0

Dalawang Kuwento ng Disiplina kung Paanong Napaglabanan ang Diabetes

Posted on Friday, 9 October 2015

Dalawang Kuwento ng Disiplina
Kung Paanong Napaglabanan ang Diabetes
Ni Apolinario Villalobos

Sa panahon ngayon, kahit karaniwan na ang pagkaroon ng mga sakit tulad ng kanser, diabetes, alta presyon, cholesterol, ulcer, etc., kahit papaano, nakakagulat pa ring malaman na tayo o mga kaibigan natin ay mayroon ng isa sa mga nabanggit, lalo na kung may namatay. Ang kadalasan na ginagawa ng mga tao para labanan ang mga sakit ay yong tinatawag na “reactive” na pamamaraan. Ibig sabihin, kung kaylan dumapo na ang sakit ay saka pa lamang kikilos ang taong tinamaan kaya halos araw-arawin niya ang pagpunta sa doctor, at kung maaari lang ay ubusin na sa isang lagukan ang mga prescribed na gamot. Maliban sa nahihirapang katawan, ay nabubutas din ang bulsa nila dahil sa mga gastusin. Ang nakakalungkot ay ang mga kasong napakahuli na ang reaksiyon kaya nawalan na ng pag-asang gumaling ang maysakit. Sino ang may kasalanan?...masakit mang aminin, kalimitan ay ang mga maysakit mismo dahil sa kapabayaan.

Subalit mayroon pa rin namang maituturing na masuwerte dahil kahit malala na ang sakit ay napaglabanan pa rin nila. Marami ang nagsasabi na ang pinakanakakatakot na sakit ay diabetes dahil dumadaloy ito sa dugo at lahat ng bahagi ng katawan ng tao ay tinutumbok nito. Hindi maaaring isabay ang paggamot sa diabetes sa iba pang sakit kung sabay silang umatake. Nakakatuwang malaman na may mga kuwento tungkol sa pakikipaglaban sa diabetes na ginagawa ng iba dahil sa layunin nilang mabuhay pa ng matagal, kaya lahat na lang ng paraan ay ginagawa nila.

Ang unang kuwento ay tungkol sa dati kong landlady sa Baclaran, si ate Lydia. Masasabing maganda ang landlady ko na noong kabataan niya ay lumalabas pa sa mga pelikula ni Fernando Poe Jr. Makalipas ang maraming taon, nagkita uli kami at mangiyak-ngiyak sa pagkuwento na muntik na siyang maputulan ng dalawang binti dahil sa diabetes. Nagnaknak na daw ang harapang bahagi ng kanyang dalawang binti at dahil sa nakasusulasok na amoy, isa-isang nag-alisan ang mga boarders niya. Halos maubos ang naipon niyang pera sa pagpapagamot, subalit wala ring nangyari. Dahil sa hiya, hindi na siya lumalabas ng bahay na palaging nakasara.

Isang araw daw ay dumating ang dati niyang labandera at nang makita ang kalagayan niya ay agad nagsabi na subukan daw niya ang saluyot. Mula noon, tuwing almusal, tanghalian at hapunan ay halos saluyot na lang ang kanyang kinain. Makalipas ang isang buwan, napansin niyang unti-unting natutuyo ang malalaking sugat. Pagkalipas pa ng limang buwan, gumaling ang mga sugat. Nang bumalik siya sa doktor, nalaman niyang bumaba na ang indicator ng diabetes niya, pero tuloy pa rin ang kain niya ng maraming saluyot. Noong magkita kami, halos ayaw kong maniwala sa kuwento niya dahil makinis naman ang kanyang mga binti.. Kinakantiyawan ako ng landlady ko noon dahil sa request kong palaging ulam na pinakbet, adobong kangkong, paksiw na saluyot at okra, at tortang talong. Nang magkaroon siya ng diabetes, naalala daw niya ako.

Ang ikalawang kuwento naman ay tungkol kay Ellen, naglalako ng mga dinaing na isda sa lugar namin. Noong nakaraang taon, halata ang pagkahulog ng katawan niya dahil sa sobrang kapayatan at pamumutla. Inamin niyang may diabetes siya. Kaylan lang ay nakita ko uli siya, subalit hindi na payat at maputla…bumata pa nga. Ayon sa kanya, halos mawalan na daw siya ng pag-asa dahil sa sakit niya, at nadagdagan pa ng pagtetebe o hirap sa pagdumi ng kung ilang araw. Wala naman daw siyang perang pangkonsulta palagi, at kahit anong gamot ang inumin niya ay wala rin daw epekto. May narinig siyang mga kuwento tungkol sa ashitaba at okra na nakakagaling daw ng diabetes.

Wala naman daw mawawala sa kanya kung susubukan niya. Makalipas lang daw ang ilang araw, bumalik sa normal ang kanyang pagdumi. At, makalipas naman ang mahigit isang buwan ay nagkakulay na rin siya, hindi na maputla. Kaya mula noon ay itinuloy lang niya ang araw-araw na pagkain ng ashitaba at okra. Sa umaga, apat na dahon ng ashitaba ang nginangata niya habang nagtatrabaho at pinipilit niyang siya ay pawisan, at ang okra naman ay palagi niyang inuulam. Makalipas ang ilang buwan pa, nadagdagan na rin ang kanyang timbang subalit pinipilit niyang huwag tumaba uli tulad nang dati. Nang magpakonsulta siya uli, nagulat ang doktor dahil sa kanyang pagbabago.

Sa dalawang kuwento, malinaw na kung hindi dahil sa disiplina ay hindi gumaling si ate Lydia at Ellen. Ang iba kasi, marinig lang ang “okra” at “saluyot” ay nandidiri na dahil madulas daw ang katas. Kung may disiplina ang isang tao, kahit mapait pa ang isang halamang gamot o gulay tulad ng ampalaya, dapat ay itanim lang niya sa kaisipan ang layuning gumaling…yon lang.


Discussion

Leave a response