Mga Anay ng Lipunan
Posted on Saturday, 3 October 2015
Mga
Anay ng Lipunan
Ni Apolinario Villalobos
Nakakalungkot isiping hindi lang ang
gobyerno ng Pilipinas ang pinoproblema ng mga Pilipino dahil sa hindi nito maayos
na pamamahala, kundi pati na rin mga kababayan mismong hindi marunong mamuhay
ng parehas – silang mga manloloko, mga manggagantso, mga sindikato, na animo ay
mga anay na unti-unting nagwawasak ng pangkalahatang pamumuhay ng mga
mamamayan.
Nariyan ang mga kidnaper sa Mindanao na
kung tawagin ay Abu Sayyaf, at iba pang grupo na nakakalat sa iba’t ibang lugar
ng Pilipinas, ang mga holdaper, mandurukot, illegal recruiter, mandarayang
nagtitinda sa palengke, akyat-bahay, dugo-dugo gang, drug pusher, drug lords,
at napakarami pang iba.
Sa Maynila, hindi ligtas ang mga pasahero
sa bus dahil sa “dura gang”, “laglag-barya gang”, “ipit gang”, at mga holdaper
mismo na malakas ang loob sa pag-akyat sa mga bus. Hindi pa rin nawawala ang
“riding- in- tandem” na nang-aagaw ng bag. Pati mga sindikatong nangingidnap ng
mga bata upang gamiting namamalimos sa mga matataong lugar ng lunsod.
Iba pa rin ang mga umaakyat sa bus upang
magbasa ng Bibliya at pagkatapos ay mamimigay ng sobre upang lagyan ng pera ng
mga pasahero. Sakaling may dalawang grupo na gumagawa nito ang hindi nagkaalaman
na pareho pala ang sinakyan nilang bus, ano ang mangyayari? Nasaksihan ko yan…
Sabado ng umaga, pauwi na ako galing sa
Pasay at nakasakay sa isang bus, nang sa bandang likuran ko ay may tumayong
lalaki at biglang nagbasa ng Bibliya. Nakakailang linya pa lamang siya ay may
babaeng may edad na, maayos ang pananamit at naka-sun glass pa ang biglang
sumulpot sa bandang harapan ng bus at namigay ng mga sobre. Biglang tumigil sa
pagsasalita ang lalaki at pilit tinatanong ang babae kung anong grupo ang
kinaaaniban niya. Hindi sumasagot ang babae, tuloy lang sa pamimigay ng sobre.
Hindi pala siya kasama ng lalaki.
Hindi pa nakaka-recover ang lalaki sa
pagkabigla ay biglang may rumepeke naman sa pagbasa ng bibliya sa likuran niya.
May kasama pala ang babaeng namimigay ng sobre. Hindi nagpatalo ang lalaki,
nagsalita rin siya….palakasan sila ng boses. Sa inis ko, binulyawan ko sila, at
talagang minura. Tumigil ang babae sa pamimigay ng sobre at umupo sa likod,
tumahimik din ang kasama niya. Ang lalaki naman ay hindi ko pinagsalita, at sa
hiya ay bumaba sa unang bus stop na tinigilan namin. Ang mga babae naman ay
hindi na kumibo.
Bago ako bumaba ay pinagalitan ko uli ang
mga babae dahil pinipilit nilang para daw sa kalamidad ang perang malilikom
nila. Bistado naman talagang sindikato dahil wala silang suot na ID kung
talagang lehitimo silang NGO. Ang sabi ko sa kanila, sila ang kalamidad.
Talagang pinahihirapan ang mga Pilipino ng
mga kabi-kabilang panloloko – mula sa gobyerno, hanggang sa kapwa Pilipino….sila
ang mga anay ng lipunan!
Discussion