Si Annalyn Sagenes at ang Huli niyang 150 pesos (kagawad siya ng Barangay Real Dos, Bacoor City)
Posted on Tuesday, 13 October 2015
Si
Annalyn Sagenes at ang Huli Niyang 150 pesos
(kagawad
siya ng Barangay Real Dos)
Ni Apolinario Villalobos
Isang hapong nakipag-umpukan ako sa kubong
pahingahan sa subdivision namin na katabi ng Barangay Hall, nakipagpalitan ako
ng mga kuwento. Isa sa mga kakuwentuhan namin ay si Annalyn Sajenes, konsehal ng Barangay Real Dos. Marami kaming
napag-usapan at ang hindi ko makalimutan ay ang kuwento niya tungkol sa huling
150 pesos sa kanyang bulsa.
Maaga pa lang daw noon ay may lumapit na sa
kanya upang humingi ng tulong na pampa-ospital, at kahit kapos siya pera noon,
naisip niyang ibigay na lang ang 100 pesos upang magawan ng paraan ng humihingi
na madagdagan. Naisip niyang pagkasyahin na lang ang natirang 50 pesos sa
maghapon. Pagdating niya sa Barangay Hall ay nakita naman niya ang basurero ng
barangay na inaapoy ng lagnat. Wala itong pambili ng gamot, kaya ang ginawa
niya ay pikit-matang iniabot ang huling 50 pesos sa bulsa niya. Sa maghapong
yon ay hindi niya ginamit ang kanyang motorsiklo dahil wala na siyang
panggasolina. Inisip ko na lang na baka nangutang siya para may magastos
kinabukasan.
Nang tumira ako sa barangay namin, inabot
ko si Annalyn na tin-edyer pa lang noon. Nakitaan ko na siya ng mga katangiang
angkop sa pamumuno. Itinuturing akong hindi iba ng kanyang pamilya at mga
kamag-anak, kaya halos araw-araw akong namamasyal sa lugar nila pati sa “bukid”
kung tawagin namin na nasa silangang bahagi ng subdivision. Nang tumigil sa
pag-aaral si Annalyn, sinubukan niyang magbukas ng maliit na karinderya sa
labas lang ng bahay nila. Maraming nakagusto sa mga ulam niyang lutong bahay,
at style-Kabitenyo.
Kalaunan, hindi ko akalaing sasabak si
Annalyn sa pulitika, kahit pa sabihing ang itinuturing niyang lolo na si Ka
Pedro ay naging unang Chairman ng barangay namin. Laking gulat ko nang malaman
kong sumali siya sa listahan ng mga tatakbo sa pagka-konsehal, ganoon pa man,
tiwala akong makakalusot siya, na nangyari nga.
Sa unang termino pa lamang ng kanyang
panunungkulan, nakitaan na siya ng sigasig sa pagpapatupad ng mga obligasyon.
Ginagamit niya ang kanyang motorsiklo kahit sa mga lakad na opisyal, at ang
pambili ng gasolina ay galing sa kanyang bulsa, hindi nari-reimburse. Maliban
diyan, nakakadukot din siya sa bulsa niya ng pera para sa mga nangangailangan
ng tulong tulad ng nabanggit ko. Ang barangay namin ang pinakamaliit sa buong
lunsod ng Bacoor, kaya maliit din ang binabahaging buwis para dito, ibig
sabihin, maliit din ang allowance ng mga taga-barangay. Kadalasan tuloy ay
abunado silang lahat, mula sa Chairman na si BJ Aganus, hanggang sa mga
kagawad.
Nasa ikalawang termino na si Annalyn bilang
konsehala. Hindi pa rin nagbabago ang maganda niyang pagpapatupad ng tungkulin
lalo na kapag nakatoka siya sa pagroronda sa buong barangay, feeding program,
at sa pag-asikaso ng mga hindi nagkakaunawaang magka-barangay. Kung minsan ay
inaabot siya ng hatinggabi sa pagpapatupad ng kanyang tungkulin, kaya hindi na
rin siya nakakapagluto ng mga ulam na dati niyang ginagawa.
Umiiral ang magandang samahan at “sharing”
sa pagitan ng mga opisyal ng barangay Real Dos. Sakripisyo nilang itinuturing
ito, kaya hindi nakapagtataka ang ginawa ni Konsehala Annalyn nang ipamahagi niya
ang natitirang 150 pesos noon, sukdulan mang magtiis siya sa maghapon na hindi
makagamit ng motorsiklo dahil walang panggasolina. Binigyan niya ng buhay ang
kasabihang: “kaning isusubo na lang, ay ibibigay pa sa kapwa-taong nagugutom”.
Discussion