Ang Nakakatawang Pagsisikap ng Ibang Pilipino Upang Mapagtakpan ang Kanilang Tunay na Pagkatao
Posted on Wednesday, 28 October 2015
Ang
Nakatatawang Pagsisikap ng Ibang Pilipino
Upang
Mapagtakpan ang Kanilang Tunay na Pagkatao
Ni Apolinario Villalobos
May mga Pilipinong nakatira ngayon sa ibang
bansa na nagpipilit pagtakpan ang kanilang pinagmulang bayang Pilipinas at
lahing Pilipino. Hindi sila nagtatago dahil may mga papeles naman sila. Ito ang
mga taong wala yatang kaluluwa dahil ikinahihiya “lang naman” nila ang bayang
sinilangan. Ayaw ko sanang gawin ang blog na ito. Naudyukan lamang ako ng
nadamang inis nang hindi ko inaasahang mapanood ang isang lumang youtube ng
XFactor na paligsahan sa pagalingan ng pag-awit, nang pasyalan ko ang isang
kaibigan. Ang XFactor competition ay nangyari sa ibang bansa.
May isang babaeng kasali, na sa mukha pa
lang ay halata nang Asyana, kahit pa nagpakulay ng buhok upang maging brown.
Hindi naman masyadong pango ang ilong, subalit sa hilatsa ng mukha ay
nagsuspetsa na akong Pilipina talaga. Ang halos kamukha lang naman ng mga
Pilipino ay yong mga taga-southeast Asian countries, subalit hindi naman mahilig
sa pagkanta ng English, kaya hindi ko naisip na ang babae ay Malaysian,
Indonesian, Thai, Cambodian, o Burmese.
Sa pag-English niya ay nahalata ko nang Pilipina talaga! Subalit nagtaka
ako dahil dinagdagan niya ang kanyang first name ng isang letra ganoon din ang
apelyido kaya kung bibigkasin batay sa spelling ay naging tunog banyaga.
Tama ang kutob kong Pilipina nga dahil sa
caption ng retrato niya na lumitaw sa screen ay sinabi ng Pilipinong nag-upload,
na ang contestant ay isang “kababayan”, subalit nang interbyuhin ng mga judges
at tinanong ang pangalan niya ay binigkas niya ito sa tunog banyaga at ang
pinanggalingan daw nia ay isang lugar ng bansang may pakontes. Isa sa mga
judges ang nagtaas ng kilay. Ang hindi
ko makalimutan ay nang banggitin niya ang kanyang apelyido na maaaring ang
original na spelling ay “Tagle” pero ginawa niyang “Teagle”, kaya nang bigkasin
niya ay naging “Te-gel”, hindi “Tag-le”. Kung dinagdagan pa siguro niya ng
letrang “N”, siguradong masagwa na itong pakinggan - censored. Ang mga judges
ay halatang umaasang sasabihin niyang taga-Pilipinas siya tulad ng ginawa ng
ibang Pilipinong kasabay niya na binigyan ng standing ovation. Hindi na-impress
ang mga judges sa kanyang pagkanta….nakarma!
Ang buhok ng Pilipino ay likas na itim,
hindi brown, subalit marami ang nagpapatina upang magmukha silang
“foreigner”kuno. Mabuti na lang at nauso ang mga glutathione drugs na
nagpapapusyaw ng balat kaya nagreresulta sa pagputi nito, na pwedeng bagayan ng
brown na buhok. Pero ang walang pambili ng glutathione ay nananatiling
kayumanggi kaya hindi nababagayan ng brown na buhok, lalo na kung ang mga
features ng mukha ay hindi naman kagandahan. Nagmumukha tuloy silang Badjao o
native ng Papua (New Guinea).
Ang
mga may colonial mentality naman, na nakalanghap lang sandali ng hanging
banyaga ay nagkaroon na ng amnesia…nakalimutan nilang galing sila sa isang
mahirap na bansa, subalit biniyayaan ng Diyos ng magagandang tanawin.
Nakalimutan nilang bahagi ng pagkain nila sa bansang pinanggalingan ay tuyo,
bagoong, pinakbet, kangkong, etc. May mga kuwento kasi na ang ibang Pilipino sa
Amerika ay nagpapalusot na Mexican daw sila, pero ang alam na Spanish ay ilang
pirasong kataga lang.
Mabuti na lang at marami pa ring mga
kababayang nakatira sa ibang bansa ang nagsasabi ng buong katapatan na talagang
miss na miss nila ang Pilipinas. Bilib naman ako sa mga apo ng isa kong kumpare,
at sa Amerika ipinanganak. Nang minsang kausapin niya ang mga apo sa Skype,
matatas silang sumasagot sa mga salitang Ilokano at Tagalog. Napansin ko ring
kapag lumingon sila upang pasingit na kausapin ang kanilang nanay, ay sa
matatas na Ingles naman. Nang kausapin ko ang tatay ng mga bata, sinabi nitong,
“mga Pilipino po kami dito sa bahay, uncle…mga pagkain namin ay Pilipino rin,
hindi kami nawawalan ng bagoong…kumakain kami ng pagkaing Amerikano sa labas
lang kapag namamasyal…at sa labas lang din kami umi-Ingles”. Ganyan dapat!
Ang ibinahagi kong kuwento ay taliwas naman
sa sitwasyon ng pamilya ng isa kong kaibigan na nasa Pilipinas pero
umaambisyong pumunta sa Amerika. Pinagbawal nilang mag-asawa na kausapin ang
mga anak nila sa Tagalog. Wala tuloy tumagal na kasambahay sa kanila.
Pinagsabihan ko ang kaibigan kong walang masama kung maging bi-lingual ang mga
anak nila dahil kahit matuloy sila sa Amerika, kailangan talagang marunong ng
sariling salita ang mga bata, dahil kung hindi ay pagtatawanan sila ng mga
kalaro nila. Hindi ko lang masabi na hindi naman maayos ang pagturo nila ng Ingles
sa mga anak nila, dahil sila mismong mga magulang ay maraming mali kung gumamit
nito . Isang beses narinig ko ang nanay na nagsabi sa bunsong anak ng, “stop
the cry or I will pak you”…(papaluin daw yata, pero hindi alam sa Ingles ang
katumbas ng “palo”, kaya ang ginamit ay tunog nito na “pak”). Sa malas,
tin-edyer na ang mga anak nila ngayon ay hindi pa rin sila nabibigyan ng
tourist visa man lang….karma pa rin!
Ito ang panahong dapat magkaisa tayong mga
Pilipino. Ang mga nasa ibang bansa ay dapat magpahiwatig na mayroon silang
pusong-Pilipino. Ang mga nandito sa Pilipinas ay dapat maging halimbawa sa pagpapakita ng tunay na
damdaming Pilipino. Kailangang makita ng buong mundo na batbat man ng korapsyon
ang gobyerno ng ating bansa, at marami tayong pilit nilulusutang pagsubok, matatag
pa rin tayo, marunong sa buhay kaya hangga’t kayang magsikhay ay nakakakain
maski papaano. Dapat ay maipakita nating hindi lang pera ang maaaring
magpaligaya sa isang tao, kaya kahit programa sa telebisyon na “Aldub” ay sapat
na upang tayo ay sumaya. Hindi tayo maselan bilang Pilipino, dahil kahit maliit
na biyaya ay pinapasalamatan natin sa Diyos. Kaya, hindi natin dapat ikahiya ang
ating pagka-Pilipino…dapat nating ipagmalaki
ang balat nating kulay kayumanggi at maitim na buhok!
Discussion