0

Ang Hindi Kapani-paniwalang Pag-asenso ng Ekonomiya at Totoong Pagdoble ng Badyet ng Pilipinas

Posted on Monday, 26 October 2015

Ang Hindi Kapani-paniwalang Pag-asenso ng Ekonomiya
at  Totoong Pagdoble ng Badyet ng Pilipinas
ni Apolinario Villalobos

Kanit anong pagpipilit ni Pnoy na talagang umasenso ang Pilipinas, marami pa rin ang ayaw maniwala, lalo pa at ang mga report ay ginawa ng mga banyagang researcher. Kinokontra naman kasi ang mga ito ng mga report tungkol sa mga tunay na nangyayari na ang gumawa ay mga Pilipino. Ganoon pa man, ang talagang totoo ay ang pagdoble ng pambansang badyet na mula sa 1.5 trillion ang badyet noong unang taon ng panunungkulan ni Pnoy ay naging 3 trillion na ngayon. May balak ang gobyerno na taasan pa ang badyet sa susunod na taon, at ito ang nakakagimbal!...dahil, siguradong ang panggagalingan, maliban sa mga uutangin pa ay mga ordinaryong Pilipino na lalong pipigain upang makuhanan ng karagdagang buwis. Pasok ang planong ito sa loob ng mga nalalabing mga buwan ng panunungkulan ni Pnoy.

Ang pinakamagandang gawin ng gobyerno ay magpakita ng listahan ng mga totoong proyekto na ginastusan ng mga karampatang halaga at dapat ay tumugma sa taunang badyet. Kasama ito dapat sa accomplishment report ni Pnoy dahil magtatapos na ang kanyang panunungkulan. Ang problema nga lang ay siguradong mahirap pagtugmain ang inilabas na mga badyet sa mga totoong ginastos dahil bistado namang pinagkitaan ng malaki ng mga kurakot sa gobyerno.

Ibig ko lang linawin na tanggap ang katotohanang “halos” wala nang natirang malinis na opisyal sa gobyerno. Kaya hindi tama ang madalas itanong na, “sino ba sa kanila ang hindi nangurakot?”. Ang punto ko ay hindi dahil alam nang may kurakutang nagaganap sa gobyerno ay dapat tumahimik na ang lahat tungkol sa bagay na ito. Hindi pwedeng itago ang mga impormasyon dahil lang sa katotohanang, “halos” lahat naman ay gumagawa nito. Kawawa naman ang mga hindi gumagawa dahil nadadamay sila sa mga pangkalahatang akusasyon.

Kaipokrituhan kung sasabihin na hindi tanggap ng pandaigdigang lipunan ang nagaganap na kurakutan sa gobyerno. Alam na ng lahat ng mga tao, saan mang panig ng mundo na sa mga gobyerno nila ay may ganitong ginagawa. Ang masama lang,  sa Pilipinas ay “sobra-sobra” o “labis-labis” ang ginagawang pangungurakot na pagpapakita ng lakas ng loob ng mga walang kaluluwang mga opisyal sa gobyerno. Dahil sa ginagawa nila, sino ba namang nagugutom at naghihirap na Pilipino ang hindi magkaroon ng sama ng loob at mainsulto?

Sa darating na eleksiyon, malinaw na gusto talaga ni Pnoy na manalo si Roxas na pag-asa niya upang maipagpatuloy daw ang “pagtahak sa tuwid na daan”. Hindi naman bobo ang mga nakakaunawang Pilipino na gusto lang niyang manigurong hindi siya makakasuhan ng mananalong presidente na kontra-partido. At dahil gusto niyang manalo si Roxas, pati suweldo ng mga government employees ay kinasangkapan dahil itataas daw ito. Ginawa niya itong pangako dahil alam niyang mismong mga empleyadong gobyerno ay nangangampanya laban kay Roxas. At, ang ipinangakong suweldo, ayon mismo sa lider ng mga empleyado ay madadagdag na naman sa marami nang ipinangakong hindi natupad.

Hanggang ngayon ay problema pa ang maliit na sahod ng mga health workers, mga gurong hindi pa lisensiyado subalit ang trabaho ay hindi naman naiiba sa mga lisensiyado na, mga nurses at doctor na noon pa dapat tinaasan ng suweldo, at allowance ng mga sundalo. Idagdag pa diyan ang isa pang papoging pangako na dalawang libong pisong dagdag sa pension ng mga retiradong SSS pensioners, na pagkatapos banggitin ay kinalimutan na. Bakit hindi paghihinalaan ngayon na ang ginawang bagong pangako ng pangulo ay may kinalaman sa darating na eleksiyon? Dapat mag-isip ng mas magandang ilalaman sa mga talumpati ni Pnoy ang mga gumagawa nito upang may mabago naman sa pandinig ng mga Pilipino para hindi siya mag-tunog sirang plaka na paulit-ulit ang tinutugtog.

Kung manalo man si Roxas sa susunod na eleksiyon, at kahit sinasabi pa na halos wala naman talagang maayos na pagpipilian, kasama na siya, dapat lang na kahit papaano ay may malaman ang mga Pilipino kung anong klaseng tao o mga tao ang kumikiling sa kanya. Manalo na kung manalo si Roxas pero dapat mabigyan ng babala ang mga Pilipino sa inaasahan nang mangyayari dahil halata namang nakaplano na.


Discussion

Leave a response