0

Ang Pagtitiwala

Posted on Saturday, 17 October 2015

Ang Pagtitiwala
Ni Apolinario Villalobos

Ang ibang tao ay nahihirapang magtiwala sa kapwa-tao. Hindi sila masisisi dahil nga naman sa dami ng mga nangyayaring panloloko at pangraraket tulad ng budol-budol na madalas mapabalita. Dahil sa kawalan ng tiwala, ayaw na tuloy nilang magbigay ng cellphone number man lang kahit sa kaibigan dahil baka daw mapasakamay daw ito ng ibang tao. Subalit mayroon pa ring hindi makapigil sa sarili na makipag-kaibigan sa hindi nila kilala dahil mukha naman daw mga disente at mayaman ang mga ito. Nakakarma tuloy sila, dahil hindi nga nagtitiwala sa mga taong ang kasuutan ay pang-mahirap, nadale naman sila ng mga akala nila ay mayaman, kaya maliban sa ninakawan na ay nari-reyp….at lalong malas ang pinatay pa.

Sa panahon ngayon mahirap pairalin ang kasabihang, “ang tiwala ay nasusuklian ng tiwala” (trust begets trust). Pero yong talagang likas na mapagtiwala at matulungin ay talagang hindi mapipigilan sa pagbukas ng kanilang gate kapag may kumatok upang humingi ng pagkain. Bibihira lang ang ganitong uri ng tao ngayon. Yong iba kasi, basura nga lang sa labas ng gate nila na kinakalkal ng mga batang nangangalakal, ay ikinagagalit pa sa pamamagitan ng pagmumura at pagtaboy sa mga ito. Hindi pa rin sila masisisi dahil talagang may mga nangangalakal na basta magkaroon lang ng pagkakataon ay talagang nagnanakaw – dahil sa kahirapan.

May mga pamilya na dahil sa kawalan ng tiwala sa kasambahay ay naglalagay ng CCTV camera sa loob at labas ng bahay. Subalit kadalasang dahilan ay laan daw para sa mga taong-labas na may masamang pakay o sa madaling sabi, mga magnanakaw. May nagkuwento sa aking nakilala ko na naglayas sa kanyang amo dahil nakikita daw siya sa memory ng CCTV na  kumakain ng junkfoods na nakatabi sa cabinet. Ginawa lang naman daw niya yon dahil noong unang araw niya bilang kasambahay ay magiliw siyang sinabihan na “kung gutom ka, bahala ka nang maghagilap ng makakain mo”. Sinunod naman daw niya. Nang pagsabihan daw siya ng among babae na wala na silang tiwala sa kanya dahil sa madalas niyang pagmeryenda ng junk food, nagpaalam siya subalit hindi siya pinayagan hangga’t wala siyang kapalit. Inabot ng apat na buwan ang paghintay niya pero wala pa rin kaya lumayas na lang siya at iniwan na lang ang dalawang buwang suweldo na hindi pa ibinigay sa kanya, kaysa patuloy siyang inaalipusta.

Ang isa pang uri ng tiwala ay yong sa sariling kakayahan. Maraming taong hindi nakakaalam na mayroon pala silang tinatagong galing. Yong iba naman ay alam talagang may galing sila, subalit nahihiya lang maglabas. Sa panahon ngayon, kailangang may makapal na mukha ang isang tao, hindi nahihiya upang maipakita niya ang kanyang galing. Kailangan ito upang kumita at hindi magutom dahil may magagamit namang galing na bigay ng Diyos. Ang ilan sa mga kagalingan ay sa larangan ng pagkanta, pagsayaw, pagsulat, at pagkuha ng larawan. Ang mga nagiging sikat na you tube sensations ay halimbawa ng mga ito. Ang mga manunulat naman ay walang tigil sa pag-submit ng mga gawa nila sa mga publishers o di kaya ay magblog. Sa ganitong larangan, mayroong ang gusto ay magsulat upang maibahagi sa iba ang kanilang nalalaman.

Ang pinakamatinding tiwala na maipapakita ng isang tao ay ang tiwala sa Diyos na hindi niya nakikita. Masuwerte yong may Bibliya at nakakabasa tungkol sa Kanya, subalit ang ibang walang pambili ng librong ito ay nagtitiyaga na lamang sa mga naririnig sa radio at napapanood sa TV o di kaya ay sa mga religious rally tulad ng sa EL Shaddai. Ang magandang halimbawa ng masidhing pagtiwala sa Diyos ay ang ginawa ng mga disipulo ni Hesus. Iniwan nila ang kanilang pamilya at trabaho dahil naniwala silang may mahalaga silang misyon. Noong unang panahon ay pwede ang ganoon, dahil iba ang ugali ng mga tao. Subalit sa panahon ngayon, kahit may “misyon” ka pa, hindi kailangang mag-resign sa trabaho dahil gutom ang aabutin mo at ng pamilya mo.

Nakakabahala lang ang ibang tao sa panahon ngayon na dahil sa sobrang tiwala nila sa kaalaman daw nila sa mga bagay tungkol sa Bibliya at Diyos ay itinuturing na nila ang sarili nilang parang si Hesus. Ito ang mga dapat hindi pagkatiwalaan…



Discussion

Leave a response