0

Ang "Singit-Bala" sa Manila International Airport

Posted on Thursday, 29 October 2015

Ang “Singit- Bala” sa Manila International Airport
Ni Apolinario Villalobos

Lahat na lang yata ng raket ay naiisip ng mga kawatang Pilipino, at batay pa mandin sa mga batas na umiiral dahil sinisilipan nila ng mga butas. Ang pinakahuli ay ang pagsingit ng bala sa bagahe ng mga pasahero sa airport, na ginagawa ng mga nakatalaga sa pag-inspect ng mga ito. Ang kapirasong bala na totoong itinuturing ng ibang mga Pilipino at ng ibang lahi na anting-anting dahil ito ay gawa sa tanso, ay hindi pinapalampas dahil sa katagang “ammunition” na nakapaloob sa batas. Subalit paano naman itong magiging deadly kung walang lamang pulbura at kahit may lamang pulbura ay walang kasamang baril? Magiging deadly weapon lamang ito kung itutusok sa mata o isasalaksak sa ilong ng kaaway upang hindi ito makahinga, o di kaya ay ipangiliti upang mamatay sa katatawa ang kalaban.

Kinakasangkapan ng mga hangal na mga tauhan ng OTS na nakatalaga sa pag-inspection ng mga bagahe ang kagipitan sa panahon o oras ng mga pasahero kaya nagmamadali lalo na ang may mga connecting flight, at upang hindi maabala sa biyahe ay pumapayag na lamang na “maglagay” ng dinidiktang halaga. Nabisto tuloy na talagang may sindikato sa airport na kung tawagin ay “OTS 500”. Hindi lang malinaw kung ang “500” ay tumutukoy sa minimum na lagay ng mga pasaherong ang bagahe ay tinamnan ng bala.

Ang Office for Transportation Security (OTS) na nasa ilalim ng DOTC na pinamumunuan ni Abaya, ay katumbas ng MMDA Traffic Constable Group - mga sibilyan. Ang nakapagtataka lang ay kung bakit nagkaroon pa ng ganitong grupo ganoong mayroon na rin namang AVSECOM, at kung sibilyang security group naman ang kailangan ay nandiyan din ang mga “blue guards”. Marami ang nakakapansin na dahil sa dami nila, karamihan ay pakalat-kalat na lang daw sa loob ng airport, lalo na sa check-in area.

Ang mga tauhan ng OTS ay kulang sa kaalaman sa paghawak ng maselang operasyon sa airport. May mga aspeto ang operasyon na matiyagang pinag-aaralan ng matagal ng mga miyembro ng airport police o aviation security, lalo na pagdating sa paggawa ng imbestigasyon. Subalit kung may nakaplano nang gagawing tulad ng raket na pagtanim ng bala sa bagahe, hindi na kailangan pang mga kaalaman dahil gagawa na lang sila ng “drama”…at ayos na!

Malaki ang problema ng Pilipinas dahil ang bukana nito na international airport terminals ay pinamumugaran ng mga kawatan, kaya pagdating pa lang ng mga balikbayan at turista, masusuka na agad sila sa umaalingasaw na amoy ng katiwalian. Ang pinakahuling raket ng mga kawatang ito ay nakakatawa ngunit nakakaperwisyo ng malaki. Magsunud-sunod ba naman ang mga insidenteng nahulihan daw ng bala sa bagahe, kaya parang lumalabas na bago umalis ang mga pasahero ay dumadaan silang lahat sa Quiapo upang bumili ng bala na gagamiting anting o di kaya ay nakipagkita sa isang ermitanyo sa paanan ng bundok Banahaw upang bumili nitong balang anting-anting. At, dahil sa mga karanasan ng mga paalis na mga turista, paano pang aasahang lalakas ang turismo ng bansa, dahil may kasabihang, : news flies fast by word of mouth.

Ang Malakanyang naman ay walang ginagawa o hindi kumikibo, kahit tumitindi na ang mga pangyayari. Ang patakaran kasi ni Pnoy ay hayaan ang mga ahensiya na umaksyon sa kani-kanilang balwarte. Ang masama lang ay mahina ang mga namumuno kaya walang napaparusahan, dahilan upang lumakas ang loob ng mga tauhang na nasa “ibaba” ang gumawa ng kalokohan. Yan ang matuwid na daan ni Pnoy Aquino…at ano pa nga ba ang pakialam niya dahil patapos na ang kanyang termino?



Discussion

Leave a response