cans ng softdrinks, upos ng sigarilyo, satchet ng instant noodle, sanitary napkin at toilet paper. Ilang taon na ang nakalipas, ang Mt. Everest ay isinara ng kung ilang linggo upang malinisan ang mga trails at camping sites sa kapatagan hanggang sa tuktok na tinambakan ng mga empty oxygen canisters, mga bote, at iba pang klase ng basura.

Ang mga dalampasigan o beaches, tulad ng mga kabundukan ay nasasalaula din ng mga burarang nature lovers kuno at mga negosyante. Ang isang halimbawa ay isla ng Boracay na puno ng mga naglalakihang resorts at hotels na ang septic tanks ay tumatagas sa dagat kaya tinutubuan na ng mga lumot ang ilang dalampasigan, tanda ng pagkakaroon ng mikrobyo sa tubig-dagat. Hindi sapat ang sinasabing paghakot ng basura at sinipsip na dumi mula sa septic tanks at dinadala sa Caticlan, na ginagawa ng gobyernong lokal, dahil hindi naman perpektong nakakalinis ang mga ganitong mga paraan.

Ang mga bundok ay kinakalbo ng mga illegal loggers na ang iba ay mga gahamang opisyal ng gobyerno at ang iba naman ay dummy ng mga foreign financiers. Animo ay minamasaker nila ang mga kabundukan. Kaya tuwing tag-ulan, ang rumaragasang tubig mula sa kabundukan na nagdudulot ng baha sa kapatagan ay kulay brown o pula, na ibig sabihin, mga lupa silang hindi na napoproteksiyunan ng mga ugat ng mga kahoy o mga damo man lang. May mga yumamang iilan, subalit ang nagdusa ay libo-libong mahirap na mamamayan, at ang masakit pa, ay mga dayo ang yumaman!

Ang mga bigtime na mangingisda ay gumagamit ng makabagong mga instrumento na kumakayod sa sahig ng karagatan, kaya lahat ng madaanan ay tangay – mga korales na kung ilang milyong taon na ang gulang, mga maliliit na isda, at mga inahing isda na dapat ay mangingitlog pa lang.  Ang ilan pa ay gumagamit ng lason at dinamita, at itong mga tao ang may gana pang magtaka kung bakit nauubos ang mga isda malapit sa dalampisagan kaya wala na silang mahuli!

Ang tao pa rin, sa kagustuhang umasenso agad ay gumagamit ng makabagong teknolohiya para sa mga pagawaan. Gagamit ng langis upang magpaandar ng mga makina, at ang latak ay tinatapon sa ilog na dumadaloy hanggang sa dagat o lawa. Ganoon din ang mga nagmimina na ang latak ng kemikal na ginagamit sa paglinis ng namimina ay iniimbak sa mga reservoir subalit ang katatagan ay hindi mapagkatiwalaan, kaya pagdating ng panahon ay tumatagas rin kaya sinisipsip ng lupa na ang resulta ay pagkalason ng mga nakapaligid na bukal. Kung ipampaligo ang tubig mula sa mga ito, sakit sa balat ang dulot, lalo na kung gamitin sa pagluto na ang dulot ay tiyak namang kamatayan. Sa isang banda, ang usok mula sa mga pagawaan ay pumupunit sa kalawakan na dapat ay humahadlang sa tindi ng init ng araw na tumatama sa mundo.


Pagkagahaman at kawalan ng pagmamalasakit ang dahilan ng lahat ng mga nabanggit, at kakambal na yata ng tao. Walang mangyayari sa panandaliang pagsasantu-santohan upang makapagpakita ng pagmamalasakit dahil sinabi ng santo papa. Kailangan nating maging consistent o tuluy-tuloy sa pagpapakita ng malasakit. Paanong maisasakatuparan ito kung ang maayos na pagtapon nga lang ng basura mula sa bahay ay hindi nagagawa kaya naaanod sa mga ilog, dagat, at estero? Kaylan tayo magbabago? 

Discussion

Leave a response