0

Ang Isang Tao ay Puwedeng Maging Lider Batay sa Likas Niyang Talino at Ugali

Posted on Sunday, 18 October 2015

Ang Isang Tao ay Pwedeng Maging Lider
Batay sa Likas Niyang Talino at Ugali
Ni Apolinario Villalobos

Ambisyong palpak ang bumubulag sa isang tao na gustong maging lider kahit sa simula pa lang ay alam niyang hindi niya kayang gawin ito. Hindi masama ang mangarap o mag-ambisyon pero dapat ilagay sa ayos upang hindi pulaan ng iba. Ang ganitong sitwasyon ang nakita, hindi lang ng buong bansa, kundi buong mundo nang magdagsaan sa COMELEC ang mga may ambisyon na maging Presidente ng Pilipinas. Ang nakakabahala ay ang isipin ng mga taga-ibang bansa na kaya pala ganito ang kalagayan natin ay dahil sa mga may sayad sa pag-iisip na gustong maging Presidente. Ang karamihan sa nagparehisitro sa COMELEC ay halatang pinag-aralan ang mga kilos at sasabihin upang makakuha ng atensiyon kaya nagmukhang kawawa dahil pinaglaruan lamang ng mga usisero at taga-media. Sa panahong yon, naabuso na naman ang Kalayaan at Demokrasya dahil sa mga taong hangal at may sayad sa utak. Hindi dapat gamitin ang Demokrasya upang “malayang” gawin ang lahat ng gusto, lalo na ang pagsalaula sa sagradong pagpili ng Presidente ng Pilipinas. Hanggang kaylan tatagal ang ganitong kahinaan ng COMELEC, na sana ay may pinatutupad na mga alituntuning maayos, walang mga butas na nasisilip ng mga taong may diperensiya sa pag-iisip? Repleksiyon ba ang kahinaang ito ng uri ng mga taong nagpapatakbo ng nasabing ahensiya?...nagtatanong lang.

Hindi madaling maging lider ng isang maliit na grupo man lang, lalo na ng buong bansa tulad ng Pilipinas. Mapalad ang isang taong may likas na katalinuhan at ugali na angkop sa pagiging lider, dahil ang mga nakapaligid sa kanya ang kumikilala sa mga ito, kaya hindi na niya kailangan pang ipilit upang mapansin. Lumilitaw ang mga katangian niya sa mga kalagayang hindi inaasahan tulad ng kalamidad at agarang pagbigay ng tulong sa iba kahit sa normal na sitwasyon. Subalit maliban sa dalawang nabanggit na katangian, dapat mayroon din siyang tiyaga, determinasyon o katapangan, at pasensiya. Sa madaling salita, ang isang taong likas na matalino, kahit pa nakapagtapos ng kolehiyo, at mabait, ay mahihirapang maging lider kung wala siyang tiyaga at pasensiya, lalo na kung walang determinasyon o tapang sa pagpapatupad ng mga panukala, o utos na dapat masunod. Ang mga iyon ang maglilinang ng respeto para sa kanya bilang lider.

Si Manny Pacquiao ay isang halimbawang nag-ambisyong makilala ng tao. Natanim sa isip niya ang masidhing pagnanais na maipakitang ang kahirapan ay hindi dapat ituring na hadlang upang umunlad ang isang tao. Nagtagumpay naman siya – sa sports. Subalit naudyukan siya ng mga nakapaligid at may balak gumamit sa kanya, na pwede siyang pumasok sa pulitika na ginawa naman niya at nagtagumpay bilang kongresman ng kanilang lalawigan. Tulad ng inaasahan ay ampaw ang tagumpay niya sa pulitika, walang laman, walang sustansiya dahil nakikita namang hindi niya kaya ang trabaho bilang kongresman. Kung gumagalaw man ang opisina niya, ito ay dahil sa mga taong sinusuwelduhan niya upang gumawa ng mga panukala, kaya hanggang pirma na lamang ang papel niya. Nakita naman ng buong bansa na ang panahon niya ay nagamit sa mga ensayo at pagsabak sa boksing. Hindi pa nakuntento ang mga hangal na umuuto sa kanya, dahil gusto pa siyang patakbuhin bilang presidente ng Pilipinas! Ngayon, dahil sa katanyagan niya sa boksing, sumabak na rin sa pulitika ang iba niyang kaanak, lalo na ang asawa, siyempre, dala kasi ang apelyidong “Pacquiao”.

Masakit na sa tenga ang parang sirang plakang linya ni Pacquiao na, “gusto kong makatulong sa mga kababayan (o kapwa) ko”, dahil malabo itong matutupad kung ang iniisip niya ay “gumawa”  ng mga panukala na maaaring hindi maaprubahan, at kung maaprubahan man ay hindi rin maisasakatuparan tulad ng mga libo-libong panukala na inaagiw sa kongreso at senado dahil walang budget. Kung gusto niyang tumulong, lumabas siya sa pulitika para hindi siya magamit ng ibang pulitiko, magtayo siya ng mga boxing gyms sa buong Pilipinas at Foundation para sa mga scholars, at higit sa lahat, ng mga negosyo upang magkaroon ng mga trabaho… ganoon lang ka-simple at wala pang gagamit sa kanya. Sa madaling salita, pasukin niya ang larangan ng negosyo at maging pilantropo, tulad ni Henry Sy ng SM. Huwag na niyang dagdagan ang mga panlolokong ginagawa ng mga pulitikong nagkaugat na ang mga puwet sa pagkakaupo sa kongreso at senado dahil sa hangaring magpayaman. Huwag na niyang dagdagan ng batik ang nagpuputik nang dumi ng pulitika sa Pilipinas.

Ang tao ay hindi dapat maiinggit sa tagumpay na tinatamo ng iba. Ang ugaling maiinggitin ang lason sa kaisipan ng isang taong baluktot ang takbo ng isip. Tulad ng isang taong nakilala ko na nakabalita lang na tatakbo sa pagka-meyor ang kaklase niyang dating councilor sa kanilang bayan, ay gusto na ring tumakbo para sa nasabing puwesto, dahil hindi hamak na mas matalino daw siya, kaya valedictorian siya noong gumadreyt sila. Sana binalikan niya ang nakaraan nila noog nag-aaral pa sila, dahil nagkuwento ang pinsan niyang kumpare ko, na ang kaklase niyang tatakbo sa pagka-meyor ay magaling makisama, nagkukusa sa pagkilos kung may mga school activities, nangunguna sa sports, at higit sa lahat, may lakas ng loob. Taliwas naman sa ugali ng pinsan niyang makasarili kaya walang barkada, at umiiwas sa mga gawain kung may school activities. Ayaw daw paawat ang pinsan niya kaya nag-file ng candidacy.

Hindi dapat magyabang ang taong may ambisyong maging lider. Walang masamang gumamit ng lakas ng loob sa pagsuong sa pulitika. Lalong maganda kung magsimula sa ibaba, maliban na lang sa mga taong miyembro ng mga pamilyang nakababad na sa pulitika, yong mga tinuturing na “political dynasty”, kaya naging senador, kongresman, gobernador o meyor agad. Subalit para sa mga nag-aambisyon pa lang, dapat ay magsimula sa unang baytang ng pagsisikap – sa pinakamababa, tulad ng barangay o homeowners association o non-government organization (NGO). Doon masusubukan ang kanilang kakayahan at pagkatao kung angkop sila sa mas mataas pang tungkulin. Kung ang taong may ambisyong maging barangay chairman, halimbawa, ay hindi naman pala marunong makisama o tumutulong sa mga kapitbahay, kalimutan na lang niya ang ambisyon at magtraysikel na lamang, sigurado pa ang kita at hindi siya hihingan ng tulong, sa halip ay siya pa ang babayaran….. ng pamasahe.


 Humanga at tumulong sa mga kaibigan o mga kakilalang nasa larangan ng pulitika upang lalo pa silang magtagumpay, o di kaya ay kahit sa mga hindi kilala ngunit maganda ang mga hangarin para sa bayan. Kailangang marunong tayong tumanggap ng ating kahinaan at kakulangang mga katangian, kaya hindi tayo pwedeng maging isang epektibong lider. Sa isang banda, kung hanggang suporta lang ang kaya, gawin natin ito ng maayos at taos sa puso, dahil kung hindi matibay ang suporta ng isang lider, magiging dahilan ito ng kanyang pagbagsak, na upang maiwasan ay kinakailangang suportahan, simpleng tulong nga…..mahalaga naman.

Discussion

Leave a response