0

Sa Panahon ng APEC Summit Daan-daang Flights ang Kakanselahin!

Posted on Wednesday, 21 October 2015

Sa Panahon ng APEC Summit
Daan-daang Flights ang Kakanselahin!
Ni Apolinario Villalobos

Ang APEC Summit, November 16-20, na tinanggihang i-host ng isa pang southeast Asian country na mas hindi hamak na may kakayahan, at sinalo naman ng Pilipinas ay magdudulot ng trahedya sa industriya ng biyaheng panghimpapawid dahil sa daan-daang kanseladong flight. Ang dahilan ng MIAA ay upang bigyan ng kaluwagan ang airport para sa mga darating at aalis na mga eroplanong gagamitin ng mga pinuno ng mga bansang dadalo sa nasabing pagtitipon. Sa panahong yon ay magigigng katawa-tawa ang Pilipinas sa paningin ng ibang bansa, dahil nagpauto at nagyabang na naman. Ang mangyayari sa Pilipinas ay parang isang probinsiyanong gumastos ng malaki upang makapaghanda ng todo pagdating ng kapistahan sa lugar nila, ganoong inutang lang ang pera. Ang kayabangan nga naman, kung umiral!

Maliban sa pagkansela ng mga flight, ang gobyerno ni Pnoy ay maglilinis ng mga bangketa at kalsada sa metro Manila upang walang makitang pagala-galang mga gusgusing nagtitinda ng mineral water at mani, lalo na ang mga nakatira sa bangketa na ang tinatawag na “tahanan” ay ang tinutulak na kariton. Siguradong mamumutok sa dami ang mga pampublikong gym, at covered courts ng mga barangay na pagdadalhan sa kanila. Subalit masuwerte ang madadala sa mga mamahaling resort tulad ng nangyari noong dumating si pope Francis, ang pinuno ng Vatican. Samantala, ang mga pamilya naman ng kawawang mga Pilipinong umaasa ng kabuhayan sa paglalako ngunit walang puwesto sa palengke ay isang linggo ring magugutom.

Gustong ipakita ni Pnoy sa mga bisitang akala niya ay hindi nagbabasa ng mga balita sa internet, na “totoo” nga ang sinasabi ng mga survey na umuunlad ang bansa. Ganoong sa totoo lang, ay pekeng pag-unlad pala! Bilang respeto, aayunan siya ng mga bisita, pero sa loob-loob ng mga ito, alam nila ang tunay na kalagayan ng bansa, dahil hindi naman sila mga bobo at tanga.

Ilang bilyong piso ang hindi inalintana ni Pnoy na mawawala sa mga negosyong apektado ng walang kuwentang pagtitipon. Pero, sa isang banda, hindi naman kaya sila pinangakuan ng “kapalit”, halimbawa ay “kaluwagan” o “write off” sa buwis? Wala namang cash na pang-refund ang gobyerno sa mga kalugian, eh di, idaan na lang sa collectible na tax!

Wala namang kabutihang idinudulot ang APEC at kung anu-ano pang kaek-ekang mga organisasyon ngayon ng mga bansa dahil kinokontrol lahat ng China, lalo na ang ekonomiya ng mga ito. Dahil dito, ano pa ang pag-uusapan ng mga pinuno, ganoong mas marami silang mga domestic problems na dapat asikasuhin sa bayan nila, tulad ng nalulugi nilang ekonomiya, krimen, droga at marami pang iba? Anong pagtutulungan ang pag-uusapan kung ang mga kalakal at paggalaw ng mga ito ay kontrolado ng China? Gumastos lang sila para sa junket na pagtitipon, samantalang lalo namang pinagdusa pa ni Pnoy ang mga kawawa nang mga Pilipino dahil sa abala at gastos na walang silbi!

Sa buong isang linggong pagtitipon ng APEC, luluwag ang kalsada dahil halos walang bibiyaheng mga bus at jeep. Gutom ang mga driver. Ang mga may kotse ay pupunta na lang sa probinsiya kung meron silang mapapasyalang kamag-anak upang makaiwas sa isang linggong gastusan kung sa resort sila titigil. Ang masaya ay mga may-ari ng malls at internet café dahil siguradong iistambayan ng mga magsasawa sa kapapanood ng Aldub kalye serye. Malamang, bukod tanging LRT at MRT ang mamamayagpag sa pagbiyahe, ang problema nga lang ay palagi namang naaaberya. At ang nakakatakot, ay baka lahat ng mga mamamasyal sa Luneta ay kakapkapan for security reason! Kaya itong gawin dahil may mga gate na ang Luneta na isinasara pa nga kung hatinggabi at binubuksan sa umaga, na para na ring mall. Yan ang Pilipinas sa ilalim ni Pnoy!


Marami tuloy ang nagsasabi na bumunot nga ng barahang panghuling hirit si Pnoy, bulilyaso pa. Kaya madadagdagan na naman ang malalagay sa pahina ng libro ng kasaysayan ng Pilipinas tungkol sa kanya, bilang presidenteng puro palpak daw ang ginawa, hanggang sa huling sandali ng panunungkulan. Baka gusto rin niyang magkaroon ng pelikula na tulad ng kay Heneral Luna, yon nga lang iba ang tema….siguradong hindi aayon sa kanya.

Discussion

Leave a response