0

Ang Pinaniniwalaan ay Dapat Gawin

Posted on Tuesday, 20 October 2015

Ang Pinaniniwalaan ay Dapat Gawin
Ni Apolinario Villalobos

Marami ang may gustong maging “in” sa lahat ng bagay, kasama na diyan ang tungkol sa mga bagay na ispirituwal. Yong iba ay dumadalo sa mga weekend preaching ng mga sikat na evangelists, dahil alam nila na may mga dumadalo ding celebrities. At lalung-lalo kung may slot ito sa TV, kaya sikat, magandang pag-usapan sa mga party. Para bang sinabi nila na dahil okey sa mga celebrities ang preacher at may TV slot, okey ito sigurado. Ito yong mga excited sa pagkuwento na ang preacher ay magaling dahil mga de-kotse pa nga ang dumadalo, mga sikat na tao, mga artista.

Ang mga sini-share ng mga preachers na ito ay ganoon lang din naman, mula pa noong magsimula ang Kristiyanismo hanggang ngayong may mga pari at mga pastor na, na ang iba ay nasobrahan yata ng “paniniwala” kaya naging makasalanan na rin. Lahat ay tungkol sa pagmamahal sa Diyos at kapwa. Bakit kailangan pang makarinig ng salita ng ibang tao upang gawin ito, ganoong marami na tayong nakikita sa ating paligid na dapat ay gamitan nito? Ilang libong taon na mula nang sabihin ito ni Hesus, nababasa sa Bibliya, naririnig sa mga simbahan….hindi pa rin ba natin naiintindihan?

Marami sa mga ganitong mga spiritual kuno ay ni wala ngang concern sa mga miyembro ng kanilang pamilya, lalo na mga anak. Marami diyan na hindi na natakot sa pagsabi na pagod na sila sa pagiging tatay at nanay nila, ganoong may mga anak pa silang maliliit. Nirereklamo ang masamang ugali ng anak…kaya yong isang nag-open sa akin ay binara ko ng, “bakit hindi mo tinuruan ng magandang ugali ang mga bata noong maliit pa lang sila?”.  Dinagdagan ko pa ng pasaring na alangan namang kapitbahay pa ang magtuturo sa mga anak niya. Mayroon diyang nag-aalaga ng mga hayop at halaman, hindi naman inaasikaso na mabuti, dahil ang gusto lang pala ay ayaw patalo sa mga kapitbahay na may mga ganito ring alaga. Ang inggit ay isang napakasamang ugali, hindi man ituro ni Hesus….common sense lang ang kailangan.

Nakakapanindig-balahibo ang ugali ng iba na ang pakay lang pala sa pag-attend ng mga religious activities, tulad ng Misa at weekend preaching sa mga kilalang venues ay upang magdispley ng bagong damit, ang iba backless at plunging neckline pa, pati mukha ay may makapal na make-up! Ang iba, ginagawang dahilan ang pagdalo sa ganitong mga pagtitipon, para sa susunod pa nilang “family bonding” kuno….isang biyahe na nga lang naman. Pero masama pa rin ang dating ng dahilan, dahil sa halip na magkaroon ng sincerity sa pakay ng pagdalo sa religious na pagtitipon, ang isip ay nakatuon na sa kung saang restaurant kakain pagkatapos. Para ring “paggunita” sa pasko na nakalimutan nang ito ay tungkol sa questionable na birthday ito ni Hesus….dahil ang sa isip nila tuwing pasko ay mesang puno ng pagkain, gifts, kumukutitap na bumbilya, Christmas tree, etc.

Simple lang naman ang dapat paniwalaan ng tao pagdating sa spirituality….na may Diyos, mahalin Siya, mahalin ang kapwa-tao at ibang nilalang na may buhay, respetuhin ang kalikasan at mundong tinitirhan natin…at ipakita ito sa mga kilos, hindi lang sa salita upang masabi lang ng iba na may alam ang isang tao…at nang hindi isiping nagkukunwari lang pala siya.

Discussion

Leave a response