0

Ngayon lang nalaman ng Gobyerno ang Kakulangan sa Kaalaman sa Philippine History ng mga Estudyante???!!!

Posted on Thursday, 1 October 2015

Ngayon lang Nalaman ng Gobyerno
Ang Kakulangan sa Kaalaman sa Philippine History
Ng mga Estudyante??!!
Ni Apolinario Villalobos


Kung hindi pa dahil sa tanong mula sa mga kabataan at kumalat sa social media kung bakit palaging nakaupo si Apolinario Mabini, hindi pa nalaman ng mga kinauukulan sa gobyerno ang kawalan ng kaalaman ng mga kabataan tungkol sa mahahalagang bagay sa kasaysayan ng Pilipinas. Nakakahiya!!!

Pinalitan ng Asian Studies ang Philippine History sa High School. Nakakaduda rin kung may itinuturong kasaysayan sa mga mababang baytang ng mga paaralan. Sa dami ng mga “workbooks” na nakasilid sa animo ay maleta na bag ng mga bata, sila ay nalilito na kaya walang pumapasok halos sa kanilang kamuwangan. Paanong hindi pagdudahan ito, ganoong ang pagturo nga lang ng tamang pagbigkas ng mga letrang Pilipino lalo na ang letrang “R” ay hindi nga nagagawa ng  ibang titser. Napansin kong maski ang ibang mga titser mismo ay guilty sa maling pagbigkas ng letrang “R”. Para kasi sa kanila, ang pa-English na pagbigkas ng letrang “R” ay sosyal ang dating. Mariin kong nililinaw na hindi lahat ng teacher ay guilty sa pagpapabaya.

Nakakahiyang malaman na ang alam ng karamihan sa mga estudyante tungkol sa “Tandang Sora” ay yong kalye sa Quezon City. Bago rin  sa pandinig nila ang pangalang “Dagohoy”. Lalo na siguro ang pangalang “Sikatuna” at “Lakandula”, “Marikudo”, “Sumuroy”, “Maniwangtiwang”, at iba pa. Pero tanungin sila tungkol sa mga games sa internet at cellphone…lahat alam nila!

Nakakahiya ring malaman na ang ibang estudyante ay may kayabangan pang umaamin na kaunti lang ang alam nila tungkol sa Philippine History. Para sa kanila, walang class ang Philippine History, hindi tulad ng Information Technology, kaya mula sa paaralang halos walang itinuro dahil sa nakakalitong mga “workbooks”, hanggang sa pag-uwi kung saan ang aatupagin naman ay computer games at pagpi-facebook, ano pa ang aasahan sa mga kabataang kinabibiliban ni Rizal kaya itinuring niyang mga “pag-asa ng bayan”?

Sino ngayon ang may kasalanan?...marami! Kasama diyan ang korap na gobyernong manhid at bulag sa tunay na kalagayan ng sistema ng edukasyon, ang mga teacher na nakakalimot sa pagturo ng tamang asal at pagbigkas ng mga titik ng wikang Pilipino, ang mga magulang na pabaya dahil mas gusto pang nasa internet café ang mga anak upang hindi sila naiistorbo sa pangangapitbahay at pagtotong-its, ang mga barkada ng mga kabataang humahatak sa kanila tungo sa mga bisyo, at ang makabagong pamumuhay at teknolohiya kung saan nakakapulot ang mga kabataan ng mga karahasan dahil sa mga games na kanilang nilalaro.


Huwag nang magmaang-maangan. Tanggapin ang masakit na katotohanan tungkol sa kapabayaan na nagresulta sa kabobohan ng ilang mga kabataan, dahil hangga’t walang tinatanggap o inaaming kasalanan o kamalian… walang maitutuwid o maitatama.

Discussion

Leave a response