Ang Tiyahin kong si Maling Pabilona at ang Anak niyang si Fely Segura
Posted on Sunday, 11 October 2015
Ang
Tiyahin kong si Maling Pabilona
At
Anak niyang si Fely Segura
Ni Apolinario Vllalobos
Tuwing sasapit ang panahon ng pulitika,
naaalala ko palagi ang tiyahin kong si nanay Maling (Amalia) Pabilona. Nasa elementarya
ako nang una kong masaksihan at marinig kung paano siyang magsalita sa harap ng
mga tao sa maliit naming liwasan upang mangampanya. Malutong at tumataginting ang
kanyang boses habang ikinukumpas ang kamay na may hawak na tabako. Siya ang
unang babaeng konsehal sa bayan namin. Ang gabing yon ang una at huli kong
pagdalo sa “rally” ng mga nangangampanya dahil hindi na ako pinayagan ng nanay
naming manood uli. Tulad ng inaasahan, palagi siyang nananalo, hanggang maging
vice-mayor.
Tuwing dalhin ako ng nanay namin sa kanila,
hindi pwedeng hindi niya ako halikan dahil bunsong lalaki ako sa aming
magkakapatid. Siyempre, malakas ang amoy ng tabako pero tiniis ko dahil
binibigyan naman niya ako ng tinapay o kendi. Habang nag-uusap sila ng nanay
ko, pinapanood ko sila – ang nanay ko ay panay dura dahil sa pagnganganga niya,
at si nanay Maling naman ay panay ang hitit ng tabako at pitik dito upang
matanggal ang abo. Tulad ng nanay ko, maliit si nanay Maling, pero pareho
silang nirerespeto sa amin dahil sa tapang nila. Kilala si nanay Maling na
matulungin, pero matindi kung magalit, walang pinipili sa mga pinapagalitan
basta napatunayang niyang nagkamali. Nakita ko kung paano niyang pagalitan ang
isang lasing na sumuka sa tabi ng Rapacon Store, ang pinakamalaking tindahan sa
amin noon. Nagtakbuhan ang mga tao dahil sa takot. Malapit lang ang Rapacon
store sa kanila, kaya napuntahan niya agad nang may magsumbong sa kanya.
Pingalitan niya ang lasing at pinalinis dito ang bangketang niya.
Masipag siyang mag-ikot sa loob ng palengke
upang alamin kong may mga problema. Nakikita ko siya palagi, dahil palaging
dumadaan sa puwesto na nagtitinda ng tuba, na sa harap lang din ng tindahan
namin ng tuyo. Pinagbibilinan niya ang mga nag-iinuman na huwag magpakalasing.
Sa pag-ikot niya minsan, pinagalitan niya ang babaeng arkabalista (nagtitinda
ng arkabala o tiket para sa mga puwesto), dahil sinipa nito ang bilao ng
tindera na walang pambayad ng tiket. Pinapulot niya sa arkabalista ang kumalat
na mga panindang kamatis at sibuyas-dahon, pati siya, nakipulot din.
Nang mamatay ang mga magulang namin, nagtrabaho
akong pahinante sa umupa ng bahay namin na ang negosyo ay pag-repack ng biscuit
at paggawa ng suka at toyo. Hindi alam ni nanay Maling, kaya nagalit siya nang
makita akong nagtutulak ng kartelyang may mga kahon ng suka upang i-deliver sa
isang tindahan. Pati ang nakakatanda kong kapatid ay pinagalitan niya. Nang panahong
yon kasi ay nasa second-year high school pa lang ako.
Nasa Maynila ako noong mamatay si nanay
Maling, na nalaman ko nang minsang umuwi ako. Nagtaka kasi ako kung bakit
sarado na ang dating puwesto nila. May nakausap ako sa kanila na isa pang
tiyahin. Noon ko rin nakita ang pinsan kong si nene Fely, pagkalipas ng mahigit
sampung taon, mula nang umalis ako sa amin, kaya halos hindi na niya makilala.
Makalipas ang ilan pang taon, pag-uwi ko
uli, Mrs. Segura na si nene Fely at konsehal na rin sa amin. Tulad ni nanay
Maling masigasig din siya bilang konsehal, dahil kung saan-saang liblib na
baryo siya nakakarating makadalo lang sa lamayan. Sa mga kuwentong narinig ko,
matapang din siya sa kabila ng hindi magandang sitwasyon sa amin noon, dahil sa
mga awayan sa pagitan ng mga sundalo at rebelde. May nagsabi na kilala na ng
mga tao ang kanyang sasakyan, kaya siguro saan man siya makarating ay walang
gumagalaw sa kanya.
Ang hindi ko makalimutang mga kuwento ay
tungkol sa kaluwagan niya sa pera. Handa siyang tumulong, basta mapatunayan
lang niyang talagang nangangailangan ang lumalapit. May mga nagkuwento pa na
kahit nasa sasakyan siya at may masalubong na prusisyon na maghahatid ng patay
sa simbahan o sementeryo, kahit hindi niya kilala ay tumitigil siya, bumababa
upang makiramay at yumakap sa namatayan, sabay bigay ng abuloy, maliban pa sa
mga baryang iniitsa sa mga nakikipaglibing.
Ang kaibahan ni nene Fely sa kanyang nanay
ay malumanay siyang magsalita, samantalang si nanay Maling ay mataginting at
malutong ang boses, may katigasan. Hindi rin nagtatabako si nene Fely, dahil
siguro pinagbawalan ng asawa. Nang magpahinga sa pagka-konsehal ang pinsan ko,
nabalitaan ko na lang na sumabak na rin sa paglingkod sa bayan ang anak niyang
si Remos na ayon sa mga kuwentong narinig ko tuwing uuwi ako, ay mabuti naman
daw ang trabaho bilang konsehal.
Maraming paraan ang paglingkod sa kapwa.
Ang paraan ko ay iba dahil hindi ko kaya ang pulitika kaya bilib ako sa tiyahin
kong si nanay Maling, pinsan kong si nene Fely, at ngayon naman ay pamangking
si Remos, na sana ay tumatahak sa tamang daan, kahit hindi matuwid, basta ang tinutumbok
ay kapakanan ng bayan.
Discussion