0

Sa darating nga APEC Summit, pansamantalang gugutumin ng gobyerno ang mga vendors...

Posted on Monday, 12 October 2015

Sa darating na APEC Summit, pansamantalang “gugutumin”
ng gobyerno ang mga vendors…
ni Apolinario Villalobos

Talagang tumitindi na ang pagka-hindi makatao ng gobyerno at pagka- mapagkunwari nito, maipakita lang sa buong mundo na talagang “maunlad” na ang Pilipinas dahil walang makikitang vendors sa mga bangketa at mga nagtutulak ng kariton ng mga hiniwang prutas, mani, at iba pang street foods pagdating ng mga kinatawan sa APEC.

Ang gusto ng sakim na administrasyon ni Pnoy Aquino, sila lang ang kakain sa loob ng panahong nagpapayabangan ang mga kinatawan sa nasabing kumperensiya, dahil pinagbawalang magtinda ang mga vendor. Gusto rin niyang ipakita ang Pilipinas, o Maynila na siyang showcase nito, sa mga darating na delegado, na malinis at maunlad tulad ng Singapore, na isang nakakahiyang pagkukunwari, dahil alam naman ng buong mundo ang tunay na kalagayan ng bansa. Ang kailangan lang naman ay magbukas ng internet at magbasa ng mga “tunay” na report, at tumingin sa mga nakakalunos na mga larawan ng  kahirapan, at nakakasukang naglulutangang basura sa mga estero at Pasig River.

Hibang na hibang ang administrasyon sa mga sinasabing “report” na umunlad na ang bansa at pangalawa pa sa buong Asya! Napakalinaw naman na kung unawaing mabuti ang kahulugan ng isang pag-unlad, dapat ito ay napapakinabangan ng mga mamamayan ng isang bansa, subalit walang ganitong nangyayari sa Pilipinas, dahil hanggang ngayon ay matindi pa rin ang kagutuman.

Iba ang “paglalagak” sa “pamumuhunan”. Ang paglalagak ay pag-iiwan ng mga kinitang tubo ng negosyo sa isang bansa upang lalo pang mapalago. Kabaligtaran dito ang  pamumuhunan lang ng negosyante dahil ang tubo o kita ay hindi niya iniiwan, sa halip ay inuuwi niya sa sariling bansa. Kung sa agrikultura, ang bansa ay parang isang tanimang inupahan lamang…. pagdating ng anihan, ang mga naani ay hinahakot ng kung sino man ang nagtanim, at kung may maiwan man sa may-ari ng pinagtamnang lupa, ito ay kakarampot lamang. At yan ang nakikitang huwad na “kaunlaran” ng taong may makitid na pananaw.

Ang gobyerno ay may responsibilidad na mangalaga ng kapakanan ng mga mamamayan…upang mapanatili ang kanilang kaligtasan sa lahat ng oras, at lalo na, upang hindi sila magugutom. Ngunit iba ang gobyerno ng Pilipinas – mayabang na sinungaling pa, hindi makatao at pinamumugaran ng mga korap na opisyal. Sa pamumuno ni Pnoy, halos wala na ngang  maipakitang nagawa ang gobyerno, sinusupil pa nito ang karapatan ng mga naaaping mabuhay ng marangal.



Discussion

Leave a response