Magandang Asal and Dapat Ipakita ng Mga Opisyal ng Gobyerno Upang Sila ay Respetuhin
Posted on Wednesday, 28 October 2015
Magandang
Asal ang Dapat Ipakita ng Mga Opisyal
Ng
Gobyerno Upang Sila ay Respetuhin
Ni Apolinario Villalobos
Sa nag-viral na video tungkol sa
“pagwawala” ng isang babaeng opisyal na taga-NAPOLCOM, na si Anna Paglinawan,
at ayon sa balita ay “acting chief” ng Administrative Division ng nasabing
ahensiya, marami ang mapupunang blunder o pagkakamali, tulad ng mga sumusunod:
·
Ang “pagwawala” o pag-eskandalo
ng babae, na hindi dapat. Nagpakahinahon sana siya at kinausap ang mga sangkot
sa kaso, sa loob ng Barangay Hall. Subalit mabuti naman at inamin ng babae na
naging emotional siya.
·
Mali ang ginawang pagtapon ng
babae sa cellphone ni Kagawad Mike Almanza. Dahil ang pinangyarihan ng
insidente ay pampublikong lugar kaya hindi bawal ang kumuha ng video o retrato
maliban lang kung may nakapaskel na pagbabawal at galing sa local authority.
·
Hindi dapat nagbitaw ng mga
salitang “addict na kagawad” ang babae na ang tinutukoy ay si Almanza dahil
hayagang paninirang-puri ito kaya maaari siyang mademanda, maliban lang kung sa
oras na yon ay may hawak siyang ebidensiyang magpapatunay.
·
Ang mga pulis na nasa eksena ay
mali rin dahil kung hindi sila tinanong ng babae tungkol sa ID nila ay hindi pa
nila kinuha upang ipakita. Ang ID nila ay dapat nakadikit palagi sa uniporme
nila kung sila ay nagdo-duty. Halatang naunahan sila ng sindak dahil ang babae
ay nagpakilalang taga-NAPOLCOM, kaya sa kabuuhan ng video, makikitang wala
silang ginawa. Ang lalong nagpasama sa
sitwasyon ay ang pagtanggi ng isang “koronel” na kinausap niya ang babae dahil
lumalabas sa video na kausap siya nito
sa cellphone. Madalas gamitin ang ganitong style ng mga sinisitang mga matataas
na taong may nagawang violation lalo na sa trapiko…gasgas na gasgas na kaya
hindi epektibo.
Ang magandang ginawa ng NAPOLCOM ay
ni-relieve ang babae sa puwesto habang ginagawa ang imbestigasyon. Subalit
malakas ang mga “sigaw” sa social media na dapat daw itong tanggalin agad upang
hindi pamarisan. Hindi naman ito puwede dahil may “due process” na dapat sundin
batay sa internal administrative policies ng ahensiya at Labor Code ng
Pilipinas. Ang malinaw na hindi magandang resulta ng insidente ay pagbigay ng
“black eye” na naman sa kapulisan at kay Pnoy. At ang nakapanghihinayang ay ang
27 taon ng babae sa trabaho na mawawalan ng kabuluhan sakaling mapatunayang may
pagkakamali siya. Sa nabanggit na katagalan
niya sa trabaho, malamang siya ay magri-retire na. Kaya siya itinalagang
“acting” sa isang Division, ay malamang upang gawing regular din talaga para
pagdating ng retirement niya ang batayan ng kanyang mga benepisyo at pension ay
ang huling mataas na position sa trabaho. Dapat bantayan ang kasong ito.
Maganda ang ginawa ni Almanza na hindi na
nakipagbangayan sa babae. Bilang elected na local official, ipinakita rin niya
ang kanyang kahinahunan na tulad ng ipinakita ng dalawang pulis.
Maaari namang kontrolin ang hinahon at
gumawa ng mga pagkilos na naaangkop sa pangangailangan ng pagkakataon, at ito
ay inaasahang gagawin ng mga nasa gobyerno. May mga seminar para dito at malaki
ang ginagastos ng gobyerno upang ang mga opisyal at mga empleyado ay maging
karespe-respeto sa paningin ng mga mamamayan. Bukambibig sa kapulisan ang
“self-control and tolerance” o pagpipigil sa sarili at pagpapaubaya. Sa kaso ng
nag-viral na video, nakita ang dalawang katangiang ito sa dalawang pulis na
hindi nagri-react sa ginagawa sa kanila ng babae, pati na kay Kagawad Almanza.
Ibig sabihin, epektibo nilang nagamit ang natutunan nila sa training at
seminar.
Ang babae naman ay hindi nakapagpakita ng
pagkontrol sa sarili na inaasahan sa kanya, bilang bahagi ng isang ahensiyang
nagsisilbing “Ombudsman” o “Sandiganbayan” ng kapulisan. Ang mga nasa NAPOLCOM
ay inaasahang mga piling-piling mga pulis o sibilyang empleyado na malawak ang
kaalaman sa pagpapatakbo ng hukbo ng kapulisan. Ang ahensiyang ito ang
nagsisilbing “utak” ng nasabing hukbo kung saan ay ginagawa ang mga patakaran.
Kaya sana ang pangyayaring napanood sa nag-viral na video ay “isolated case”
lamang.
Ang isang government official na alam na
rin ng buong Pilipinas na hindi nahihiyang magpakita ng galit subalit
tinatanggap ng publiko dahil sa magandang dahilan ay si Mayor Rod Duterte ng
Davao City. Hindi siya nagagalit ng walang dahilan at ang pinagbubuntunan ng
galit niya ay mga masasamang tao. Kaya siya nagagalit ay hindi siya
pinapakinggan ng mga taong binibigyan niya ng babala at pagkakataong magbago…sa
halip ay tila sinusubukan pa nila ang kanyang pasensiya kung hanggang saan
aabot ito. Walang magawa si Mayor Duterte kundi ang kumilos ayon sa hinihingi
ng mga taong tinutukoy, kaya napipilitan siyang dumesisyon ayon sa nararapat –
ang ipakita sa mga tiwaling ito kung sino ang tama dahil ang inaalala niya ay
kapakanan ng nakararami.
Inaasahang kumilos para sa kapakanan o
pangangailangan ng mga mamamayan ang mga nagtatrabaho sa gobyerno lalo na ang
mga nakatalaga sa matataas na puwesto, sa paraang karespe-respeto. Ang tawag sa
mga taong ito sa Ingles ay “public servants” o “tagapagsilbi sa publiko o
mamamayan”. Sinusuwelduhan sila ng mga mamamayan upang magtrabaho ng maayos.
Ang masama lang, marami sa kanila na wala naman masyadong binatbat, kundi nakasuot
lang ng uniporme ng isang kilalang ahensiya, animo ay presidente na ng
Pilipinas kung umasta.
Ang dapat tandaan dito ng mga ordinaryong
mamamayan ay: kung may mga kamag-anak na
may mataas na katungkulan sa gobyerno, huwag nilang ipagyabang at isalang sa
kompromiso. At yon namang mga nasa gobyerno lalo na ang may sakit na
kayabangan, huwag ipagmalaki ang mataas
na katungkulan nila. Ang pagtawag sa kanila ng mga “inaapi” daw na mga kaanak o
kaibigan ay hindi rin nila dapat gamiting
oportunidad o pagkakataon upang makapagyabang.
Discussion